Thursday, March 29, 2012

Chapter 2 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 3 of 5)

HEB 2 :
10 Sapagka’t marapat sa kaniya na pinagukulan ng lahat ng mga bagay, at sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, sa pagdadala ng maraming anak sa kaluwalhatian na gawing sakdal siyang may gawa ng kaligtasan nila sa pamamagitan ng mga sakit.

Sa talata 10 ay muling minamatuwid ng may akda ang ilang mga bagay na kailan may hindi nangyaring sinangayunan nitong katotohanan ng Dios. Palibhasa’y wala sa anyo na lumalarawan sa mga bagay na binigyan niya ng eksistensiya sa kalupaang ito. Na kung pagsusunodsunurin ay gaya ng mababasa sa ibaba.

1. Na iniukol ng Dios kay Jesus ang kapamahalaan at paghahari sa lahat ng mga bagay.

2. Na sa pamamagitan niya’y nilikha ang lahat ng mga bagay.

3. Na siya’y nagligtas ng kaluluwa at tumubos ng sala nitong sanglibutan.

4. Na si Jesus na naghatid ng kaligtasan sa sanglibutan ay ginawang sakdal sa pamamagitan
          ng kamatayan niya sa krus.

Ugatin nga natin kung papaano itong si Pablo at ang may akda nitong sulat sa “Sa mga Hebreo” ay umabot sa gayong kapangahas na pagpapahayag hinggil sa likas na kalagayan ni Jesus. Dahil dito ay sinabi,

MATEO 28 :
18 At lumapit si Jesus sa kanila at sila’y kaniyang kinausap, na sinasabi, ANG LAHAT NG KAPAMAHALAAN SA LANGIT AT SA IBABAW NG LUPA AY NAIBIGAY NA SA AKIN.

Nguni’t hindi na lingid pa sa inyong kaalaman na itong si Jesus ay pinamahayan at pinagharian nitong Espiritu ng Dios sa kaniyang kapanahunan. Na kung uunawaing mabuti ang mga nasasaad sa nabanggit na talata sa itaas ay hindi siya sa kaniyang sarili ang nagsalita, kundi ang mga salitang yao’y sa nabanggit na Espiritu na isinatinig lamang ng kaniyang bibig. Kaya’t si Jesus ay hindi kailan man at saan man naging tagapamahala sa langit at sa ibabaw ng lupa, sapagka’t ang tungkuling yao’y ganap na inaari ng nabanggit na Espiritu.

Gayon di namang binibigyang diin sa talata na sa pamamagitan ni Jesus ay ginawa ng Ama ang sanglibutan. Na kung lilinawin ay naging kasangkapan sa paggawa ng sanglibutan at paglikha sa lahat ng mga bagay si Jesus.

Dahil dito’y mariin ngang iginigiit na siya’y Dios na totoo, na bagaman kaisa sa layunin ng Ama ay taglay niya ang ibang persona ng pagka Dios. Sa gayo’y sinira na ng idolohiyang ito ang padron ng katotohanan na tumutukoy sa pagiging kaisaisa ng Dios sa kaluwalhatian ng langit. Ano pa’t sa hindi maikakailang katotohanan ay inilapat ng marami ang kalagayang verbo sa katauhan nitong si Jesus, at dahil dito’y nagsimulang siya’y kilalanin sa kalagayan ng isang Dios na totoo.

Nang pasimula nga ay ang verbo (salita), at ang verbo ay sumasa Dios at ang verbo ay Dios. Gayon nga na nang pasimula ay salita na siyang katotohanan, ilaw, pagibig, kapangyarihan (lakas), paglikha (paggawa), karunungan, at buhay. Ang salita ngang lumalapat sa mga ito’y sumasa Dios, at Dios sa kaniyang anyo at likas na kalagayan. Kasama ng Dios sa makatuwid ang mga bahaging Espiritu ng kaniyang kabuoan bago pa niya simulan ang paglalang. Gaya nga nitong Espiritu ng karunungan ay nagsabi,

KAW 8 :
22  Inari ako ng Panginoon sa pasimula ng kaniyang lakad, Bago pinasimulan ang kaniyang mga gawa ng una.

23  Ako’y nalagay mula noong araw mula ng walang pasimula, Bago nalikha ang lupa.

24  Ako’y nailabas ng wala pang mga kalaliman; Nang wala pang mga bukal na sagana ng tubig,

25  Bago ang bundok ay nalagay, Bago ang mga burol ay ako’y nailabas:

26  Samantalang hindi pa niya nililikha ang lupa, ni ang mga parang man, Ni ang pasimula man ng alabok ng sanglibutan.

27  Nang kaniyang itatag ang mga langit nandoon ako: Nang siya’y maglagay ng balantok sa balat ng kalaliman:

28  Nang kaniyang pagtibayin ang langit sa itaas: Nang maging matibay ang mga bukal ng kalaliman:

29  Nang bigyan niya ang dagat ng kaniyang hangganan, Upang huwag salangsangin ng tubig ang kaniyang utos: Nang kaniyang iayos ang mga patibayan ng lupa.

