Wednesday, May 2, 2012

Chapter 3 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 1 of 6)


Sa nakaraang kabanata ay hindi kakaunting bagay ang sa inyo ay nahayag sa maliwanag, at sa mga yao’y nalalaman namin na kayo’y nakaabot sa ganap na pagkaunawa. Gayon din naman sa lawak ng liwanag na tumatanglaw sa inyong kaisipan sa ngayo’y malalantad ng may linaw ang ilang malalabong usapin na ibinangon ng may akda sa kabanatang ito. 

Bagay na kung hindi sisikatan ng liwanag ay patuloy na magiging madilim sa kaisipan ng marami. Ano pa’t sa dilim ay nalalatag ang mga nakaambang kapahamakan, gaya ng batong nakahambalang sa landas na palagiang kinatitisuran ng hindi kakaunting nagsisipagdaan doon. Gaya ng isang patibong ng pagkatisod na sadyang inilaan ng mga tampalasan sa ikapapahamak ng marami sa mga kaawaawa nating kapatid.
Datapuwa’t sa sinomang taglay ang ilaw ay hindi kailan man naging kapighatian, ni naging kapahamakan man ang anomang paglalakbay. Sapagka’t sa gabay ng liwanag na tumatanglaw sa paligid ay naiiwasan ang mga dako, na kung saa’y nangakaakma ang mapanganib na mga bitag ng kamatayan. 

Gayon nga sa pagpalaot natin sa madidilim na bahagi nitong pangatlong (3) kabanata ng sulat sa mga Hebreo ay ihahayag ng hawak ninyong ilawan sa maliwanag ang mga bagay, na naging sanhi ng kapahamakan nilang tila mga bulag na nagsipangahas pasukin ang mapanlinlang na dako ng mga Gentil.

Hinggil dito ay nalalaman natin na ang Dios ay hindi miminsang nakipagtipan sa mga anak ng pagsunod (tupa), at sa kanila’y ipinahayag niya ang katuwiran ng kabanalan na sinasangayunang lubos ng kaniyang katotohanan. Dahil  dito’y natamo ng marami ang tunay na kabanalan at nagsipamuhay sa kalupaan gaya ng mga tupa na nagkakatipon sa isang kawan.

Gayon ma’y nasumpungan ang ilan sa kanila na nawalay sa kawan, at ang mabuti nilang pastor ay pinaroonan sila sa dakong kinaligawan nila. Ano pa’t siya’y nagalak sa kaniyang puso nang sila’y kaniyang  masumpungan, at muli ay ibinalik sa kawan ng mga tupa na kanilang kinabibilangan. Na ang lahing ito’y mga anak ng pagsunod, palibhasa’y pawang mga anak ni Abraham na gayon din namang tupa sa paningin ng Dios.

Sila ay nagsipakinig sa mga kautusan, mga palatuntunan, at mga kahatulan ng sarili nilang Ama na nasa langit. Datapuwa’t yaong mga anak ng pagsuway (kambing) ay tanyag sa katawagang Gentil, na mga walang pagkilala sa kaisaisang Dios, palibhasa’y nasumpungan nilang inutil ang kautusan nito. Sa gayo’y nagsigawa ng kanikaniyang daan tungo di umano sa tunay na kaligtasan ng kaluluwa at katubusan ng kanilang mga sala.

Ano pa’t bago bumangon itong si Pablo ay maliwanag pa sa sikat ng araw na mayroon ng mga tinatawag na tupa (anak ng pagsunod). Sa makatuwid nga’y hindi kakaunti silang nagsipagtamo ng buhay na walang hanggan, bago pa ipahayag ng taong ito ang likha niyang evangelio ng di pagtutuli. Na sa kapanahunan naman nitong si Jesus ay pinagtibay ang kahalagahan ng pagtalima sa mga kautusan ng pagibig sa Dios at sa mga kautusan ng pagibig sa kapuwa (evangelio ng kaharian).

Sa gayo’y wala siyang anomang binago sa kautusan at sa mga salita nitong Espiritu ng Dios na isinatinig ng bibig nilang mga tunay na propeta. Kaya nga hinggil dito ay sinabi niya,

MATEO 5 :
17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

18  Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang TULDOK o isang KUDLIT, sa anomang paraan ay HINDI MAWAWALA SA KAUTUSAN, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

Ito ngang si Jesus ay naparoon sa sangbahayan ni Israel, hindi upang pawalang kabuluhan ang kautusan ng pagibig, ni pasinungalingan ang mga dalisay na salita ng Dios na isinatinig ng mga propeta. Kung gayo’y hindi siya naparoon upang sirain ang kautusan ni ang mga propeta, kundi upang ito’y ganapin at sa lahat ay  patotohanan at pagtibayin ng mga salitang nangagsilabas mula sa kanilang bibig.

