Saturday, March 31, 2012

Chapter 2 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 1 of 5)

Sa kabanata namang ito’y itinatampok ng may akda ang mga usapin na may kinalaman sa mga sumusunod,

1. Na ang ipinangusap na mga salita ng mga anghel sa mga tao noong una ay hindi naging matibay sa katarungan ng Dios. Dahil dito, ang kaligtasan ay binibigyang diin na ayon lamang sa mga salitang nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus, na pinatototohanan ng kaniyang mga saksi (labingdalawang apostol).

2. Si Jesus ay ginawang mababa ng kaunti kay sa mga anghel. (Bil 20:16)

3. Na sa pamamagitan nitong biyaya ng Dios ay ipinalasap kay Jesus ang kamatayan, upang tubusin ang kasalanan ng bawa’t tao sa sanglibutan.

Ang mga nabanggit na usapin sa itaas ay mga doktrinang pangrelihiyon na pumapaloob sa "evangelio ng di pagtutuli" ng kalipunang Gentil. Na mga katuruang di umano’y tinanggap nitong si Pablo mula sa espiritu ni Jesus na sumasa kaniyang kalooban. Sa gayong pagpapakilala sa mga nabanggit na aral ay hindi naging mahirap sa panig ng kalipunang nabanggit, na ang mga yaon ay tanggapin at paglagakan ng lubos nilang tiwala. Ito nga sa ngayo’y may tibay na pinaninindignan ng boong kasapi nitong iglesia ng mga Gentil.

Yamang sa panulat na ito’y binibigyang diin ng may akda, na ang nangagsilabas na mga salita ng kabanalan sa bibig nitong si Jesus ang siyang may ganap na timbang kumpara sa ibang aral. Bagaman ang lahat ng yao’y pinatototohanan lamang ng mga tunay na saksi ni Jesus ay pinagtitibay sa kabanatang ating tinatalakay, na ang evangelio na isinatinig ng taong si Jesus ayon sa kaniyang mga saksi ang kaisaisang patibayang aral pagdating sa larangan ng tunay na kabanalan sa kalupaan.

Dahil dito ay maliwanag na pinalalabas sa kabanata, na ang evangelio ng di pagtutuli (ayon kay Pablo) ay walang anomang ipinagkaiba sa evangelio ng kaharian (Dios) na isinatinig ni Jesus sa kaniyang kapanahunan. Bagay na sa inyo ay bibigyang namin ng kaukulang tanglaw, nang sa gayo’y mahayag sa maliwanag ang tunay na anyong lumalarawan sa ilang usapin na dito ay ibinangon ng may akda.

HEB 2 :
1  Kaya’t nararapat nating pagkatantuin ang mga bagay na narinig, baka sakaling tayo’y makahagpos.


2  Sapagka’t kung ang ipinangusap na salita sa pamamagitan ng mga anghel ay nagtibay, at ang bawa’t pagsalangsang at pagsuway ay tumanggap ng matuwid na parusa na kabayaran;


3  Paanong makatatanan tayo, kung ating pabayaan ang ganitong dakilang kaligtasan: na ipinangusap ng Panginoon (Jesus) noong una ay pinatunayan sa atin sa pamamagitan ng mga nakarinig;


4  Na pawang sinasaksihan naman ng Dios (Jesus) na kasama nila, sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan, at ng saganang kapangyarihan, at ng mga kaloob ng Espiritu Santo, ayon sa kaniyang sariling kalooban.

Narito, at sa talata 1 hanggang 4 ng kabanata 2 ay sinasabing nararapat na pakatalastasin ng lahat ang mga salitang narinig ng mga saksi mula sa bibig nitong si Jesus. Sapagka’t ang mga ipinangusap na salita (kautusan) ng mga anghel noong una’y tila walang naging anomang kabuluhan sa ikapagtatamo nitong kaligtasan ng sinoman sa kalupaan.
Kaya tanong ng may akda ay "paano makatatakas ang sinoman sa kapahamakan, kung hindi isasabuhay ang mga salitang pinatototohanan ng mga saksi, na kanilang narinig mula sa isinatinig ni Jesus na evangelio ng kaharian sa kaniyang kapanahunan."

Gayon nga ring hindi maikakaila na tinitiyak sa mga nabanggit na talata, na ang kaligtasan ng kaluluwa ay hindi kailan man natamo ng sinoman sa kalupaan, sa pamamagitan ng mga ipinangusap na salita (kautusan) ng mga anghel (Moises at iba pa) sa mga tao. Nang dahil sa ang mga yao’y nasumpungan ng buong kalahian ng mga Gentil ayon sa evangelio ng di pagtutuli na mahina, hindi epektibo, at inutil sa kaniyang layunin.