30  Nasa siping nga niya ako na gaya ng matalinong manggagawa: at ako ang kaniyang ligaya sa araw-araw, Na nagagalak na lagi sa harap niya.

Kung ang Espiritu ng karunungan ay naroon nang pasimula ay maliwanag na ang Espiritu ng katotohanan, ilaw, pagibig, kapangyarihan, paglikha, at buhay ay nandoon din na kasama niya, at sila’y inaari ng Dios bilang mga bahagi ng kaniyang kabuoan. Sa pamamagitan nga ng nabanggit na pitong (7) Espiritu ng Dios ay hindi mahirap maunawaan na nalalang ang lahat-lahat sa dimensiyong ito ng materiya.

Nguni’t ang katotohanang ito’y hindi kailan man napagunawa nitong si Pablo at ng kaniyang mga kasama sa iglesia ng mga Gentil.

Kaya nang sabihin nitong si Jesus ang mga sumusunod,

JUAN 17 :
24  ... SAPAGKA'T AKO'Y IYONG INIBIG BAGO NATATAG ANG SANGLIBUTAN.

Sa mga Gentil na pinangunguluhan nitong si Pablo ay sukat ang mga salitang iyon, upang kanilang ipalagay at pagtibayin sa kanikanilang kaisipan, na yaong Espiritu ng karunungan na tinutukoy sa Kawikaan 8 ay walang iba kundi itong si Jesus. Kaya’t binigyang diin sa talata 10, na ang sanglibutan ay ginawa sa pamamagitan niya. Nguni’t sa tanggapin nyo man o hindi ay katotohanang Espiritu ng Dios na namamahay at naghahari sa kaniyang kalooban ang siyang nagsaysay ng mga salitang yaon, at hindi si Jesus sa kaniyang sarili.

Bilang pagsalangsang sa hakahaka nilang ito’y mariing sinabi ni Jesus ang mga sumusunod,


AKO’Y TAO AT HINDI DIOS

JUAN 8 :
40  Datapuwa’t ngayo’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na TAONG sa inyo’y nagsasaysay ng KATOTOHANAN, na AKING NARINIG SA DIOS: ito’y hindi ginawa ni Abraham.

JUAN 20 :
17  Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka’t HINDI PA AKO NAKAKA AKYAT SA AMA, nguni’t pumaroon ka sa aking mga KAPATID, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa AKING AMA, at INYONG AMA, at AKING DIOS at INYONG DIOS.

JUAN 5 :
30  HINDI AKO MAKAGAGAWA NG ANOMAN SA AKING SARILI: humahatol ako ayon sa aking NARINIG: at ang paghatol ko’y matuwid; sapagka’t hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin.

31 Kung ako’y nagpapatotoo sa aking sarili. ANG PATOTOO KO AY HINDI KATOTOHANAN.

JUAN 12 :
49  Sapagka’t AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN.

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: kundi ang AMA na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa.

Mula sa mga pinatotohanang mga salita nitong si Jesus sa likas niyang kalagayan ay napakaliwanag na itinatanggi niyang siya sa kaniyang sarili ay Dios, kundi isang totoong banal na pinamamahayan at pinaghaharian sa kaniyang kalooban nitong Espiritu ng Dios. Na ito’y natamo niya mula sa ilog Jordan, nang igawad sa kaniya ni Juan Bautista ang paraan niya ng bautismo.

Na sinasabi,

DEUT 18 :
18  Aking palilitawin sa kanila ang isang propeta sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at AKING ILALAGAY ANG AKING MGA SALITA SA BIBIG NIYA, at KANIYANG SASALITAIN SA KANILA ANG LAHAT NG AKING IUUTOS SA KANIYA. (Amos 3:7)



MATEO 3 :
16  At nang mabautismuhan si Jesus, pagdaka’y umahon sa tubig: at narito, nangabuksan sa kaniya ang mga langit, at nakita niya ang ESPIRITU NG DIOS na bumabang tulad sa isang kalapati, at lumapag sa kaniya.

MAL 2 :
6  Ang KAUTUSAN tungkol sa KATOTOHANAN ay nasa kaniyang bibig, at ang KALIKUAN ay hindi masusumpungan sa kaniyang mga labi: siya’y lumakad na kasama ko sa KAPAYAPAAN at KATUWIRAN, at inilayo sa KASAMAAN ang marami.

7  Sapagka’t ang mga labi ng saserdote ay dapat mangagingat ng KAALAMAN, At kanilang marapat hanapin ang KAUTUSAN sa kaniyang bibig, sapagka’t siya ang SUGO ng Panginoon ng mga Hukbo.