Nguni’t ipinapapansin namin sa inyo, na itong si Pablo ay naparoon sa sangbahayan ni Israel, hindi upang tuparin ang kautusan o pagtibayin man ang tinig ng mga propeta. Kundi upang ipahayag na inutil ang kautusan, at palabasing sinungaling ang mga propeta.

Gayon nga rin sa kabuoan ng sulat sa mga Hebreo ay maliwanag na makikita sa may akda nito ang diwa nitong si Pablo. Na ang nabanggit na sulat ay inilathala, upang ipakilala ang ibang evangelio (evangelio ng di pagtutuli), na nagtuturo ng pagtatakuwil sa kautusan ng pagibig, at nagpapawalang kabuluhan sa mga tapat at tunay na salitang isinatitik ng mga totoong propeta ng Dios.

Na sinasabi,

1 COR 15 :
56  Ang tibo ng kamatayan ay ang kasalanan; at ang KAPANGYARIHAN NG KASALANAN AY ANG KAUTUSAN.

ROMA 4 :
15  Sapagka’t ang kautusan ay gumagawa ng galit; datapuwa’t KUNG SAAN WALANG KAUTUSAN AY WALA RING PAGSALANGSANG.

ROMA 5 :
13  Sapagka’t ang kasalanan ay nasa sanglibutan hanggang sa dumating ang KAUTUSAN, nguni’t HINDI IBIBILANG ANG KASALANAN KUNG WALANG KAUTUSAN.

ROMA 3 :
20  Sapagka’t sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay WALANG LAMAN na aariing-ganap sa paningin niya; sapagka’t sa pamamagitan ng KAUTUSAN AY ANG PAGKILALA NG KASALANAN.

ROMA 6 :
14  Sapagka’t ang KASALANAN ay hindi makapaghahari sa inyo: sapagka’t WALA KAYO SA ILALIM NG KAUTUSAN, kundi sa ilalim ng biyaya. (pananampalataya)

HEB 7 :
18  Sapagka’t NAPAPAWI ANG UNANG UTOS dahil sa kaniyang KAHINAAN at KAWALAN NG KAPAKINABANGAN.

19  (Sapagka’t ang KAUTUSAN AY WALANG ANOMANG PINASASAKDAL), at may pagpapasok ng isang pagasang lalong magaling, na sa pamamagitan nito’y nagsisilapit tayo sa Dios. 

Datapuwa’t tungkol sa kautusan ay sinabi ng mga propeta (banal ng Dios),

DEUT 6 :
5  AT IYONG IIBIGIN ANG PANGINOON MONG DIOS NG IYONG BOONG PUSO, AT NG IYONG BOONG KALULUWA, AT NG IYONG BOONG LAKAS. (Mat 22:37-38)

LEV 19 :
18  Huwag kayong mangaghiganti o magtatanim laban sa mga anak ng inyong bayan, kundi IIBIGIN NINYO ANG INYONG KAPUWA NA GAYA NG SA INYONG SARILI: ako ang Panginoon. (Mat 22:39-40)

ISA 34 :
16  Inyong saliksikin sa AKLAT NG PANGINOON, at inyong basahin: kahit isa sa mga ito ay HINDI MAGKUKULANG, walang mangangailangan ng kaniyang kasama; sapagka’t INIUTOS NG AKING BIBIG, pinisan sila ng kaniyang Espiritu. 

ECL 12 :
13  Ito ang wakas ng bagay; lahat ay NARINIG: IKAW AY MATAKOT SA DIOS, at SUNDIN MO ANG KANIYANG MGA UTOS; sapagka’t ITO ANG BOONG KATUNGKULAN NG TAO.

DUET 27 :
26  SUMPAIN YAONG HINDI UMAAYON SA MGA SALITA NG KAUTUSANG ITO UPANG GAWIN.

Kung itong si Jesus naman ang ating tatanungin hinggil sa kautusan ay ano naman kaya ang kaniyang masasabi?


MATEO 5 :
17  HUWAG NINYONG ISIPING AKO'Y NAPARITO UPANG SIRAIN ANG KAUTUSAN O ANG MGA PROPETA: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

18  Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang TULDOK o isang KUDLIT, sa anomang paraan ay HINDI MAWAWALA SA KAUTUSAN, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

MATEO 19 :
17  At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa mabuti? May isa, na siyang mabuti: datapuwa’t kung ibig mong pumasok sa buhay, INGATAN MO ANG MGA UTOS.

