Friday, March 30, 2012

Chapter 2 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 2 of 5)


Yaong kapangyarihang mangibabaw ng higit sa mga hayop, isda, at ng mga umuusad sa lupa (ahas). Na kung lilinawin pa’y nilalang ang sangkatauhan na kalakip ang ganap na kapamahalaan sa kanila, at bilang paghahari sa kanila’y inilagay sila sa ilalim ng mga paa (kapangyarihan) ng mga tao, upang mapagunawa na sila ang gawa nitong kamay ng Dios na lalong higit na mababa ang likas na kalagayan kay sa tao. Sa madaling salita’y alipin sila at panginoon nila ang mga tao.

Nguni’t nang ang teksto ay sipiin sa aklat ng “Sa mga Hebreo” ay nahayag sa maliwanag na ang katuwiran na sinasangayunang lubos ng katotohanan hinggil dito ay pinilipit ng may akda. Nang magkagayo’y inyong makikita na ito’y ipinatungkol lamang sa isang tao na nagngangalang Jesus. Na pinagkalooban umano nitong kaluwalhatian at karangalan upang tuntungan ng kaniyang mga paa ang ulo ng mga tao. Sa layuning pasukuin ang lahat ng mga bagay at kilalanin siya nilang Panginoon, na gaya ng Dios na tumutubos ng sala at nagliligtas ng kaluluwa.

Ano pa’t siyasatin nyo ngang mabuti ang sipi at ihambing sa katuwirang binibigyang diin ng teksto na kaagapay nito. Nang sa gayo’y makita ninyo kung paapaano napalitan ng salitang "anghel" ang salitang "Dios," gayon din ang lubhang malaking pagkakaiba ng dalawang (2) talata na nalalahd sa nakaraang bahagi (Part 1 of 5). Na sinasabing itong si Jesus ay inilagay ng Dios sa ibabaw ng mga tao, upang ang lahat ay ganap niyang pagharian. Samantalang sa teksto ay ginawa ang sangkatauhan upang pagharian ang lahat ng mga nilikha (hayop) na lalong mababa sa kaniya (tao) ang likas na kalagayan (Awit 8:6-8, Gen 2:26).
Dahil dito ay hindi maikakala na ang Heb 2:6-8 ay mga patotoong tila baga totoo, nguni’t kapag tinanglawan ng ilaw ay mahahayag sa liwanag na yaon pala’y pinilipit na katotohanan (Heb 2:6-8) lamang, at idinisenyo mula sa mga pinaglubidlubid na kasinungalingan ng may akda nito.

Hinggil nga sa usaping ito ay narito ang napakaliwanag na bagay. Ang salitang anghel ayon sa mabilis na unawa ay kalagayang lubhang mababa kay sa likas na kalagayan ng Dios.

Na sinasabi,

HEB 1 :
14  Hindi baga silang lahat ay mga espiritung tagapaglingkod, na mga sinugo upang magsipag- lingkod sa kapakinabangan ng mangagmamana ng kaligtasan?

Kung ano ang mga tao ayon sa Awit 8:4-5, na sinasabi,

AWIT 8 :
4  Ano ang tao upang iyong
        alalahanin siya?
    At ang anak ng tao, upang iyong
         dalawin siya?
5  Sapagka’t IYONG GINAWA SIYANG
         KAUNTING MABABA LAMANG SA DIOS,
    At pinutungan mo siya ng kaluwal-
         hatian at karangalan

Maliwanag na ang tao ay ginawa na may kaunting baba lamang sa Dios, palibhasa nga’y katotohanang siya’y anak ng Dios. Samantalang ang mga anghel ayon sa Heb 1:14 ay mga aliping Espiritu na tagapaglingkod lamang ng Dios. Dahil sa hindi maikakailang bagay na nalahad sa maliwanag ay paanong ngang naging mababa ang kalagayan nitong anak ng hari kay sa mga alipin ng hari (Heb 2:7)?

