Sunday, March 11, 2012

Chapter 1 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 3 of 4)


Gayon ngang ang nabanggit na layunin ng taong si Jesus sa sangbahayan ni Israel ay maging sapat na sa inyo upang mapagunawa na siya’y hindi naglinis sa sala ng buong mundo, kundi ito’y ginawa nitong Espiritu ng Dios na sumasa kaniya sa mga ligaw na tupa lamang sa nabanggit na sangbahayan (kawan). Bagay na magkapagkakaloob ng lubos na kaunawaan sa pangatlong (3) usapin ng talata 3.

Ang tao ngang si Jesus kung gayo’y ekskulusibo lamang sa kanila (tupa), at sila din lang ang nangaligtas at nangatubos ang sala sa kaniyang kapanahunan. Datapuwa’t ang mga Gentil, maging ang mga Samaritano, palibhasa’y kalipunan ng mga kambing (anak ng pagsuway) ay hindi ibinilang sa gawain nitong Espiritu ng Dios gamit ang katawan ni Jesus.

Na sinasabi,

MATEO 10 :
5  Ang labingdalawang ito’y sinugo ni Jesus, at sila’y pinagbilinan, na sinasabi, HUWAG KAYONG MAGSITUNGO SA ALIN MANG DAAN NG MGA GENTIL (Efe 4:18), at HUWAG KAYONG MAGSIPASOK SA ALIN MANG BAYAN NG MGA TAGA SAMARIA (Ose 13:16).

6  Kundi bagkus magsiparoon kayo sa mga TUPANG NANGAWAGLIT SA BAHAY NI ISRAEL (Mat 15:24).

Maliwanag nga kung gayon na kung sila’y kabilang sa kalipunan ng mga tupa, ay hindi sana mariing iniutos ng nabanggit na Espiritu sa kalooban ni Jesus ang gayon. Bagkus ay binanggit sila sa labingdalawang (12) apostol, na huwag kalilimutang paroonan, at sa kanila’y ipangaral ang nalalapit na kaharian ng Dios.
Nguni’t hindi nga nanghari ang gayon, sa kadahilanang maliwanag pa sa sikat ng araw, na sila’y hindi kabilang sa kategoriya ng mga tupa. Nang dahil sa kapanahunang yao’y tanyag ang mga lahing nabanggit sa mga gawang karumaldumal, na siyang ikinasusuklam ng Dios sa kanila.

Kaya’t huwag nga kayong magpakahangal na tindigan, na itong si Jesus ang Dios na nagligtas sa kaluluwa at tumubos ng sala (naglinis ng kasalanan) nitong boong kalahian ng mga kasuklasuklam na mga Gentil, o ng sanglibutan man. Sapagka’t katotohanan ninyong tanggapin, na ang kaisaisang Dios na siya nating Ama  lamang ang may ganap na kapamahalaan sa nabanggit na gawain.


Ang pangapat (4) at panghuling usapin sa talata 3 ay tumutukoy sa di umano’y Dios Anak na naluklok sa kanan ng Dios Ama. Hinggil dito ay hindi na marahil lingid sa inyong kaalaman na ang nalalagay sa dakong kanan ng Ama ay yaong kalipunan ng mga anak ng pagsunod, na sumisimbulo sa mga tupa. Samantalang ang sa dakong kaliwa ay mga anak ng pagsuway na kumakatawan naman sa mga kambing. Na sinasabi,

MATEO 25:
31  At titipunin sa harap niya ang lahat ng mga bansa: at sila’y pagbubukdinbukdin niya na gaya ng pagbubukodbukod ng PASTOR sa mga TUPA  at sa mga KAMBING;

32  At ilalagay niya ang mga TUPA sa kaniyang KANAN, datapuwa’t sa KALIWA ang mga KAMBING.

MATEO 25 :
41  Kung magkagayo’y sasabihin naman niya sa mga nasa KALIWA, Magsilayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa, at pasa apoy na walang hanggan na inihanda sa diablo at sa kaniyang mga anghel:

Sa makatuwid ay napakaliwanag na itong si Jesus sa kalagayan ng isang anak ng pagsunod (tupa) ay napabilang o naluklok sa kanan ng Dios gaya ng hindi kakaunting banal. Na ito’y sumisimbulo sa tinamong buhay na walang hanggan ng bawa’t tupa sa kalagayan.

