Tuesday, March 13, 2012

Chapter 1 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 1 of 4)

Ikinagagalak namin na ipaglingkod sa inyo ang pagbibigay ng tanglaw sa hindi kakaunting usapin na ibinangon ng sumulat nitong liham sa mga Hebreo. Ang mga yaon ay tumutukoy sa mga katuruang malabis na nagpapawalang saysay sa mga sinalita ng mga propeta na inaring ganap ng Dios sa sangbahayan ni Israel. 

Bagay na kung uunawaing mabuti ay nagpapahayag ng paghihimagsik sa mga salita ng Dios, sa layuning bigyang daan ang bagong simulaing di umano’y kasusumpungan ng bagong pagasa tungo sa totoong kahulugan ng buhay na puspos ng kabanalan sa kalupaan.

Kaugnay nito’y nalalaman natin na ang mga anak ni Israel ay hinirang ng Dios na pamahayan at pagharian ng kaniyang Espiritu. Sila'y nagsaad sa iba’t ibang panahon (henerasyon) ng mga bagay na tumutukoy sa katotohanan, ilaw, pagibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at buhay. Dahil dito ay hindi nga nararapat  pagalinlanganan ng sinoman sa atin ang kadalisayan at kabanalan ng mga salitang nangagsilabas mula sa kani-kanilalang bibig. 

Palibhasa nga’y mga kasangkapan lamang sila ng nabanggit na Espiritu sa dakila niyang layuning ginaganap sa kalupaan, na ang kaukulan ay sa lahat ng kaluluwang sumasa katawan. Ano pa’t kung liliwanaging mabuti, tayong lahat ay bahagi ng kaniyang kabuoan na mula sa kaniyang pag-anyo at paglikha.
Kung gayon ngang tayo’y nilikha mula sa anyo na lumalarawan sa kaniyang sarili ay gaya nga tayo ng mga anak, at sa gayong kalagayan ay maliwanag na siya’y ating Ama. Dahil dito ay nagsalita mula sa bibig ng mga kapatid nating propeta ang kaniyang Espiritu at nagsaysay ng mga bagay na ikapapanuto nitong buhay ng kaniyang mga anak sa kalupaang ito. Yao’y tumutukoy sa mga kautusan, mga palatuntunan, at mga kahatulan bilang gabay sa atin, upang tamuhin sa kalupaan ang kahustuhan ng mga bagay at pumasok sa kaniyang kaluguran at kapahingahan.

HEB 1 :
1  Ang Dios, na nagsalita nang unang panahon sa ating mga magulang sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta.
2  Ay nagsalita sa atin sa mga huling araw na ito sa pamamagitan ng kaniyang Anak, na siyang itinalaga na tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan naman niya’y ginawa ang sanglibutan.

Hinggil dito ay binigyang diin sa talata 1, na gayon ngang noong unang panahon ay nagsalita sa ating mga magulang ang Espiritu ng Dios sa pamamagitan ng mga kapatid nating propeta. Na ayon sa ipinahihiwatig ng may akda ng sulat sa mga Hebreo ay mga huling araw na ng paghuhukom ang kapanahunang kaniyang nilalakaran. 
Sa talata 2 ay nagsalita umano ang Dios Ama sa pamamagitan ng kaisaisa niyang Dios Anak, na siyang itinalaga niyang tanging tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan din naman niya aniya’y ginawa ang sanglibutan.

Hinggil sa talatang ito’y hindi mahirap makita, na dito ay ibinangon ng may akda ang usaping may kinalaman sa mga sumusunod.

