Monday, October 22, 2012

Kabanata 6 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 1 of 4)


Kaugnay ng huling bahagi ng nakaraang kabanata (5) ay maliwanag na ipinahihiwatig nitong may akda, na ang mga aral na nilalaman ng evangelio ng kaharian, na tumutukoy sa kautusan, palatuntunan, at kahatulan ay gaya lamang ng pagkaing gatas ng mga sanggol. Na mga simulaing katuruan na nararapat iwanan ng sinomang umano’y umantas na sa larangan ng kabanalan. 

Sa gayo’y nagsigulang na nga sila at  kakain na ng pagkaing matitigas imbis na gatas. Na kung lilinawin ay yaong mga nilalamang aral nitong evangelio ng di pagtutuli (Gentil) ang matitigas na pagakaing kakanin nila, na isinusulong ng may akda nitong sulat sa mga Hebreo, at ng mga liham ni Pablo sa iba’t ibang bayan.

Dahil dito ay minatuwid sa kabanatang ito ang mga sumusunod na pahayag, gaya ng mababasa sa ibaba.

HEB 6 :
1  Kaya’t tayo’y tumigil na ng pagsasalita ng mga unang simulain ng aral ni Cristo, at tayo’y mangagpatuloy sa kasakdalan; na huwag nating ilagay na muli ang kinasasaligan ng pagsisisi sa mga patay na gawa (kautusan), at ng pananampalataya sa Dios,

Kabanata 6 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 2 of 4)


Sa talata 4 hanggang 6 ay sinasabing ang mga minsang naliwanagan at nakalasap ng mga kaloob ng kalangitan (salita ng Dios), at ang nakabahagi sa Espiritu Santo, na nahiwalay sa Dios ay hindi maaaring baguhin silang muli ng kanilang pagsisisi. Sa gayo’y tila baga ipinapako nilang muli sa ganang kanilang sarili ang Anak ng Dios (Jesus), at inilalagay na muli siya sa hayag na kahihiyan.

Kaugnay nito, sa mga nakabahagi sa Espiritu ng Dios o ng Espiritu Santo ay sinasabi,




Silang nabahaginan ng Espiritu ng Dios (Espiritu Santo)

EZE 36 :
27  At AKING ILALAGAY ANG  AKING ESPIRITU SA LOOB NINYO, at palakarin kayo ng ayon sa aking mga PALATUNTUNAN (kautusan), at inyong iingatan ang aking mga KAHATULAN, at ISASAGAWA.

EZE 37 :
28  At malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon na nagpapabanal sa Israel, pagka ang aking SANTUARIO (sisidlang hirang) ay mapapasa gitna nila magpakailan man.

Kabanata 6 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 3 of 4)

Sa pagpapatuloy ng may akda ay ibinigay niyang halimbawa itong si Abraham sa talata 13 hanggang 15, na sa pamamagitan ng kaniyang pananampalataya ay inaring ganap at tinamo ang mga pangako (talata 14)  na ipinangako sa kaniya ng Dios. Ang pinagbatayang teksto bilang pagbibigay diin sa bagay na ito ay ang mga sumusunod,

GEN 15 :
6  AT SUMAMPALATAYA SIYA SA PANGINOON; at ito’y ibinilang na KATUWIRAN sa kaniya.

Sa kasulatan ay katotohanang nasasaad na itinuring ng Dios na katuwiran kay Abraham ang kaniyang pananampalataya. Subali’t hindi nangangahulugang gayon na nga ang katuwiran ng Dios na nararapat niyang masumpungan sa mga tao. Bago natin bigyan ng karampatang tanglaw ang usaping ito’y pag-agapayanin muna natin ang mabuting sumpa ng Dios kay Abraham, at ang pinagtibay na sumpa sa anak nitong si Isaac. Sa gayo’y makikita natin ang tunay nating hinahanap.

Kabanata 6 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 4 of 4)


Sa huling dalawang talata (19 at 20) ng kabanatang ito’y iginiit na muli itong si Jesus sa kalagayan ng isang dakilang saserdote ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec. Ano pa’t sinasabing siya’y pumasok sa tabing ng kampamento, nang dahil sa kanila (mga Hebreo at may akda). Na gaya nitong sinepete (angkla) ng kaluluwa ay inari nilang ganap ang pagasang ito na matibay at matatag.

Hinggil sa usaping ito’y katotohanan na itong si Jesus ay isinugo nitong Espiritu ng Dios sa sangbahayan ni Israel, sa layuning likumin at isauli sa kawan ang mga ligaw na tupa ng sangbahayan ni Israel. Na ito’y napakaliwanag na sinasabi,

MATEO 15 :
24  Datapuwa’t siya’y sumagot at sinabi, HINDI AKO SINUGO KUNDI SA MGA TUPANG NANGALIGAW SA BAHAY NI ISRAEL.

Sa pagpapatuloy ay paanong nakabilang ang may akda sa layunin ng Cristo sa nabanggit na sangbahayan, gayong isa siya sa mga Gentil, na hayagang nagsusulong ng mga katuruan (evangelio ng di pagtutuli) na may mariing paghihimagsik sa mga salita (evangelio ng kaharian) nitong Espiritu ng Dios na isinatinig ni Jesus.