Ito’y hindi nangangahulugan, na si Jesus ay naluklok sa kanan ng Dios upang gumanap bilang Dios na katuwang niya sa kaniyang layunin. Sapagka’t sa hindi mabilang na panahong inilagi ng Ama sa lahat ng kaluwalhatian ay hindi siya kailan man nangailangan ng anoman, ni ng sinoman na katuwang na Dios sa kaniyang sarili. Sapagka’t kaniyang sinabi,

ISA 45 :
21 .... WALANG DIOS LIBAN SA AKIN, isang GANAP NA DIOS at TAGAPAGLIGTAS; WALANG IBA LIBAN SA AKIN.

22  Kayo’y magsitingin sa akin at kayo’y mangaligtas, lahat na taga wakas ng lupa: sapagka’t AKO’Y DIOS, at WALANG IBA LIBAN SA AKIN.

Dahil dito ay wala na ngang maaari pang gawing higit na kabanalan ang sinoman, maliban sa pagtalima sa tanging kalooban (kautusan ng pagibig) ng Dios. Kaugnay nito, ang sinomang makaabot sa kalagayang yao’y inaari niyang ganap at inilalagay (iniluluklok) sa dako niyang kanan. Kaya’t ang lahat ng nagsipagtagumpay sa  larangang ito’y pantay-pantay na tinitingnan ng Dios sa kalagayan ng mga tunay na banal.

Dahil dito ay walang mababa at mataas ang kalagayan sa langit. Sapaka’t ang lahat doo’y mga bahagi (Anak) lamang niya, na ang tanging layunin ay gumalaw alinsunod sa adhikain ng kanilang kabuoan (Ama). Na gaya ng isang sistemang binabalanse ng mga bahagi alinsunod sa perpektong kaayusan, na itinadhana ng may gawa nito. Na hindi magkukulang ni madaragdagan man at kailan ma’y hindi mangangailangan ng anomang pagbabago.

Nasasaad sa talata 4, na itong si Jesus di umano ay naging lalong mabuti kay sa mga anghel, palibhasa’y nagmana ng lalong marilag na pangalan kay sa kanila. Hinggil dito ay paano nga mangyayaring naging higit na mabuti itong si Jesus kay sa mga anghel, samantalang ang kaluwalhatian ng langit ay isang kalagayan ng kabuoan (Ama) at yaong mga bahagi nito’y walang mababa, ni mataas man. Sapagka’t lahat sila’y kabanalan lamang ang tanging kalagayang kinatatayuan.

Sa makawid kung gayo’y hindi maaaring mangyari itong isinaad sa nabanggit na talata, nang dahil sa kung magkagayo’y lalabas na bukod sa kaisaisang Dios (Ama) ay may kasama pang ibang Dios (Jesus) na gaya niya’y lalong mataas ang kalagayan kay sa mga anghel.

Dahil dito ay muli na namang nalabag ang padron ng katotohanan na tumutukoy sa pagiging kaisaisa ng kalagayang Dios, na kaisaisa ring personang umiiral sa kaluwalhatian ng langit. Gayon ngang lumilihis sa katotohanan ang sinomang magsasabing ang kaluluwa ng taong si Jesus, nang tanggapin ng Ama sa langit ay kinilalang higit na mataas kay sa kalagayan ng mga anghel.

Hinggil sa usaping ito’y nararapat ninyong tanggapin ang katotohanan, na ang salitang anghel ay hindi tumutukoy sa partikular na entidad (Espiritu) ng kabanalan. Na gaya ng mga anyong tao sa kalagayang Espiritu at kakikitaan ng malalaki at mahahabang pakpak sa likod, na gaya ng sa ibon. Ang gayo’y likhang isip lamang ng marami na taglay ang lubhang mababang antas ng kamalayan sa larangan ng tunay na kabanalan.

Ano pa’t ang Espiritu ay katotohanang walang anyong katulad sa katawang pisikal ng tao. Sapagka’t ang anyo nito’y lumalarawan lamang sa katotohanan, kaliwanagan, pagibig, lakas (kapangyarihan), paggawa (paglikha), karunungang may unawa, at buhay. Na siyang anyong nagmamanipesto sa kabuoan ng sinomang pinamamahayan at pinaghaharian nitong Espiritu ng Dios.

Ang salitang “anghel” kung gayo’y lumalapat sa kalagayan ng isang gawain sa ikagaganap ng partikular na layunin ng Dios sa kalupaan. Gaya nitong pangalang Moises na ang kahulugan sa kalagayang anghel ay gawaing lumalayon sa pagpapalaya sa pagkaalipin. Ang pangalang Jesus na sa kalagayang anghel ay gawaing tumutukoy sa paglikom ng mga ligaw na tupa ng Israel. etc.