MATEO 4 :
23  At nilibot ni Jesus ang boong Galilea, na nagtuturo sa mga sinagoga (Juan 18:20) nila, at ipinangangaral ang EVANGELIO NG KAHARIAN (salita ng Dios), at nagpapagaling ng lahat ng sarisaring sakit at ng lahat ng karamdaman na nasa mga tao.

MATEO 9 :
35  At nilibot ni Jesus ang lahat ng mga bayan at nayon, na nagtuturo sa mga sinagoga (Juan 18:20) nila, at ipinangangaral ang EVANGELIO NG KAHARIAN, at pinagagaling ang sarisaring sakit at ang sarisaring karamdaman.

MATEO 21 :
11  At sinabi ng mga karamihan, ITO'Y ANG PROPETA JESUS , na taga Nazaret ng Galilea.

MATEO 21 :
46  At nang sila’y nagsisihanap ng paraang siya’y mahuli, ay nangatakot sila sa karamihan, sapagka’t ipinalalagay nito na siya’y PROPETA.

JUAN 6 :
14  Kaya nang makita ng mga tao ang tandang ginawa niya, ay kanilang sinabi, TOTOONG ITO NGA ANG PROPETA NA PARIRITO SA SANGLIBUTAN.

JUAN 7 :
40  Ang ilan nga sa karamihan, nang marinig ang mga salitang ito, ay nangagsabi, TUNAY NA ITO ANG PROPETA..

Ayon dito ay sa kalagayan ng isang propeta ng Dios kinilala ng mga anak ni Israel si Jesus, na  kalagayang iniangkop ng Ama sa kaniyang (Jesus) eksistensiya. Nguni’t hindi nangangahulugan na ang katawang may ngalang Jesus ang tagapagligtas sa mga nabanggit na tupa, kundi ang Espritu ng Dios na namahay at naghari sa kaniyang kalooban sa kapanahunang yaon.

Samantala, ang katawagang Cristo (tagapagligtas) na inilapat sa kaniyang sarili ay tumutukoy sa likas na kalagayan at layunin ng nabanggit na Espiritung sumasa kaniya. Kaya ganap na sinasangayunan ng katotohanan na kailan ma’y hindi nagligtas ng sinoman si Jesus, kundi ang siyang gumawa ng gayon ay ang  Espiritu ng Dios na sa kaniya’y pumuspos mula sa ilog Jorda (Mat 3:16).

Siya nga sa gayong kalagayan ay pinatotohanan ang umiiral at naghahari nitong Espiritu ng Dios sa kaniyang kabuoan, na sinasabi,

JUAN 12 :
49  Sapagka’t AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang (Espiritu ng) AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN.

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: kundi ang (Espiritu ng) AMA na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa.

Kaya’t ang nabanggit na Espiritu ng Dios na nasa kay Jesus ay nagsalita at ipinahayag ang kaniyang layunin sa sangbahayan ni Israel, na sinasabi,


ANG LAYUNIN NITONG ESPIRITU NG DIOS NA NASA KALOOBAN NI JESUS
(na nagsasabi)

MATEO 15 :
24  Datapuwa’t siya’y sumagot at sinabi, HINDI AKO SINUGO KUNDI SA MGA TUPANG NANGALIGAW SA BAHAY NI ISRAEL.

JUAN 10 :
15  Gaya ng pagkakilala sa akin ng Ama, at ng sa Ama ay pagkakilala ko; at ibinibigay ko ang aking buhay dahil sa mga TUPA. (Mat 15:24, Juan 15:13-15)

JUAN 18 :
37  Sinabi nga sa kaniya ni Pilato, Ikaw nga baga’y hari? Sumagot si Jesus, Ikaw ang nagsasabing ako’y hari. Ako’y ipinanganak dahil dito, dahil dito ako naparito sa sanglibutan, UPANG BIGYANG PATOTO ANG KATOTOHANAN. (Mat 15:24) Ang bawa’t isang ayon sa katotohanan ay nakikinig ng aking tinig.

JUAN 10 :
27  Dinidinig ng aking mga tupa ang aking TINIG, at sila’y aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa akin
28  At sila’y binibigyan ko ng walang hanggang buhay; at kailan ma’y hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinomang sa aking kamay.

EZE 34 :
31 At kayong mga tupa ko, na mga TUPA SA AKING PASTULAN ay mga TAO, at ako’y inyong Dios, sabi ng Panginoong Dios.

Gayon ngang maliwanag na inihayag ng nabanggit na Espiritu ang kaniyang layunin sa sangbahayan ni Israel.  Sapat upang mapagunawa ng ganap na ang kabuoan ni Jesus ay naging sisidlang hirang nito, at siya’y kinasangkapan lamang ng Dios sa ikagaganap ng dakila niyang layunin sa nabanggit na sangbahayan.

Sa kabilang dako ay narito at inyong tunghayan ang kaniyang ginawa alinsunod sa likas na kalagayang tao, at bilang isang totoong banal ng Dios.

No comments:

Post a Comment