1. Ang tiniyak na kaganapan nitong paghuhukom sa kapanahunang yaon.
2. Na ang Anak na tinutukoy ay si Jesucristo sa kalagayan ng Dios (Dios Anak). (Politeyismo)
3. Na ang Anak na tinutukoy ay kaisaisang tagapagmana ng lahat ng mga bagay. (Politeyismo)
4. Na sa pamamagitan niya’y ginawa ang sanglibutan. (Politeyismo)

Narito, at sa unang bugso pa lamang ng mga pananalita sa nabaggit na dalawang talata (1 at 2) ay binigyan kaagad nito ng diin ang katiyakan ng ilang mga bagay, na nagpapahayag ng umano’y mga huling araw ng paghuhukom. Gayon din ang mariing paglalapat ng kalagayang Dios sa pagkatao ni Jesus, at isang tagapagmana ng sanglibutan na ginawa sa pamamagitan niya.

Hinggil sa unang (1) usapin sa talata 2 na tumutukoy sa napipintong paghuhukom sa kapanahunang nilalakaran ng may akda ay binigyan ng diin at pinakatiyak-tiyak na sinasabi,

HEB 1 :
2  Ay nagsalita sa atin sa mga huling araw na ito sa pamamagitan ng kaniyang Anak, na siyang itinalaga na tagapagmana ng lahat ng mga bagay, na sa pamamagitan naman niya’y ginawa ang sanglibutan.

HEB 10 :
25  Na huwag nating pabayaan ang ating pagkakatipon, na gaya ng ugali ng iba, kundi mangagaralan sa isa’t isa; at lalo kung inyong namamalas na nalalapit na ang araw.

HEB 10 :
37   Sapagka’t sa madaling panahon, Siyang (Jesus) pumaparito ay darating, At hindi magluluwat.

Na ito rin namang si Pablo sa kaniyang sulat ay gayon ding tiniyak na ang mga huling araw ng paghuhukom, o yaong pagparoon nitong si Jesus ay sa pumapaloob sa nilalakaran nilang panahon (henerasyon), na sinasabi,

1 TES 4 :
15  Sapagka’t ito’y sinasabi namin sa inyo sa salita ng Panginoon (Jesus), na tayong nangabubuhay, na nangatira hanggang sa pagparito ng Panginoon, ay hindi tayo mangauuna sa anomang paraan sa nangatutulog.

Ano pa’t ang katotohanan ay may pangyayari, datapuwa’t ang di katotohanan ay kasinungalingan, at hindi kailan man maaaring bigyan ng eksistensiya ng ating Ama. Kaugnay nito’y walang anomang naganap na may kinalaman sa usaping ito hanggang sa matapos ang henerasyong yaon. Datapuwa’t kung sumasailalim sa katotohanan ang sinalita ng isang propeta ay walang pagsalang ito’y magaganap alinsunod sa panahon na kaniyang isinaysay sa mga kinauukulan.

Nang hindi nga maganap ang tiniyak na pangyayari sa hinaharap ay maliwanag na nagmintis ang salita nitong sulat sa mga Hebreo, na ipinalalagay ng marami noon at hanggang sa ngayon na akdang ang may gawa ay si Pablo rin. Dahil dito’y kilalanin nga natin ayon sa sinalita ng Dios sa bibig ng isang banal, kung saang kategoriya nalalaglag ang mga propetang palso ang mga salita.

DEUT 18 :
21  At kung iyong sasabihin sa iyong puso: Paanong malalaman namin ang salita na hindi sinalita ng Panginoon.

22  Pagka ang isang propeta ay nagsasalita sa pangalan ng Panginoon, kung ang bagay na sinasabi ay hindi sumunod ni mangyari, ay hindi sinalita ng Panginoon ang bagay na yaon: ang propetang yaon ay nag- salita ng kahambugan, huwag mong katatakutan siya.

Sa gayo’y katotohanan na nararapat tanggapin ng lahat na itong si Pablo sa kaniyang sarili ay nagpahayag ng mga bagay na lalang lamang ng kaniyang kahambugan. Sapagka’t hinggil sa usaping ito’y mga salitang walang anomang naging pangyayari ang ipinaabot niyang balita sa marami. Dahil dito ay pinaasa niya sila sa bagay na kailan ma’y hindi pinayagan ng Dios na mangyari.

