Tuesday, March 27, 2012

Chapter 2 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 5 of 5)

Paano nga kung gayon ang sinoman ay makababahagi sa dugo at laman, kung ang isasabuhay na aral sa kalupaan ay ang mga sumusunod na aral nitong evangelio ng di pagtutuli,

HEB 6 :
1  Kaya nga TAYO’Y TUMIGIL NA NG MGA UNANG SIMULAIN NG ARAL NI CRISTO, at tayo’y mangagpatuloy sa kasakdalan; na huwag nating ilagay na muli ang kinasasaligan ng pagsisisi sa mga PATAY NA GAWA (kautusan), at ng pananampalataya sa Dios.

ROMA 4 :
15  Sapagka’t ang kautusan ay gumagawa ng galit; datapuwa’t KUNG SAAN WALANG KAUTUSAN AY WALA RING PAGSALANGSANG.

ROMA 5 :
13  Sapagka’t ang kasalanan ay nasa sanglibutan hanggang sa dumating ang KAUTUSAN, nguni’t HINDI IBIBILANG ANG KASALANAN KUNG WALANG KAUTUSAN.

Sila baga kung gayo’y kumain ng dugo at laman ni Jesus, gayong ayon sa mga talata na inihayag namin sa itaas ay tila baga kasukasuka ang mga bagay na yaon sa kanila. Na hindi karapatdapat kanin nilang lunod sa naguumapaw na kahangalan at kaululan.
Sa natitirang dako ng talata 14 ay paano ngang nangyari, na sa pamamagitan ng kamatayan ng taong si Jesus ay nasupil ang kamatayan, na di umano’y pinaghaharian ng diyablo? Hindi baga ang kailangan ay patuloy na mabuhay upang lumakas, at nang sa gayo’y masupil ang paghahari ng kasamaan sa kalupaan? Sa ano at kaninong sintido nga kung gayon kinuha ng may akda ang iginigiit niyang pagmamatuwid hinggil sa bagay ito?

Sa pagpapatuloy, kung ang kukunan ng pahayag ay yaong nilalaman nitong evangelio ng kaharian, na mga salitang mismo ay nangagsilabas mula sa bibig nitong si Jesus ay hindi gayon ang sinasabi, kundi yung ayon sa ilaw na itinanglaw namin sa mga nakaraang pahina. Nasaan nga kung gayon ang mga pangil ng kamatayan, kung ang sinoma’y gaganap sa mga sumusunod,

JUAN 5 :
24  Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo,  Ang dumirinig ng aking salita, at SUMASAMPALATAYA SA KANIYA NA NAGSUGO SA AKIN, ay may BUHAY NA WALANG HANGGAN, at HINDI PAPASOK SA PAGHATOL, KUNDI LUMIPAT NA SA KABUHAYAN MULA SA KAMATAYAN.

Katotohanan, at katotohanan ngang sinabi nitong Espiritu ng Dios na nasa kalooban ni Jesus, na sinomang didinig ng kaniyang tinig at salita (kautusan) at sasampalataya sa kabuoan ng ating Ama na nasa langit ay napakaliwanag na magtatamo ng buhay na walang hanggan. Sa gayong paraan nga’y napagtagumpayang masupil ang diyablo na may paghahari sa kamatayan.

Dahil dito ay walang kailangang pagbubuwis ng buhay ng sinoman, ni nitong si Jesus man. Sapagka’t maliwanag pa sa sikat ng araw na ang kaligtasan at buhay na walang hanggan ay hindi natamo ng sinoman sa kamatayan ni Jesus, kundi ito’y napagtagumpayan ng lahat ng mga banal sa pamamagitan ng dalisay na paraang inihayag sa itaas (Juan 5:24).

Pakatandaan nga ninyo na kahangalang maituturing na sabihing sinusupil ng kamatayan ang kapuwa niya kamatayan. Sapagka’t katotohanang buhay lamang ang kaisaisang nagtataguyod sa buhay at ito rin ang kaisaisang may sapat na lakas, na  walang anomang bumubunot sa mga matatalim na pangil ng kamatayan.