Datapuwa’t kung ang minamatuwid nitong evangelio ng di pagtutuli hinggil sa kautusan at pananampalataya ay isasangguni sa evangelio ng kaharian ay sasangayunan naman kaya nito ang bagay na iyon? Sa gayo’y atin nga iagapay ang aral na tungkol sa kautusan at pananampalataya ni Pablo sa aral ng kautusan at pananampalataya na nangagsilabas mula sa bibig nitong si Jesus.

Na sinasabi,

KAUTUSAN
Evangelio ng kaharian
(May bisa ayon kay Jesus)

MATEO 5 :
17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

18  Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang TULDOK o isang KUDLIT, sa anomang paraan ay HINDI MAWAWALA SA KAUTU- SAN, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

MATEO 19 :
17  At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa mabuti? May isa, na siyang mabuti: datapuwa’t kung ibig mong pumasok sa buhay, INGATAN MO ANG MGA UTOS.

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.


KAUTUSAN 
Evangelio ng di-pagtutuli
(Inutil ayon kay Pablo)

ROMA 3 :
20  Sapagka’t sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay WALANG LAMAN na aariing-ganap sa paningin niya; sapagka’t sa pamamagitan ng KAUTUSAN AY ANG PAGKILALA NG KASALANAN.

ROMA 4 :
15  Sapagka’t ang kautusan ay gumagawa ng galit; datapuwa’t KUNG SAAN WALANG KAUTUSAN AY WALA RING PAGSALANGSANG.

ROMA 7 :
6  Datapuwa’t ngayon tayo’y nangaligtas sa kautusan, yamang tayo’y nangamatay doon sa nakatatali sa atin, ano pa’t NAGSISIPAGLINGKOD NA TAYO SA PANIBAGONG ESPIRITU, at hindi sa karatihan ng sulat.

GAL 5 :
18  Datapuwa’t kung kayo’y pinapatnubayan ng Espiritu, ay WALA KAYO SA ILALIM NG KAUTUSAN.


PANANAMPALATAYA
Evangelio ng kaharian
(Buhay - may gawa ng kautusan)

MATEO 23 :
23  At inyong pinababayaang di ginaga- wa ang LALONG MAHAHALAGANG BAGAY NG KAUTUSAN, Na dili iba’t  ang Katarungan, at ang Pagkahabag, at ang PANANAMPALATAYA: datapu- wa’t dapat sana ninyong gawin ang mga ito, at huwag pinababayaang di gina- gawa yaong iba.

SANT 2 :
14  Anong pakikinabangin, mga kapatid ko, kung sinasabi ng sinoman na siya’y may PANANAMPALATAYA, nguni’t WALANG MGA GAWA? makapagliligtas baga sa kaniya ang pananampalatayang iyan?

17  Gayon din naman ang PANANAMPALATAYA NA WALANG MGA GAWA, ay patay sa kaniyang sarili.

18  Oo, sasabihin ng isang tao, Ikaw ay mayroong PANANAMPALATAYA, at ako’y mayroong mga GAWA: ipakita mo sa akin ang iyong PANANAMPALATAYANG HIWALAY SA MGA GAWA (Kauutusan), at ako sa pamamagitan ng aking mga GAWA ay ipakita sa iyo ang aking PANANAMPALATAYA.


PANANAMPALATAYA 
Evangelio ng di-pagtutuli
(Patay - walang gawa ng kautusan)

GAL 2 :
16 Bagama’t naaalaman na ang tao ay hindi inaaring ganap sa mga gawang AYON SA KAUTUSAN, maliban na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, tayo rin ay nagsisampalataya kay Cristo Jesus, upang tayo’y ariing ganap sa pamamagitan ng pananampa- lataya kay Cristo, at HINDI DAHIL SA MGA GAWANG AYON SA KAUTUSAN: sapagka’t sa mga gawang ayon sa kautusan ay HINDI AARIING GANAP ANG SINOMAN.

GAWA 13 :
39  At sa pamamagitan niya ang bawa’t nananampalataya ay inaaring ganap sa lahat ng mga bagay, na sa mga ito’y HINDI KAYO AARIING GANAP sa pamamagitan ng KAUTUSAN NI MOISES.