Hanggang sa lumipas na nga ang halos dalawang libong (2,000) taon ay walang sinomang nakakita sa anino man nitong sinasabing Cristong darating. Gayon ding walang naganap na paghuhukom na ayon sa mga salitang nangagsilabas mula sa bibig nitong si Pablo.

Ano nga? Kung ipinahayag at tiniyak mo na ang isang sasakyan ay daraan sa oras na ikaanim ng araw ng lunes. Dahil sa iyong balita ay nagsigayak ang marami at nagsipaghintay sa pagdating ng sasakyan, upang sila’y magsilulan sa pagsapait nito. Datapuwa’t nang ito’y hindi dumating sa oras mong tinuran ay matuturingan ka ba nilang nagsasabi ng totoo, o masusumpungan nilang kasinungalingan lamang ang mga salitang nangarinig nila mula sa iyong bibig?

Lalo ka nga nilang kamumuhian, kung ang sinasabi mong parating na sasakyan ay hindi nga dumating sa mga oras ng araw na yaon. Ano pa’t hanggang sa panahon nating ito’y walang gayong pangyayari ayon sa iyong sinabi. Sino pa nga kung gayon ang magtitiwala sa iyong mga salita, gayong nasumpungan ng lahat na ikaw ay tagapaghatid ng mga mintis na balita.

Wala ngang ipinagkaiba ang may akda nitong sulat sa mga Hebreo at itong si Pablo sa mga propeta na nagsisipagsalita ng mga bagay na hindi sinalita ng Dios. Sa gayo’y mga hambog at sinungaling ang tingin sa kanila ng ating Ama, na sila’y nasumpungan niyang tagapaghatid ng mga bagay na ikatitisod ng sinoman.

Ang pangalawang (2) usapin sa talata 2 ay tungkol naman sa kalagayang Dios na ililalapat sa pagkatao nitong si Jesus, ay tiniyak at binigyan din naman ng diin sa talata na siya’y gayon nga. Na kung uunawain ang salita ay Dios na totoo ang kalagayang tinitindigan ni Jesus, at sa katayuan niyang yaon iginigiit ng may akda na siya’y kilalanin at sambahin. Datapuwa't tungkol sa mga lingkod na propeta ng Dios ay may katiwatiwalang katunayang biblikal na nararapat panghawakang matibay ng lahat. Na sinasabi,

DEUT 18 :
18  Aking palilitawin sa kanila ang isang propeta sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at AKING ILALAGAY ANG AKING MGA SALITA SA BIBIG NIYA, at KANIYANG SASALITAIN SA KANILA ANG LAHAT NG AKING IUUTOS SA KANIYA.


Nguni’t kung ang may katawan (Cristo) mismo ang ating tatanungin hinggil sa usaping ito’y ano naman kaya ang kaniyang maisasaad tungkol sa likas na kalagayan na pinanghahawakan ng kaniyang sarili.

Hinggil nga sa bagay na ito’y sinabi,

ANG LIKAS NA KALAGAYAN NI JESUS

JUAN 5 :
30  HINDI AKO MAKAGAGAWA NG ANO MAN SA AKING SARILI: humahatol ako ayon sa aking narinig: at ang paghatol ko’y matuwid; sapagka’t hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin.

31 Kung ako’y nagpapatotoo sa aking sarili. ANG PATOTOO KO AY HINDI KATOTO- HANAN. (Deut 18:18)

JUAN 12 :
49  Sapagka’t AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN. (Deut 18:18)

JUAN 14 :
10   Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI:  kundi ang Ama na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa.

11  MAGSISAMPALATAYA KAYO SA AKIN NA AKO’Y NASA AMA, AT ANG AMA AY NASA AKIN: o kundi kaya’y MAGSISAMPALATAYA KAYO SA AKIN DAHIL SA MGA GAWA RIN.

JUAN 12 :
44  At si Jesus ay sumigaw at nagsabi ANG SUMASAMPALATAYA SA AKIN, AY HINDI SA AKIN SUMASAMPALATAYA, KUNDI DOON SA NAGSUGO SA AKIN.