Ano nga? Sa pagnanais naming huwag mahulog sa bitag ng kamatayan (evangelio ng di pagtutuli) ay pinili naming pasukin ang pagkaalipin sa kautusan ng pagibig sa Dios at kautusan ng pagibig sa kapuwa (Mat 22:37-40). Sapagka’t katotohanan na ang sinomang nabibigkis sa tanikala ng nabanggit na kautusan ng ating Ama ay hindi nga maaagaw ng sinoman sa kaniyang kamay, na sinasabi,

EZE 34 :
31 At kayong mga TUPA ko, na mga TUPA SA AKING PASTULAN ay mga TAO (anak ng pagsunod), at ako’y inyong Dios, sabi ng Panginoong Dios.

JUAN 10 :
27  Dinidinig ng aking mga TUPA ang aking tinig (verbo), at sila’y aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa akin (kautusan):

28  At sila’y binibigyan ko ng walang hanggang buhay; at kailan ma’y hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinoman sa aking kamay.

Sa makatuwid ay napakaliwanag na binibigyan ng Ama nitong walang hanggang buhay ang nagsisisunod sa tinig (kautusan) ng kaniyang Espiritu, na nangagsilabas mula sa bibig nitong si Jesus at ng mga kasama niyang banal.

Sa kaliwanagan ng mga salita (evangelio ng kaharian) ay maging sukat sa inyo, upang mapagunawa na ang mga salitang minatuwid ng may akda sa talata 14, ay bunga lamang nitong hangal na usapang pinagkaisahang ipagsabi ng karumaldumal at kasukalsuklam na mga Gentil (Romanong pagano).

HEB 2 :
15  At mailigtas silang lahat na dahil sa takot sa kamatayan ay mangasailalim ng pagkaalipin (kautusan) sa boong buhay nila.

Sa talata 15 ay sinasabing silang lahat na dahil sa takot sa kamatayan ay napilitang magpasailalim sa pagkaalipin nitong kautusan ng Dios sa buong buhay nila. Sila ayon sa may akda ay ililigtas ni Jesus sa gayong tila kaawa-awang kalagayan, at kakalasin sa kanila ang tanikala na siyang mahigpit na bigkis ng kautusan. Upang sila'y maging malaya at sa gayo'y harapin ang bagong pag-asa ng kaligtasan. Sa makatuwid nga'y ipinahahayag ng may akda na ito'y sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesus na hiwalay sa umano'y mahina, walang kabuluhan, at inutil na kautusan ng Dios. Na sinasabi,

HEB 7 :
18  Sapagka’t NAPAPAWI ANG UNANG UTOS dahil sa kaniyang KAHINAAN at KAWALAN NG KAPAKINABANGAN.
19  (Sapagka’t ang KAUTUSAN AY WALANG ANOMANG PINASASAKDAL), at may pagpapasok ng isang pagasang lalong magaling (pananampalataya), na sa pamamagitan nito’y nagsisilapit tayo sa Dios.

Ang kautusan ng pagibig sa Dios na nakamit ni Moises sa bundok ng Sinai mula sa Ama nating nasa langit ay ang tinutukoy ng talata (Heb 7:18-19) na UNANG UTOS. Na ayon sa sariling opinyon ng may akda nitong sulat na pinamagatang, "Sa mga Hebreo," ay mahina, walang kapakinabangan (inutil), at sa pamamagitan nito'y binigyan ng diin na hindi mapapagtagumpayan at matatamo ninoman sa kaniyang buhay ang kasakdalan sa kabanalan.

Dito nga'y napakaliwanag na ang kabuoang nilalaman ng ilang nakaraang talata ay pawang paghihimagsik lamang sa mga kautusan ng Ama nating nasa langit at banayad na pagpapakilala sa isang huwad na Jesucrito. 