GAL 3 :
11  Maliwanag nga na sinoman ay hindi inaaring-ganap sa KAUTUSAN sa harapan ng Dios; sapagka’t ang GANAP AY MABUBUHAY SA PANANAMPALATAYA.

Kung babalikan nga ang talata ay mariing sinabi,

HEB 2 :
3  Paanong makatatanan tayo, kung ating pabayaan ang ganitong dakilang kaligtasan: na ipinangusap ng Panginoon (Jesus) noong una ay pinatunayan sa atin sa pamamagitan ng mga nakarinig;

Sa makatuwid baga’y ganap na tinutukoy ng talata (3) sa itaas ang  evangelio ng kaharian na nagbibigay diin sa kahalagahan nitong mga kautusan ng pagibig, at sa pagtalima nito na kalakip ang pananampalataya sa Dios, at ang makatarungang awa sa kapuwa. Hinggil sa mga saksi ay sinabi,

JUAN 17 :
8  Sapagka’t ang mga salitang sa akin ay ibinigay mo ay ibinigay ko sa kanila (evangelio ng kaharian); at kanilang tinanggap, at nangakilala nilang tunay na nagbuhat ako sa iyo, at nagsipaniwalang ikaw ang nagsugo sa akin.

JUAN 17 :
26  At ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan, at ipakikilala ko; upang ang pagibig na sa akin ay iniibig mo ay mapasa kanila, at ako’y sa kanila.

JUAN 15 :
27  At kayo naman ay magpapatotoo, sapagka’t kayo’y nangakasama ko buhat pa nang una.

MATEO 13 :
17  Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, na hinangad na makita ng maraming propeta at ng mga taong matuwid ang inyong nakikita, at hindi nila nakita; at narinig ang inyong naririnig, at hindi nila narinig.

MATEO 24 :
14  At ipangangaral ang evangeliong ito ng kaharian sa boong sanglibutan sa pagpapatotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayo’y darating ang wakas.

ECL 12 :
13  Ito ang wakas ng bagay; lahat ay NARINIG: IKAW AY MATAKOT SA DIOS, at SUNDIN MO ANG KANIYANG MGA UTOS; sapagka’t ITO ANG BOONG KATUNGKULAN NG TAO.

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

MATEO 28 :
19  Dahil dito MAGSIYAON NGA KAYO, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y INYONG BAUTISMUHAN SA PANGALAN NG AMA NG ANAK AT NG ESPIRITU SANTO.

20  Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo; at narito, AKO’Y SUMASA INYONG PALAGI, HANGGANG SA KATAPUSAN NG SANGLIBUTAN.

Kaya nga ang bagay na binigyang diin sa talata 2 ay maliwanag pa sa sikat ng araw na larawang may anyo nitong kaligtasan ng kaluluwa. Gayon ding ganap na tinututulan nito ang nilalaman ng likhang evangelio ng di pagtutuli ni Pablo hinggil sa pagpapawalang kabuluhan sa kautusan, at pananampalataya na walang gawa ng kautusan. Palibhasa’y nasumpungan na ito’y nagpapahayag ng malabis na paghihimagsik sa katuwiran ng mga salita (evangelio ng kaharian) na nangagsilabas mula sa bibig nitong si Jesus.

Yaman ngang ang marami ay nagnanais na matamo ang kapayapaan ay matuwid lamang na bigyang halaga nila ang katuruang nagsasalarawan ng totoong anyo nitong katubusan ng sala at kaligtasan ng kaluluwa. Sa makatuwid baga’y ang evangelio ng kaharian, na sa katotohanan ay una at huling pagasa ng lahat sa ikapagtatamo ng buhay na walang hanggan (kapahingahan ng kaluluwa).

Ano pa’t kung sa mga salita (evangelio ng kaharian) na ipinangusap ni Jesus sa mga anak ni Israel ay ganap na sinasangayunan ng katotohanan, ay maliwanag ngang sa kaniyang kapanahunan ay pinamahayan at pinagharian nitong Espiritu ng Dios ang kaniyang kabuoan. Na ito’y gumawa ng kaniyang mga gawa sa pamamagitan ng pisikal na katawan ni Jesus.

HEB 2 :
5  Sapagka’t hindi niya ipinasakop sa mga anghel ang sanglibutang darating, na siya naming isinasaysay.

6  Nguni’t pinatunayan ng isa sa isang dako, na sinasabi,
Ano ang tao, upang siya’y iyong alalahanin?
O ang anak ng tao, upang siya’y iyong dalawin?