JUAN 8 :
40  Datapuwa’t ngayo’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na TAONG sa inyo’y nagsasaysay ng KATOTOHANAN, na AKING NARINIG SA DIOS: ito’y hindi ginawa ni Abraham.

JUAN 20 :
17  Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka’t HINDI PA AKO NAKAKAAKYAT SA AMA, nguni’t pumaroon ka sa aking mga KAPATID, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa AKING AMA, at INYONG AMA, at AKING DIOS at INYONG DIOS.

Mula sa mga talatang aming inihayag sa inyo ay maliwanag pa sa sikat ng araw na ang Panginoon sa langit ay kaisaisa nga lamang at siya’y walang iba kundi ang kaisaisang Dios na siyang Ama nating lahat. Ano pa’t ang lahat niyang mga anak ay itinalaga niyang sundin ang tangi niyang kalooban.

Sa gayo’y tagapagpasunod ang tungkulin ng ating Ama at tayo nama’y tagasunod sa kaniya, na lumalapat sa kalagayan ng panginoon at alipin. Tayo nga kung gayo’y nalalagay sa katayuan ng mga alipin at ang ating Ama na nasa langit ang siya naman nating kaisaisang Panginoon.

Alinsunod sa mga nabanggit na talata ay hindi maitatanggi na itong si Jesus bilang isang totoong tao ay lumalapat sa kalagayan ng isang alipin. Kaya’t ang isang nalalagay sa gayong katayuan ay hindi maaaring magkaroon ng sarili niyang alipin na tagapaglingkod, sa kadahilanang ang ating Ama nga lamang ang tumatayong kaisaisang Panginoon ng lahat.
Dahil dito ay siya nga rin ang kaisaisang nagbibigay ng pagpapala sa lahat ng mga alipin na kaniyang kinalulugdan. Gayon din siyang tagapagligtas at tagapagpatawad ng mga sala nilang sa kaniya ay nangagkamali.

Sa makatuwid, mula sa tanglaw na ito’y maituturing na isang napakalaking kahangalan, kung sasabihing tayo ay nararapat na magpaalipin sa isa pang alipin na katulad natin. Bagama’t mula sa bibig ni Jesus ay ipinaabot sa marami ang tinig at salita ng ating Panginoon. Na tulad sa isang kalatas o sulat na iniabot ng mensahero sa mga kinauukulan.

Hangal ka ngang maituturing kung ang mensahero o kartero ang paguukulan mo ng pansin, kay sa Panginoon mong may lagda ng sulat na iyong tinanggap. Hinggil dito ay pakatandaan ninyo na ang kaisaisang Dios ay Dios, at ang mensahero ay tagapaghatid lamang ng balita na mula sa kaniya.

Hindi nga nangangahulugan na ang alipin ay magiging Panginoon na rin, matapos niyang ganapin ang mga bagay na iniatang sa kaniyang balikat ng kaniyang Panginoon. Nang dahil nga sa ang kalagayang ito’y walang kaukulan kanino pa man, kundi sa ating Ama lamang na nasa langit. Kaya’t ang mga Anak ay mananatiling Anak at ang Ama ay mananatiling Ama.

Ano pa’t huwag ninyong sabihing kaisaisa rin ang Anak na karapatang inilalapat ng mga hangal kay Jesus (Juan 20:17). Sapagka’t lalabas na kami at maging kayo’y pawang mga putok sa buho lamang,  o tulad sa mga ligaw na kabute na biglang nagsisulpot sa lupa. Kaugnay nito’y huwag nyo ring sabihing inaampon ng Dios ang mga tao, sapagka’t para na rin ninyong sinabi na sa inyo ay iba ang may lalang at naganyo.