HEB 2 :
16  Sapagka’t tunay na hindi niya tinutulungan ang mga anghel, kundi tinutulungan niya ang binhi ni Abraham.

Isinasaad sa talata 16, na di umano’y hindi tinutulungan ng Dios ang mga anghel, kundi ang mga binhi ni Abraham. Hinggil sa mga anghel ay maliwanag ngang hindi napapagunawa ng may akda ang tunay na kahulugan ng salitang iyon. Sapagka’t ang katawagang anghel ay hindi entidad na may sariling persona, kundi ito’y gawain na ginagampanan nitong Espiritu ng Dios sa kalupaan.

Halimbawa’y "Moises," na ang ibig sabihin ay pagpapalaya sa pagkaalipin (Bil 20:16). Gayon din ang "Abraham," na ang ibig sabihin ay pagpaparami ng lahi. Na kinailangang gamitan ng kasangkapan sa kaganapan, sa makatuwid kung gayo’y ang kanilang mga katawan. Mula rito'y huwag kayong magkamali na turingang anghel ang personang kumakatawan sa pangalan, upang sila’y huwag ninyong matawag ng mga anghel, kundi yaong gawain ang ganap na nilalapatan nito.

Katotohanan nga na ang binihi ni Abraham, palibhasa’y mga binhi ng mabuting puno ay nagsikalat sa kalupaan na pawang mabubuti. Kaya nga ang ilan sa kanila sa bawa’t panahon ay ipinakikilala ng ating Ama, nang dahil sa nais niyang ihayag na ang anomang mabuting puno ay hindi maaaring magbunga ng masama. Sila ang sa taguri ay mga tupa (anak ng pagsunod), na kahi man maligaw ang ilan ay binabawi niya kung saan man sila mapadpad at ibinabalik sa kawan ng kaniyang mga tupa.

Ano pa’t sa lahat ng mga bansa ay mayroon siyang mga tupa, at sila ay yaong may galak sa pusong tumatalima sa tangi niyang kalooban (kautusan), na tanyag sa katawagang mga anak ng pagsunod. Sila kung gayo’y tinatangkilik ng Pastor (Dios) sa kaniyang kural (bayan) na kung saa’y pinagkakatipunan ng kaniyang kawan.

Datapuwa’t ang mga kambing ay nangasa labas nito, na sinasabi,

APOC 22 :
15  Nangasa labas ang mga aso, at ang mga manggagaway, at ang mga mapakiapid, at ang mga mamamatay-tao, at ang mga MAPAGSAMBA SA DIOSDIOSAN, at ang bawa’t nagiibig at gumagawa ng kasinungalingan (kambing).

Na sila ang lahi na naghihimagsik sa kalooban (evangelio ng kaharian) ng sarili nilang Ama na nasa langit, na nangagsisiibig at nagsisigawa ng kasinungalingan (evengelio ng di pagtutuli). Sa makatuwid baga’y yaong boong kalahiang nagsipaniwala sa matatamis at mapanghikayat na kabulaanan nitong si Pablo. Gayon din ang mga mangangaral, na sa ngayo’y may anyong lumalarawan sa diwa ng taong ito. Dahil dito ay kaawaawa ang kaluluwa ng lubhang karamihan na nangalaglag sa bitag niya ng kamatayan (evangelio ng di pagtutuli), noon at hanggang sa kasalukuyang panahon.

Ikinalulungkot naming ipahayag na isa man sa kanila’y walang nakaabot sa kalagayan ng isang tupa (anak ng pagsunod), sapagka’t silang lahat ay ganap ngayong nabibigkis sa tanikala nitong evangelio ng mga Gentil (evangelio ng di pagtutuli), na sadyang idinesenyo ni Pablo sa ikapagtatamo ng walang pagsalang kamatayan ng sinomang malalaglag sa bitag na ito.