7   Siya’y ginawa mong mababa ng kaunti kay sa mga anghel;
Siya’y pinutungan mo ng kaluwalhatian at ng karangalan,
At siya’y inilagay mo sa ibabaw ng mga gawa ng iyong mga kamay.

8   Inilagay mo ang lahat ng mga bagay sa pagsuko sa ilalim ng
kaniyang mga paa.Sapagka’t nang pasukin niya ang lahat ng mga bagay sa kaniya, ay wala siyang iniwan na di sumuko sa kaniya. Nguni’t ngayon ay hindi pa natin nakikitang sumuko sa kaniya ang lahat ng mga bagay.

Muli sa talata 5 hanggang 8 ay binibigyang diin na bagaman ang taong si Jesus ay ginawang mababa kay sa mga anghel, at sa kalagayang yao’y dinaig niya sila. Sapagka’t siya’y pinutungan ng Ama niyang Dios nitong kaluwalhatian at ng karangalan. Na kung liliwanagin ay naupo ang Anak sa kanan ng kaniyang Ama at inilagay ang lahat ng mga bagay sa pagsuko sa ilalim ng kaniyang mga paa. 

Kung lilinawin pa’y ibinigay kay Jesus ang ganap na kapamahalan sa sangkalangitan at sa ibabaw ng lupa, upang ang lahat ng kasamaan sa magkabilang dako ay masupil ng kaniyang kapangyarihan na kaniyang tinamo mula sa Ama niyang Dios.

Sa pagbibigay diin sa minamatuwid ng may akda hinggil sa usaping ito ay gumamit siya ng mga patibayang aral, o patotoo na kaniyang sinipi mula sa ilang aklat ng mga tunay na banal. Sa gayo’y hindi naman marahil makakaabala sa inyo, kung ang mga ginamit niyang katibayan ay siyasatin namin at iagapay sa kaniyang salin. Nang sa gayo’y mapagtibay ang nararapat pagtibayin at makita ang dapat ninyong makita hinggil sa usaping ito.

HEB 2 :
6  Nguni’t pinatunayan ng isa sa isang dako, 
    na sinasabi,
Ano ang tao, upang siya’y iyong 
  alalahanin?
O ang anak ng tao, upang siya’y 
  iyong dalawin?

7   Siya’y ginawa mong mababa ng                 
       kaunti kay sa mga ANGHEL;
Siya’y pinutungan mo ng                 
       kaluwalhatian at ng karangalan,
At siya’y inilagay mo sa IBABAW NG                   
      MGA GAWA ng iyong mga kamay.

8   Inilagay mo ang lahat ng mga bagay                
      sa PAGSUKO sa ilalim ng
     kaniyang mga paa.

Sapagka’t nang pasukuin niya ang lahat ng mga bagay sa kaniya ay wala siyang iniwan na di sumuko sa kaniya. Nguni’t ngayon ay hindi pa natin nakikitang sumuko sa kaniya ang lahat ng mga bagay.

AWIT 8 :
4  Ano ang tao upang iyong
        alalahanin siya?
    At ang anak ng tao, upang iyong
         dalawin siya?

5  Sapagka’t iyong ginawa siyang 
         kaunting mababa lamang sa DIOS,
    At pinutungan mo siya ng kaluwal-
         hatian at karangalan
6  Iyong pinagtataglay siya ng KAPANG-          
         YARIHAN SA MGA GAWA ng iyong 
         mga kamay.
    IYONG INILAGAY ANG LAHAT NG MGA
         BAGAY SA ILALIM NG KANIYANG
         MGA PAA.

7   Lahat na tupa at baka,
        Oo, at ang mga HAYOP SA PARANG;
8   Ang mga IBON SA HIMPAPAWID, AT
         ang mga ISDA SA DAGAT.

GEN 2 :
26  At sinabi ng Dios, Lalangin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis: at magkaroon sila ng kapangyarihan sa mga ISDA SA DAGAT, at sa mga IBON SA HIMPAPAPAWID, at sa mga HAYOP, at sa boong lupa, at sa bawa’t UMUUSAD, na NAGSISIUSAD SA IBABAW NG LUPA.

Sa ating teksto ay sinasabi na ang tao (sangkatauhan) ay nilikha ng Dios na may kalakip na kapangyarihan sa mga gawa (lalang) ng kaniyang mga kamay ayon sa isinasaad ng Awit 8:6-8 at Gen 2:26, na inyong mababasa sa itaas.

SUNDAN SA PART 2 OF 5 (Click here)







No comments:

Post a Comment