Datapuwa’t hindi nangangahulugang anghel sa literal na pagkaunawa itong katawang pisikal ni Moises at Jesus, kundi sa mga pangalan nila’y lumalarawan ang dalawang gawaing binigyang kaganapan ng Dios sa kalupaan. Ang mga anghel nga’y iba’t ibang gawain ng Dios na ibinababa (isinusugo) sa lupa, upang umiral ang simula at kakitaan ng kahustuhan sa kaganapan bilang katapusan. Sa madaling salita ay kamay ng Dios na nagsasagawa ng iba’t iba dakila niyang adhikain sa kalupaan.

Gayon ma'y higit pa rito ang katanyagan na nais ipahiwatig sa talatang ito (Heb 1:4), sapagka't siya'y ipinakilala dito sa ibang kabanata na isang Dios na totoo, at kapantay lamang ng Ama nating nasa langit sa likas na kalagayan, na sinasabi,


FIL 2 :
Na siya (Cristo), bagama’t nasa ANYONG DIOS, ay hindi niya inaring isang bagay na nararapat na panangnan ang PAGKAPANTAY NIYA SA DIOS.

FIL 2 :
10  Upang sa pangalan ni Jesus ay iluhod ang lahat ng tuhod ng nangasa langit, at ng nangasa ibabaw ng lupa, at ng nangasa ilalim ng lupa.

ROMA 9:
Na sa kanila ang mga magulang, at sa kanila mula ang CRISTO ayon sa laman, na siyang LALO SA LAHAT, DIOS NA MALUWALHATI MAGPAKAILAN MAN, Siya nawa.

Tito 2 :
13  Na hintayin yaong mapalad na pagasa at ang pagpapakita ng kaluwalhatian ng ating dakilang Dios at Tagapagligtas na si Jesucristo;

Nguni't ang mga nalalahad na talata sa itaas ay hindi maikakailang mga opinyon lamang ng tao at taliwas na totoo sa hindi kakaunting bagay na inaaring lubos ng katotohanan. Gaya ng nasusulat,

JUAN 8 :
40  Datapuwa’t ngayo’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na TAONG sa inyo’y nagsasaysay ng KATOTOHANAN, na AKING NARINIG SA DIOS: ito’y hindi ginawa ni Abraham.

JUAN 20 :
17  Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka’t HINDI PA AKO NAKAKA AKYAT SA AMA, nguni’t pumaroon ka sa aking mga KAPATID, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa AKING AMA, at INYONG AMA, at AKING DIOS at INYONG DIOS.

Maliwanag ngang pinatototohanan ni Jesus ang likas niyang kalagayan na siya'y tao na totoo at hindi kailan man naging Dios. Alinsunod sa pagkakasabing tayong lahat ay mga anak ng Dios ay higit ngang sa katotohanan ay katangitangi at higit na marilag sa Kaniyang paningin ang sarili Niyang mga anak, kay sa mga anghel na nalalagay lamang sa layunin ng partikular na sagradong gawain. Dahil dito'y maliwanag na kasinungalingang maituturing ang mapagpaimbabaw at mapangahas na nilalaman nitong Heb 1:4.




HEB 1 :
5  Sapagka’t kanino nga sa mga anghel sinabi niya kailan man,
Ikaw ay aking anak,
Ikaw ay aking ipinanganak ngayon?
At muli,
Ako’y magiging kaniyang Ama,
At siya’y magiging aking Anak?


6  At muli nang dinadala niya ang panganay sa sangkalupaan ay sinasabi, At sambahin siya ng lahat ng mga anghel ng Dios.


7  At sinabi niya tungkol sa mga anghel,
Yaong ginagawang mga anghel niya ang mga hangin,
At ang kaniyang mga ministro ay ningas ng apoy:


8  Nguni’t tungkol sa Anak ay sinasabi,
Ang iyong luklukan,
Oh Dios, ay magpakailan man;
At ang setro ng katuwiran ay 
siyang setro ng iyong kaharian



9   Iniibig mo ang katuwiran, at kinapootan mo ang kasamaan;
Kaya’t ang Dios, ang Dios mo, ay nagbuhos sa iyo,
Ng langis ng kasayahang higit sa iyong mga kasamahan.