HEB 2 :
17  Kaya’t nararapat sa kaniya na sa lahat ng mga bagay ay matulad sa kaniyang mga kapatid, upang maging isang dakilang saserdoteng maawain at tapat sa mga bagay na nauukol sa dios, upang gumawa ng pangpalubag-loob patungkol sa mga kasalanan ng bayan.

18  Palibhasa’y nagbata siya sa pagkatukso, siya’y makasasaklolo sa mga tinutukso.


Narito, at sa huling dalawang talata (17 at 18) sa kabanatang ito’y binuksan na ang usaping tumutukoy sa pagiging isang dakilang saserdote ni Jesus sa mga Gentil. Na sinasabing siya’y kailangang matulad sa mga kapatid niyang saserdote, upang gumawa ng mga pangpalubag-loob patungkol sa kasalanan ng bayan (iglesia ng mga Gentil). Na siya’y makatutulong sa mga tinutukso, palibhasa’y napagtagumpayan umano niyang supilin ang manunukso.

Hinggil sa saserdote ng Dios ay sinabi,

MAL 2 :
6  Ang KAUTUSAN tungkol sa KATOTOHANAN ay nasa kaniyang bibig, at ang KALIKUAN ay hindi masusumpungan sa kaniyang mga labi: siya’y lumakad na kasama ko sa KAPAYAPAAN at KATUWIRAN, at inilayo sa KASAMAAN ang marami.
7  Sapagka’t ang mga labi ng saserdote ay dapat mangagingat ng KAALAMAN, At kanilang marapat hanapin ang KAUTUSAN sa kaniyang bibig, sapagka’t siya ang SUGO ng Panginoon ng mga Hukbo.

DEUT 33 :
10  Sila’y magtuturo sa Jacob (Israel) ng iyong mga kahatulan. At ng iyong mga kautusan, sa Israel: Sila’y maglalagay ng kamangyan sa harap mo, At ng boong handog na susunugin sa ibabaw  ng iyong dambana.

LEV 10 :
11  At upang inyong maituro sa mga anak ni Israel ang lahat ng palatuntunang sa kanila’y sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.

Ang kalagayang saserdote na sugo ng kaisaisang Dios ay ganap na lumalapat kay Jesus, at tungkol sa katunayan sa gayon niyang kalagayan ay kaniyang sinabi,

MATEO 5 :
17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

18  Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang TULDOK o isang KUDLIT, sa anomang paraan ay HINDI MAWAWALA SA KAUTUSAN, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

MATEO 19 :
17  At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa mabuti? May isa, na siyang mabuti: datapuwa’t kung ibig mong pumasok sa buhay, INGATAN MO ANG MGA UTOS.

MATEO 22 :
37  At sinabi sa kaniya, IIBIGIN MO ANG PANGINOON MONG DIOS NG BOONG PUSO MO, AT NG BOONG KALULUWA MO, AT NG BOONG PAGIISIP MO. (Deut 6:5)
38  Ito ang DAKILA AT PANGUNANG UTOS.

39  At ang PANGALAWANG KATULAD ay ito, IIBIGIN MO ANG IYONG KAPUWA NA GAYA NG IYONG SARILI. (Lev 19:18, Mat19:19)
40  SA DALAWANG UTOS NA ITO’Y NAUUWI ANG BOONG KAUTUSAN, AT ANG MGA PROPETA.

MATEO 23 :
23  At inyong pinababayaang di ginagawa ang LALONG MAHAHALAGANG BAGAY NG KAUTUSAN, Na dili iba’t ang Katarungan, at ang Pagkahabag, at ang PANANAMPALATAYA: datapuwa’t dapat sana ninyong gawin ang mga ito, at huwag pinababayaang di ginagawa yaong iba.