MATEO 22 :
37  At sinabi sa kaniya, IIBIGIN MO ANG PANGINOON MONG DIOS NG BOONG PUSO MO, AT NG BOONG KALULUWA MO, AT NG BOONG PAGIISIP MO. (Deut 6:5)
38  Ito ang DAKILA AT PANGUNANG UTOS.

39  At ang PANGALAWANG KATULAD ay ito, IIBIGIN MO ANG IYONG KAPUWA NA GAYA NG IYONG SARILI. (Lev 19:18, Mat19:19)

40  SA DALAWANG UTOS NA ITO’Y NAUUWI ANG BOONG KAUTUSAN, AT ANG MGA PROPETA.

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

Sa bibig nga ng mga tunay na banal ng Dios (propeta) ay hindi kailan man lumabas ang gaya ng minamatuwid ni Pablo at ng may akda sa mga Hebreo. Gayon din namang hindi kailan man nangyaring sinalungat nitong si Jesus ang katuwiran ng kautusan.

Bagkus, silang mga dakilang propeta at si Jesus ay iisa lamang ang katuwirang tinitidigan hinggil sa kautusan. Na ito’y nangatatatag magpakailan kailan man, at umiiral sa pinakamalakas at pinaka-epektibong kalagayan, upang ang sinomang kaluluwang gaganap sa nabanggit na kautusan ay walang anomang maihatid nito sa buhay na walang hanggan.

Narito, at sa talata 1 hanggang 5, bilang panimula ng kabanata ay ibinangon ang ilang usapin, na sinasabi,

1. Na si Jesus ay isang apostol at dakilang saserdote ng Dios.

2. Na siya’y nagtamo ng lalong karangalan kay sa kay Moises.

3. Higit na may karangalan kay sa bahay (iglesia) ang nagtayo ng bahay (Jesus), sapagka’t ang    nagtayo ng lahat ng mga bagay ay ang Dios.

Sa unang (1) usapin ay minamatuwid ng mga Gentil na itong si Jesus ay isang apostol ng Dios. Sa gayo’y tila baga sinasabing mula sa isang alipin ay lumikha ng labingdalawa (12) pang alipin ang Panginoon. O, mula sa isang pintuan ay lumikha ang aluwagi (karpintero) ng labingdalawa pang pintuan.
Gaya rin naman na sa pamamagitan ng isang Anak ay nakagawa ang Dios ng labingdalawa pang Anak. Sa makatuwid baga kung gayon ay ipinahihiwatig o binibigyang diin na labingtatlo (13) sa bilang, o higit pa ang mga apostol?

Ano nga? Kung itong si Jesus ay iisa nga lamang at mula sa iisa ay lumikha pa ng labingdalawa (12). Dapat nga ring tanggapin ng lahat na siya ay labingtatlo (13) sa kanilang bilang. Kung siya nga’y apostol at Cristo pa sa likas na kalagayan, gayon nga ring lalabas ang labingdalawa na apostol at Cristo din sa likas nilang kalagayan. Sa marami nga’y gayong pinaguugatan ang bagay na ito ng hindi kakaunting usapang hangal. Sapagka’t sa katuwiran ng mga pahayag ng mga tunay na banal ay narito at muli ay pinipilipit ng may akda ang salitang apostol.

Hinggil dito’y pakaunawain nga ninyo na ang pangalang Jesus ay ngalang lumalapat sa katawang pisikal bilang katawagang pagkakakilanlan sa kaniya. Nguni’t ang salitang Cristo na lumapat sa kaniyang kabuoan ay isang gawain nitong Espiritu ng Dios na tumutukoy sa paglikom (kaligtasan) ng mga ligaw na tupa sa sangbahayan ni Israel.

Ano pa’t ang salitang apostol ay kalagayang sumasailalim sa kapamahalaan ng nabanggit na gawain (Cristo), palibhasa’y kinasama sila ng nabanggit na Espiritu (Cristo) na nasa kay Jesus sa boong ministerio niya sa nasasakupang lupain ng Israel. Kung tawagin nila sa kapanahunang yaon ay Panginoon at guro, sapagka’t nalalaman nila na siya (Espiritu ng Dios) ang nagsasalita at gumagawa ng lahat sa pamamagitan lamang ng katawan ni Jesus.