Dalawa (2) nga lamang ang kalagayan na maaaring tindigan ng mga tao sa kalupaang ito. Ang isa ay ang pagiging anak ng pagsunod, at ang pangalawa ay yaong kalagayang lumalapat sa mga anak ng pagsuway. Ang mabuti na siyang inaaring ganap ng Dios, at ang masama na siya namang bunga ng saksal na kamangmangan sa ibabaw ng lupa. Dahil dito, kung sinasabi nyong iisa lamang ang Anak ng Dios at kayo’y hindi, sa gayo’y sino ang sasangayon sa inyo kung sasabihin naming mga anak kayo ni Satanas?

Paano nga kung gayon maituturing kayong mga anak ng mabuti, samantalang ang nakikita naman na mga gawa sa inyo’y ang pagtatakawil sa mga kautusan ng pagibig, na gawang naghahayag ng tuwirang paghihimagsik sa sarili ninyong Ama na nasa langit?

Siya na ating Ama ang kaisaisa nating Panginoon at liban sa kaniya’y wala ng iba. Tayo nga’y may katungkulan na ganapin ang alin man sa mga kautusan ng kaisaisa nating Panginoon. Kung paano nga ang Cristo ay maluwalhating naglingkod sa kaniya gaya ng isang matapat na alipin ay sa gayon din namang paraan nararapat maglingkod ang lahat sa kaisaisang Panginoon na sumasa langit.

Kaya’t yaong minatuwid ng may akda sa talata 2, sa tanggapin nyo man o hindi ay napakaliwanag na yao’y ganap na pinamimitiwanan ng katotohanan. Sapagka’t ang nasasaad sa nabanggit na talata ay bungang isip lamang ng isang taong nalalagay sa pinakamababang antas ng kamalayan sa larangan ng tunay na kabanalan.

Gayon ngang lalong higit ang timbang ng patotoo ni Jesus sa kaniyang sariling kalagayan, kay sa pagkaunawa ng isa o ng sinoman na kailam ma’y hindi niya nakasama, na hindi nakarinig at nakasaksi ng mga salita sa gawa nitong Espiritu ng Dios na naghari sa kaniyang kalooban. Dapat bang bigyan ng kaukulang halaga ang sulat ng isang taong ikinatakot na ibunyag ang kaniyang pangalan bilang may akda ng isang sulat (Sa mga Hebrew)? O, ang mga salita nitong Espiritu ng Dios na mismo ay nangagsilabas mula sa bibig nitong si Jesus?

Ang pangatlong (3) usapin sa talata 2 ay yaong tumutukoy sa Anak na tagapagmana ng lahat ng mga bagay. Datapuwa’t kung ang anak ay sumisimbulo sa bahagi ng Dios, at ang Ama ay simisimbulo sa kabuoan ng Dios ay paano nga magmamana ng lahat ng mga bagay ang isang bahagi na kabilang lamang sa kaniyang kabuoan.

Ano pa’t ang bahaging yaon palibhasa’y nakasugpong sa kaniyang sarili ay hindi iba sa kaniya, at walang taglay na persona sa kaniyang sarili. Sapagka’t sa iisang Dios ang kaisaisang persona na walang hanggang nananatili at umiiral sa lahat ng kaluwalhatian.

Na sinasabi,

ANG LIKAS NA KALAGAYAN AT KALOOBAN NG DIOS

ISA 43 :
11  Ako, sa makatuwid baga’y ako, ang Panginoon; at LIBAN SA AKIN AY WALANG TAGAPAGLIGTAS.

ISA 44 :
6  Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Hari ng Israel, at ng kaniyang MANUNUBOS, na Panginoon ng mga Hukbo, AKO ANG UNA, AT AKO ANG HULI; at LIBAN SA AKIN AY WALANG DIOS.

ISA 45 :
22  Kayo’y magsitingin sa akin at kayo’y mangaligtas, lahat na taga wakas ng lupa: sapagka’t AKO’Y DIOS, at WALANG IBA LIBAN SA AKIN.

AWIT 89:
34  Ang tipan ko’y hindi ko sisirain. Ni akin mang babaguhin ang bagay na lumabas sa aking mga labi.