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

Marahil ay sapat na ang mga inilahad naming katiwatiwalang katunayang biblikal sa itaas, upang itong si Jesus ay ganap na lumapat sa tunay niyang kalagayan bilang isang saserdote ng Dios, gaya ng iginigiit na katuwiran ng may akda nitong sulat, “Sa mga Hebreo.” Nguni’t ipinapapansin lamang namin sa inyo na ang kalagayang ito ni Jesus ay maliwanag na tumutukoy sa pagiging isang saserdote, na  tagapagtanggol ng mga kautusan ng pagibig sa Dios at ng mga kautusan ng  pagibig sa kapuwa. Sa tuwirang salita’y matatawag na serdote ng kautusan.

Bagay na siya nating gagawing patibayang aral pagdating sa usaping may kinalaman sa pagiging isang saserdote ng kautusan, alinsunod sa ipinahahayag na katotohanan nitong evangelio ng kaharian. Nang sa gayo’y masupil ang alin mang pagtatangka sa paglalapat ng ibang kalagayan kay Jesus. Sapagka’t hindi lingid sa inyong kaalaman, na ang pangulo ng mga Gentil (Pablo) ay hindi kakaunting ulit na nilapatan ng iba’t ibang hidwang kalagayan itong si Jesus, na kailan may hindi sinangayunan ng katotohanan.

Ano pa’t sa ilang sumusunod na kabanata sa sulat na ating hinihimay ay gayong inilapat kay Jesus ang pagiging dakilang saserdote ng mga Gentil, na umano’y bagong tagapagligtas ng kaluluwa at manunubos ng kanilang mga sala. Nakatuon ang buo nilang pananampalataya kay Jesus na hiwalay sa mga gawa ng kautusan. Sa gayo’y inilapat muli sa kalagayan nitong si Jesus ang isang dakilang saserdote na ganap ang paghihimagsik sa kautusan ng sarili niyang Ama na nasa langit. Sapagka’t tungkol sa usaping ito’y nagbigay diin sa ilang salita itong si Pablo, na sinasabi, 

GAL 2 :
16 Bagama’t naaalaman na ang tao ay hindi inaaring ganap sa mga gawang AYON SA KAUTUSAN, maliban na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, tayo rin ay nagsisampalataya kay Cristo Jesus, upang tayo’y ariing ganap sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at HINDI DAHIL SA MGA GAWANG AYON SA KAUTUSAN: sapagka’t sa mga gawang ayon sa kautusan ay HINDI AARIING GANAP ANG SINOMANG LAMAN.

GAL 5 :
2  Narito, akong si Pablo ay nagsasabi sa inyo, na, kung inyong tinatanggap ang pagtutuli, ay wala kayong mapapakinabang na anoman kay Cristo.
3  Oo, pinatototohanan kong muli sa bawa’t taong tumatanggap ng pagtutuli, na siya’y may kautangang tumupad ng boong kautusan.
4  Kayo’y hiwalay kay Cristo, kayong nangagiibig na ariing-ganap ng kautusan; nangahulog kayo mula sa biyaya.

ROMA 3 :
20  Sapagka’t sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay WALANG LAMAN na aariing-ganap sa paningin niya; sapagka’t sa pamamagitan ng KAUTUSAN AY ANG PAGKILALA NG KASALANAN.

GAL 5 :
6  Sapagka’t kay CRISTO JESUS, KAHIT ANG PAGTUTULI AY WALANG KABULUHAN, kahit man ang DI PAGTUTULI;  kundi ang PANANAMPALATAYA NA GUMAGAWA SA PAMAMAGITAN NG PAGIBIG.

ROMA 7 :
6  Datapuwa’t ngayon tayo’y nangaligtas sa kautusan, yamang tayo’y nangamatay doon sa nakatatali sa atin, ano pa’t NAGSISIPAGLINGKOD NA TAYO SA PANIBAGONG ESPIRITU, at hindi sa karatihan ng sulat.