Sa usapin ngang ito’y ipinaaabot namin sa inyong kabatiran, na sinoman sa mga tunay na banal sa panahong nasasakupan ng Cristo ay walang tumawag kay Jesus ng gayon (apostol). Sapagka’t nalalaman nila na siya’y wala sa gayong kalagayan, kundi sa higit pang mataas na antas ng kabanalan kay sa kanila. Sapagka’t siya sa kapanahunang yaon ang kaisaisang katawan na pinaghaharian ng nabanggit na Espiritu, sa layuning isauli sa kawan ang mga ligaw na tupa sa sangbahayan ni Israel. Ang gawain ngang yaon ng Espiritu na lumalayon sa nabanggit na mga tupa ay lumalapat sa katawagang Cristo.

Kaya’t kapag sinabing Cristo ay nangangahulugan yaon ng gawain ng nabanggit na Espiritu na tumutukoy ng ganap sa pagliligtas ng mga ligaw na tupa, at huwag isaisip na si Jesus ang gayon. Datapuwa’t kapag binanggit ang pangalang Jesus ay nangangahulugan ito sa isang sisidlang hirang nitong Espiritu ng Dios, na kaniyang ginamit alinsunod sa nabanggit na gawain. Na kung lilinawin pa’y Jesus ang ngalan ng sisidlang hirang ng Dios na tumugon sa layunin ng Cristo (kaligtasan).

Itong si Jesus, bagaman nalalagay sa katayuan ng isang alipin gaya ng mga apostol, ay nararapat ninyong tanggapin na sa mga alipin ay may pinagkakalooban ng kalagayang kaunting mataas kay sa isa. Sa gayo’y may ilan sa kanila na pinagtitiwalaan ng panginoon na mangasiwa sa kapuwa niya alipin. Hindi nga maaari na sa isang kapulungan ng mga alipin ay tawaging katiwala ang lahat, kundi isa lamang ang itinatalaga ng panginoon na mangasiwa sa bawat pulutong ng mga alipin.

Ngayon, kung sasabihing apostol din si Jesus ay nararapat tanggapin ng lahat na siya ay hindi kailan man napasailalim sa gawain ng Cristo. Nguni’t sa kapanahunang yao’y kanino bagang bibig lumalabas ang mga salita ng Dios?

Sino bagang alipin ang ginawang tagapaghatid ng mga salita ng kautusan sa mga kapuwa niya alipin? Hindi baga itong si Jesus na siyang ginawang katiwala ng labingdalawang (12) apostol. Sa gayo’y hindi nga siya apostol, kundi katiwala ng mga salita na ukol sa iba na may kaunting baba sa kaniyang kalagayan. Na kung lilinawin pa’y gaya nitong  panganay na anak sa isang sangbahayan na nangangasiwa sa mga nakababata niyang kapatid.

Hinggil nga sa mga apostol ay sinabi,

MATEO 19 :
28 ... KAYO NAMA'Y MAGSISIUPO SA LABINGDALAWANG LUKLUKAN, upang magsihukom sa labingdalawang angkan ng Israel.

Sa gayo’y hindi kailan man sinabi na labingtatlo (13) ang luklukan sa langit, upang upuan ng labingtatlong (13) apostol. Bagkus ay labingdalawa (12) nga lamang ang luklukang nahahanda, na ang uupo ay  labingdalawang (12) apostol lamang. Kahi man itong si Pablo na nagsasabing siya’y apostol ay hindi maaari, sapagka’t walang ikalabingtatlong luklukan na nahahanda sa kaluwalhatian, kundi gaya nga lamang ng bilang na isinaad.

Sapagka’t sa Apocalipsis ni Apostol Juan ay kaniyang binabanggit ang tungkol sa anyo ng Bayang Banal ng Dios na tumutukoy sa Bagong Jerusalem, na siyang kaluwalhatian ng langit.  Dito ay makikitang may ganap na kahalagahan ang bilang na LABINGDALAWA (12) sa ganap na kaayusang itinalaga ng kaisaisang Dios doon.

Hinggil dito ay narito ang katotohanang kaniyang naitala sa kasulatang yaon.

APO 21:
12  Na may isang malaki at mataas na kuta; na may LABINGDALAWANG PINTUAN, at sa mga pintuan ay LABINGDALAWANG ANGHEL; ay may mga pangalang nakasulat sa mga yaon, na siyang LABINGDALAWANG ANGKAN ng mga anak ng Israel. Sa silanganan ay may tatlong pintuan, at sa hilagaan ay may tatlong pintuan, at sa timugan ay may tatlong pintuan, at sa kalunuran ay may tatlong pintuan.
















No comments:

Post a Comment