10  At,
Ikaw, Panginoon, nang pasimula’y inilagay mo ang kinasasaligan ng lupa,
At ang mga langit ay mga gawa ng iyong mga kamay:


11   Sila’y mangapapahamak; datapuwa’t ikaw ay mananatili:
At silang lahat ay mangalulumang gaya ng isang kasuutan;


12   At gaya ng isang balabal sila’y iyong bibilutin,
At sila’y mapapalitang gaya ng kasuutan:
Nguni’t ikaw ay ikaw, At ang giyong mga taon ay di matatapos.


13   Nguni’t kanino sa mga anghel sinabi niya kailan man,
Lumuklok ka sa aking kanan, Hanggang sa ang iyong mga
kaaway ay gawin kong tungtungan ng iyong mga paa?


Ang talata 5 hanggang 13 ay mga kinolektang sitas (talata) sa iba’t ibang aklat na isinatitik ng mga tunay na banal, upang gawing katibayan sa pagbibigay diin sa pilipit na idolohiyang minamatuwid ng may akda sa kabanatang ito. Nguni’t may pangangailangan ang mga nabanggit na sitas (talata) na beripikasyon mula sa ating teksto, nang sa gayo’y matiyak kung ang mga ito baga’y totoong ayon sa pagkakasulat.


5  Sapagka’t kanino nga sa mga anghel sinabi niya kailan man,
- - - - - - - - - - - - - - - - - - -
- - - - - - - - - - - - - - - - - - -
Ikaw ay aking anak,
Ikaw ay aking ipinanganak ngayon?


At muli,
Ako’y magiging kaniyang Ama,
At siya’y magiging aking Anak?
- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -
- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -
- - - - - - - - - - - - - - - - - - - - - -

Makikita sa ibaba ang orihinal na sulat (Awit 2:7 at 2 Sam 7:14) na siya nating teksto. Kumpara sa itaas ay hindi mahirap makita ang mga ibihawas na salita, at saan man dako tingnan ang pangyayaring ito ay hindi maikakailang sadyang ginawa, mapalabas lamang na itong si Jesus ay kaisaisang Anak ng Dios. Gayon ma'y napakaliwanag na isang kasinungalingang lumalayon sa hayagang pangdaraya.

AWIT 2 :
7  Aking sasaysayin ang tungkol sa pasiya:
Sinabi ng Panginoon sa akin,
     Ikaw ay aking anak;
     Sa araw na ito’y ipinanganak kita


2 SAM 7 :
14 Ako’y magiging kaniyang Ama,
     At siya’y magiging aking anak:
Kung siya’y gumawa ng kasamaan, aking
sasawayin siya ng pamalo ng mga tao, at 
ng panghampas ng mga anak ng mga tao;

Maliwanag na makikita sa talata 5 na ito’y kinopya lamang sa Awit 2:7, at lumabas na ang unang dalawang linya ay kinaltas. Gayon nga rin ang huling bahagi ng talata ay pinitas sa pangalawang (2) sulat ni Samuel (2 Sam 7:14), at hindi rin mahirap mapansin na ang huling tatlong (3) linya ay inalis, nang ito’y gawing patibayang aral sa mga Hebreo.

Hinggil dito ay ipinapapansin namin sa inyo ang katotohan na ang mga talata sa Awit, at sa pangalawang aklat ni Samuel ay ganap na tumutukoy kay haring David. Ito’y mga salitang kaniyang narinig mula sa bibig ng Dios, na kaniyang isinasaysay. Na ang sabi ng Panginoon (Dios) ay ipinanganak siya niya sa araw na yaon, at siya ay kaniyang anak.

Sa sumunod na talata ay sinabing ang Dios ay magiging Ama niya, at siya’y magiging anak ng Dios. Ano pa’t kung siya’y gagawa ng kasamaan ay magtatamo siya ng mga palo mula sa kaniyang Ama.

Sa gayo’y napakaliwanag na sinasabi sa teksto, na ang haring si David ay kinausap ng Ama tungkol sa bagay na iyon. Na ang Dios ay nakipagusap sa isang mabuting tao (haring David), upang ipahayag ang gayon sa kaniya.

Taliwas sa katuwiran ng teksto, sa salin sa mga Hebreo ay pinalabas na kay Jesus sinabi ng Panginoon ang gayon. Samantalang malinaw ang ipinahayag na katotohanan ng ating teksto, na sa kapanahunan ni haring David ay natamo niya ang gayong pagkilala ng Ama bilang Anak, kaya nga ang mga nilalaman ng Awit 2:7 at 2 Sam 7:14 ay sinalita sa kaniya ng Dios.