Narito, at maliwanag pa sa sikat ng araw na itong si Pablo ay isinalarawan ang taong si Jesus sa kaanyuan ng isang suwail at lapastangan sa kautusan ng sarili niyang Ama na nasa langit. Sapagka’t aniya’y hiwalay kay Jesus ang sinomang nagpapasailalim sa umano'y walang laman at inutil na kautusan ng Dios, 

HEB 7 :
18  Sapagka’t NAPAPAWI ANG UNANG UTOS dahil sa kaniyang KAHINAAN at KAWALAN NG KAPAKINABANGAN.

19  (Sapagka’t ang KAUTUSAN AY WALANG ANOMANG PINASASAKDAL), at may pagpapasok ng isang pagasang lalong magaling, na sa pamamagitan nito’y nagsisilapit tayo sa Dios. 

Maliwanag din na ang turing nitong Jesus na itinatanyag ni Pablo sa kautusan ay mahina, hindi epektibo, at  inutil, dahil nga dito’y lumabas itong walang kakayanang pasakdalin ang sinoman. Ano pa’t sa kabila nito’y may ipinasok ang taong ito na umano’y bagong pagasa, na sa pamamagitan nito’y sinasabing sila’y nagsisilapit sa Dios. Sa makatuwid baga’y yaong pagasa nitong pananampalataya ng mga Gentil kay Jesus na hiwalay sa mga kautusan ng Dios. Na sinasabi,

ROMA 3 :
28  Kaya nga MAIPASISIYA NATIN na ang tao ay inaaring-ganap sa PANANAMPALATAYA na HIWALAY SA MGA GAWA NG KAUTUSAN.

Dahil dito’y nahayag sa inyo sa maliwanag ang dalawang (2) Jesus na kailan ma’y hindi umayon sa isa’t isa ang mga salita. Ang isa nga’y yaong Jesus sa evangelio ng kaharian na saserdote ng kautusan, at ang isa’y ang Jesus sa evangelio ng di pagtutuli na saserdoteng mapaghimagsik sa kautusan ng kaniyang Ama. Kung sila nga’y nasumpungang laban sa isa’t isa’y napakaliwanag na may tunay na Jesus at may huwad na Jesus sa kanilang dalawa (2).

Mula sa mga katiwatiwalang katunayang biblikal na sa inyo'y nalahad ay hindi magiging mahirap tukuyin ang tunay at huwad na Jesucristo. Sa dalawa'y ang Jesus ni Mateo at Juan (evangelio ng kaharian), laban sa Jesus ni Pablo (evangelio ng di pagtutuli). 

Ang kay Mateo at Juan ay maliwanag na paghahayag ng mga bagay at pangyayari alinsunod sa kanilang pagkakasaksi sa buhay ni Jesus (eyewitness account). Samantalang ang kay Pablo at sa may akda nitong "Sa mga Hebreo" ay mga opinyon at hakahaka (hearsay) lamang nila. Na kung lilinawin ay mga di-kapanipaniwala, at kadudadudang pahayag (aral), na kailan ma'y hindi sinang-ayunan ng mga salita na mismo ay nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus at nilang mga propeta ng Dios.

Hinggil dito ay matuwid tanggapin na eyewitness account ang kasusumpungan ng katotohanan, at mula sa patotoo nito ay maipasisiyang tunay na Jesucristo ang tinutukoy sa salaysay ng mga tunay na saksi (Mateo at Juan). Samantalang, mananatili sa kasinungalingan ang mga payahag o salaysay na naghihimagsik sa mga bagay na pinatototohanan ng mga totoong saksi. Huwad sa makatuwid ang Jesus na ipinakilala ng mga taong hindi nabibilang sa hanay ng mga saksi.

Dahil dito ay patuloy nyo ngang tamuhin ang biyaya ng katotohanan, ilaw, pagibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, sagad na buhay sa kalupaan, at buhay na walang hanggan sa kaluwalhatian ng ating Ama na nasa langit.










No comments:

Post a Comment