MAL 3 :
6  Sapagka’t AKO, ANG PANGINOON AY HINDI NABABAGO, kaya’t kayo, Oh mga anak na lalake ni Jacob, ay hindi nangauubos.

Sa makatuwid nga’y napakaliwanag na kaisaisa nga lamang ang persona na masusumpungan sa kaluwalhatian ng langit, at ito’y walang iba kundi sa kaisaisang Dios na doo’y nananahan at ganap na umiiral. At ang lahat ng nangaroon ay bahagi lamang niya sa kaniyang kabuoan, na sistemang may kamalayang nagpapagalaw sa kabuoan nito.

Sapagka’t sa kabuoan ay isa nga lamang ang isipan na nagpapatupad ng lahat ng kilos, at ang mga bahagi ay gaya ng matatapat at masisipag na aliping sa anomang dikta ng isip ay kapagdakang nagsisitalima sa kaniya.

Gayon nga rin ang Anak (bahagi ng kabuoan), na kapag sumanib sa Ama (kabuoan) ay gaya nga lamang ng mga patak ng ulan na nangalaglag sa karagatan ng dagat. Na sa sandling siya’y lumapat sa kabuoan ay bahagi na lamang siya nito, at ang kaniyang persona bilang patak ng ulan ay naparam na. Sapagka’t siya’y pumaloob na doon sa kaisaisang persona ng dagat, at sa kalagayang yao’y gagalaw ang lahat alinsunod sa kalikasan nito.

Gaya nga rin ang anomang pagkain ay taglay ang kanikaniyang entidad, o kaurian habang ang mga ito’y nasa labas pa ng kaninomang bibig. Nguni’t sa sandaling sila’y isubo ng kamay sa bibig at nginuya ng mga ngipin ay nawawala na ang kanilang persona o entidad, at napapabilang sa katawan alinsunod sa layunin ng kabuoan nito. Sa gayo’y naiwan na nila ang dati nilang kalagayan, upang makipagisa sa kabuoan at gumanap bilang nutrisyon sa katawan. Ang alin man ngang bahagi na nabibilang sa kabuoan kung gayon ay kasama na sa anomang galaw ng kabuoan.

Gayon nga rin na sumasanib at nakikipagisa ang Anak sa kaniyang Ama, na iniiwan ang entidad na tinitindigan sa kalupaan bilang isang indibiduwal na taglay ang pangalan. Ano pa’t sa sandli ng paglapat nitong bahagi sa kabuoan ay naparam na nga ang eksistensiya ng kasarinlan nito sa pagging indibiduwal, upang ariing ganap bilang bahagi ng kalagayang nagpapanatili sa buhay na walang hangan.

Kaugnay nito, kung kaisaisa nga lamang ang kabuoang lumalapat sa kalagayang Dios ay kaisaisa nga rin ang nagliligtas sa kaluluwa at tumutubos ng sala ninoman. Gayon din ang kabuoang yaon ang humuhusga sa mga tampalasan at nagkakaloob ng kaniyang kaawan sa lahat ng nagsisiibig at nagsisiganap ng kaniyang mga kautusan ng pagibig.

Ano pa’t kung ang kaniyang Espiritu ay nananahan at naghahari sa kalooban mga tunay na banal noong una at hanggang sa kasalukuyan ay maliwanag na sa bawa’t saglit, sandali, oras, at araw na lumipas sa kalupaan ay tinatamo ng mga anak ng pagsunod, na tulad ng masaganang daloy ng tubig ang mabubuting biyaya ng Dios. Gaya ng lagim na ipinapataw sa mga tampalasan ng nabanggit na Espiritu ang kaukulang husga sa kanilang mga karumaldumal na mgagawa.

Sa gayo’y kay laon na palang naikalat ang kaharian ng Dios sa kalupaan, nguni’t ang masakit nito’y hindi kailan man napagunawa ng marami ang katotohanang yaon. (Sundan sa Part 2 of 4)

Chapter 3, Part 1 of 6 (Click here)













No comments:

Post a Comment