Ano pa’t sa usapang hangal ay napalabas ng may akda na gayong higit na mataas ang kalagayan nitong alipin kay sa anak (Heb 2:7). Subali’t mula sa katuwiran ng Dios ay sumusunod sa kalagayan ng Hari ang kaniyang anak (Awit 8:4-5), sapagka’t siya’y kaniyang tagapagmana. Samantalang ang mga alipin ay mananatiling alipin at kailan ma’y hindi magtatamo ng mga bagay na tinatamasa ng anak mula sa kaniyang amang hari.

Oo nga’t ang anak ay maaaring ibaba ang kaniyang sarili sa kalagayan ng isang alipin, o sa higit pang mababa kay sa dito sa paningin ng kaniyang Ama. Subali’t hindi nangangahulugang siya’y gayon na nga, sapagka’t sa gaano mang kababa niya ilagay ang kaniyang sarili ay hindi kailan man mawawala ang kalagayan niya bilang isang anak. Kaya kailan man di’y hindi maaaring pumantay, ni humigit man ang isang alipin sa anak ng hari, kahi man siya’y gawing ministro pa niya. Sa makatuwid baga’y walang anoman o sinomang maaaring lumakip sa bigkis na nagpapaging isa sa Anak at sa Ama.

Ano nga? Kung papaano pinilipit ng mga tampalasan ang katotohanan sa Awit 8:4-8 ay inyo na ngayong lubos na napapagunawa.

Bago nga namin sarhan ang usaping ito’y pansinin nyo muna ang mabigat na salungatan ng sumusunod na pangungusap.

“Sapagka’t nang pasukuin niya ang lahat ng mga bagay sa kaniya, ay wala siyang iniwan na di sumuko sa kaniya. Nguni’t ngayon ay hindi pa natin nakikitang sumuko sa kaniya ang lahat ng mga bagay.”

Kung noon pa nga’y nagsisuko na ang lahat ng mga bagay nitong sanglibutan sa paanan nitong si Jesus bago niya ito lisanin, ay paano nangyari na isa man sa kanila’y hindi kinakitaan ng gayong tanda? Pakaunawain nyo nga ang mga salitang nasa itaas, at baka sakaling kami’y nagkakamali lamang ng aming palagay hinggil dito.

Narito, at ayon sa talata 9 ay tila yata itinakuwil ng Dios ang sarili niyang anak, at siya’y itinuring niyang higit pang mababa kay sa mga alipin (tagapaglingkod) niyang anghel. Sa makatuwid baga aniya’y itong si Jesus na matapos patawan ng kamatayan (biyaya ng Dios) ng sarili niyang Ama ay gaya ng bayani na pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan. Sapagka’t di umano’y pinalasap sa kaniya ng sarili niyang Ama ang kamatayan, upang sa pamamagitan nito’y matubos ang sala ng sanglibutan.

Sa gayo’y sabihin nyo nga sa amin kung matuwid na patayin ng isang ama ang sarili niyang anak, sa layuning gawing pangtubos sa sala ng kaniyang mga kaaway. O kaya nama’y ibubo ng mga kaaway niya ang dugo ng sarili niyang anak, at siya’y dalhin sa harap niya na walang buhay, na sinasabi,

“Narito ang iyong pinakamamahal na anak, at sa iyong harapan ay dinala namin siyang walang buhay, sapagka’t siya’y aming pinatay. Tanggapin mo nga siya bilang minsanang handog na pinaka tanda ng aming pakikipagkasundo sa iyo. Dahil dito’y patawarin mo kami sa aming nangagawang sala, at mula ngayo’y huwag mo na kaming ituring na mga kaaway.”

Sino kayang ama sa lupa o maging ang kaisaisang Ama na nasa langit ay matutuwa sa katampalasanang ito ng kaniyang mga kaaway? Na imbis sundin ang kautusan hinggil sa mga hayop na susunugin bilang handog ay minabuti nilang ang ipagkaloob sa kaniya’y ang pinaslang nilang katawan ni Jesus. Ito’y bilang isang minsanang handog sa Dios na inihalili nila sa kautusan hinggil dito.