Narito, at sa simula pa lamang ng pagpapatotoo sa kalagayang Dios na inilalapat sa likas na kalagayan nitong si Jesus ay kinasumpungan na kaagad ng hindi tapat na pagsasaad ang may akda ng sa mga Hebreo. Sapagka’t maliwanag na inilihis ng salin (Heb 1:5) ang matuwid na ipinahahayag ng ating teksto (Awit 2:7 at
2 Sam 7:14).

6  At muli nang dinadala niya ang panganay sa sangkalupaan ay sinasabi, 
At sambahin siya ng lahat ng mga anghel ng Dios.


Tungkol sa talata 6 na nasa itaas ay sinasabing dinadala ni Jesus ang pagiging panganay ng mga nilalang sa sangkalupaan, at dahil dito’y karapatdapat siya sa pagsamba ng mga anghel. Gayon din namang minamatuwid nitong si Pablo ang gayon, at lumabas na bago pa si Adan ay si Jesus na muna. Tungkol sa usaping ito’y siyasatin nga natin kung papaano napagtibay ng lapiang Gentil ang gayon.

Ang Espiritu ng karunungan na isa sa bahagi at anyo ng ating Ama, ayon sa aklat ng Kawikaan ay ayon sa mga sumusunod na talata ang pinapatotohanan,

JUAN 17 :
24  Ako’y iyong inibig bago natatag ang sanglibutan.

KAW 8 :
8  Lahat ng mga salita ng aking bibig ay sa katuwiran;

9  Pawang malilinaw sa kaniya na nakaka-unawa,  At matuwid sa kanila na nangakakasumpong ng kaalaman.

KAW 8 :
15  Sa pamamagitan ko ay naghahari ang mga hari, At nagpapasiya ng kaganapan ang mga pangulo.

16  Sa pamamagitan ko ay nagpupuno ang mga pangulo, At ang mga mahal na tao, sa makatuwid baga’y lahat ng mga hukom sa lupa.

KAW 8 :
22  Inari ako ng Panginoon sa pasimula ng kaniyang lakad, Bago pinasimulan ang kaniyang gma gawa ng una.

23  Ako’y nalagay mula noong araw mula ng walang pasimula, Bago nalikha ang lupa.

24  Ako’y nailabas ng wala pang mga kalaliman; Nang wala pang mga bukal na sagana ng tubig, 

25  Bago ang bundok ay nalagay, Bago ang mga burol ay ako’y nailabas: 

26  Samantalang hindi pa niya nililikha ang lupa, ni ang mga parang man, Ni ang pasimula man ng alabok ng sanglibutan.

27  Nang kaniyang itatag ang mga langit nandoon ako: Nang siya’y maglagay ng balantok sa balat ng kalaliman:

28  Nang kaniyang pagtibayin ang langit sa itaas: Nang maging matibay ang mga bukal ng kalaliman:

29  Nang bigyan niya ang dagat ng kaniyang hangganan, Upang huwag salangsangin ng tubig ang kaniyang utos: Nang kaniyang iayos ang mga patibayan ng lupa.

30  Nasa siping nga niya ako na gaya ng matalinong manggagawa: at ako ang kaniyang ligaya sa araw-araw, Na nagagalak na lagi sa harap niya.

Sa Juan 17:24 at sa boong nilalaman nitong Kawikaan 8 ibinatay ng mga Gentil ang kanilang paninindigan, kung bakit sinabi nilang si Jesus ay panganay ng lahat ng mga nilalang.
Samantala, kung pag-uukulan naman ng pansin ang nilalaman ng nabanggit na aklat (kawikaan 8) ay napakaliwanag na walang sinomang tao na tinutukoy dito, bagkus ay lubos na nakatuon ang boong kabanata sa Espiritu ng karunungan.

Ang Espiritung ito ang siyang sa mga anak ng pagsunod ay pumupuspos na kasama ang Espiritu ng katotohanan, Espiritu ng Ilaw, Espiritu ng pagibig, Espiritu ng kapangyarihan, Espiritu ng paglikha, at Espiritu ng buhay. Sila’y pitong (7) Esiritu, na kung saan ay anyo at larawan sa kalupaan ng ating Ama na nasa langit. Ang kabuoang ito ay inilalakip ng ating Ama sa kalooban ng tao, gaya ng kaniyang sinabi.

EZE 36 :
27  At AKING ILALAGAY ANG  AKING ESPIRITU SA LOOB NINYO, at palalakarin kayo ng ayon sa aking mga PALATUNTUNAN, at inyong iingatan ang aking mga KAHATULAN, at ISASAGAWA.



















No comments:

Post a Comment