Sunday, June 3, 2012

Chapter 5 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 1 of 2)


Sa kabanata (5) namang ito’y tampok ang pagbibigay diin sa pagiging umano’y dakilang saserdote ni Jesus, na siyang gumawa ng walang hanggang kaligtasan sa lahat ng nagsisitalima sa kaniyang mga aral. Sa gayo’y pinangalanan siya ng Dios na dakilang saserdote ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec. 

Gayon ding binibigyang diin ng may akda, na ang mga Hebreo ay hindi na nga mga bata (sanggol) pa na nangangailangan ng pagkaing gatas, upang manatili sa mga  simulaing aral ng Dios (Jesuscristo). Sapagka’t sila’y husto na sa gulang upang kumain ng matitigas na pagkain. 

Sa makatuwid baga’y yaong mga katuruan (evangelio ng di pagtutuli) na umano’y may kinalaman sa katuwiran, na higit ang pakinabang kay sa nabanggit na panimulang aral ng sanglibutan patungkol sa Dios.

Hinggil dito, sa talata 1 hanggang 4 ay binibigyang diin ng gawa nitong mga dakilang saserdote ng mga Hebreo (anak ni Israel). Na sa kanilang panunungkulan ay ginagawa ang mga bagay na nauukol sa Dios at mga tao, sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga handog at mga hain patungkol sa mga kasalanan ng bayan at ng kaniyang sarili. 
Na makapagtitiis na may kaamuan sa mga di nakakaalam at sa mga nangagkakamali. Sinoman nga sa kanila ayon sa may akda ay hindi nagtatamo ng anomang karangalan, malibang siya’y tinawag ng Dios gaya ni Aaron.

Chapter 5 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 2 of 2)


JUAN 19 :
30  Nang matanggap nga ni Jesus ang suka, ay sinabi niya, NAGANAP NA: at iniyukayok ang kaniyang ulo, at nalagot ang kaniyang hininga.


Si Jesus nga kung gayo’y namatay sa krus at hindi gaya ng isinasaad sa talata na siya’y nakaligtas sa kamatayang iniamba sa kaniya ng mga tampalasan. Sa pagpapatuloy ay sinabing itong si Jesus ay nanalangin at dumaing sa Dios na may kapangyarihang magligtas sa kaniya sa tiyak na kamatayan. Sa gayo’y may pahiwatig naman dito na siya’y hindi Dios, kundi gaya ng karaniwang tao na umaasa lamang ng kaligtasan sa Dios.

Bagay na sumasalungat sa isinaad ng may akda sa kabanata 1, na kung iaagapay sa talata 7 ay hindi mahirap makita ang mabigat na salungatan.

HEB 5 :
7  Na siya (Jesus) sa mga araw ng kaniyang laman ay naghandog ng mga panalangin at mga daing na sumisigaw ng malakas at lumuluha doon sa may kapangya- rihang makapAgligtas sa kaniya sa kamatayan, at siya’y dininig dahil sa kaniyang banal na takot,

HEB 1 :
3  Palibhasa’y siyang sinag ng kaniyang kaluwalhatian, at tunay na LARAWAN NG KANIYANG (Cristo) PAGKA DIOS, at umaalalay ng lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng salita ng kaniyang kapangyarihan, nang ang PAGLILINIS NG MGA KASALANAN, ay LUMUKLOK SA KANAN NG KARANGALAN SA KAITAASAN.

Nang ang nasasaad sa Heb 1:3 ay bigyang diin ni Pablo sa kaniyang mga sulat ay nagtumibay sa kaisipan ng marami, na itong si Jesus ay Dios ngang totoo sa likas na kalagayan, na sinasabi,

Monday, May 14, 2012

Chapter 4 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 1 of 4)


Maliwanag na pinalabas ng may akda sa nakaraang kabanata (3), na ang boong kalahian ng mga anak ni Israel na nangagsilabas sa Egipto ay hindi nakapasok sa kapahingahan ng Dios. Ito’y sa di umano’y kawalan nila ng pananampalataya sa Dios, na nagtulak sa lahing yaon upang maghimagsik sa kaniyang mga kautusan,  mga palatuntunan, at mga kahatulang tinamo ni Moises mula sa Kaniya.

Sa gayo’y naihanda na ang kaisipan ng marami sa pananaw na yaon, upang magtumibay sa kanilang kaisipan ang mga bagay na kailan ma’y hindi sinangayunan ng katotohanan. Sapagka’t sa kabanatang ito’y naihanda na rin ang bagong katuruan (evangelio ng di pagtutuli), na kahit saang banda o angulo mo sipatin ay hindi masumpungan ang katuwiran (evangelio ng kaharian) na binigiyang diin mismo ng Dios mula sa bibig ng kaniyang mga tunay na banal.

Kaugnay nito, sa talata 1 hanggang 3 ay sinasabing may naiwan sa bagong henerasyon ng mga anak ni Israel na pangako ng pagpasok sa kapahingahan ng Dios. Sapagka’t gaya ng kanilang mga magulang ay nagsitanggap din naman sila ng mabubuting balita. Datapuwa’t ito’y naging walang kabuluhan sa kanila, dahil sa umano’y kawalan nila ng pananampalataya. 

Dahil dito ay isinumpa sila ng Dios, na sila’y hindi magsisipasok sa kaniyang kapahingahan. Sa kabilang dako, palibhasa umano’y nagsitindig ang nabanggit na henerasyon sa pananampalataya ay nagsisipasok sila sa kapahingahang yaon.