Sila’y naniniwala na ang katumbas ng kanilang pagpaslang kay Jesus ay ang katubusan ng kanilang mga sala. Nguni’t sa katotohanan ay hindi nga gayon ang layunin ng pagkasugo sa kaniya, kundi ayon sa mga salitang nilalaman nitong evangelio ng kaharian, na sinasabi,

MATEO 15 :
24  Datapuwa’t siya’y sumagot at sinabi, HINDI AKO SINUGO KUNDI SA MGA TUPANG NANGALIGAW SA BAHAY NI ISRAEL.

JUAN 10 :
27  Dinidinig ng aking mga tupa ang aking TINIG, at sila’y aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa akin.

EZE 34 :
31 At kayong mga tupa ko, na mga TUPA SA AKING PASTULAN ay mga TAO, at ako’y inyong Dios, sabi ng Panginoong Dios.

EZE 26 :
26  Bibibyan ko rin naman kayo ng bagong puso, at lalagyan ko ang loob ninyo ng bagong diwa (Espiritu); at aking aalisin ang batong puso sa inyong katawan, at aking bibigyan kayo ng pusong laman.

27  At aking ilalagay ang aking Espiritu sa loob ninyo, at palalakarin ko kayo ng ayon sa aking mga palatuntunan (kautusan), at inyong iingatan ang aking mga kahatulan, at isasagawa.

Sa makatuwid ay napakaliwanag na ang layunin nitong Espiritu ng Dios na nasa kay Jesus ay upang likumin ang mga ligaw na tupa sa sangbahayan ni Israel. Na sila’y iniligtas sa kalagayan nilang yaon, upang kamtin ang mga pangako na ipinangako ng Ama sa kanilang mga magulang. Sapaka’t ang lahi nila’y tupa (anak ng pagsunod) at hindi kambing (anak ng pagsuway), at dahil dito’y kailangan silang panatiliin ng pastor (Espiritu ng Dios) sa kawan ng mga tupa, upang hindi mangahawa sa karumihan ng mga kambing na naglipana sa lahat ng dako.

Gayon nga ring sinabi ng nabanggit na Espiritu mula sa bibig ng taong si Jesus, na siya’y,

JUAN 10 :
15  Gaya ng pagkakilala sa akin ng Ama, at ng sa Ama ay pagkakilala ko; at ibinibigay ko (Espiritu ng Dios) ang aking buhay dahil sa mga TUPA. (Mat 15:24, Juan 15:13-15)

JUAN 10 :
11  Ako ang mabuting pastor (Espiritu ng Dios): ibinibigay ng mabuting pastor ang kaniyang buhay dahil sa mga tupa

JUAN 17 :
6  Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga TAO (tupa) na ibinigay mo sa akin mula sa sanglibutan: (Mat 18:20) sila’y iyo, at sila’y ibinigay mo sa akin; at TINUPAD NILA ANG IYONG SALITA. (Mat 15:24)

JUAN 10 :
28 At sila’y binibigyan ko ng walang hanggang buhay; at kailan ma’y hindi sila malilipol, at hindi sila aagawin ng sinoman sa aking kamay.

Maliwanag kung gayon, na ang buhay na ibinigay sa mga tupa nitong Espiritu ng Dios na nasa kay Jesus ay ang buhay niya na walang hanggan. Palibhasa nga’y ang nabanggit na Espiritu ang nagsasalita mula sa bibig ni Jesus ay walang hanggang buhay ang natamo nila (tupa) mula sa kaniya. Sapagka’t kung paano niya ibinibigay ang kaniyang buhay (walang hanggan) sa mga tupa (anak ng pagsunod) ay gayon din naman niya ibinibigay ang husgang kamatayan, bilang pinal na hatol sa mga karumaldumal na kambing (anak ng pagsuway).

Ang tinutukoy dito kung gayo’y hindi ang buhay na di umano’y inihandog nitong si Jesus sa ikapagpapatawad ng sala nitong sanglibutan (anak ng pagsuway). Ang kamatayan niya sa pagkakabayubay sa krus ay bilang kaganapan lamang ng nasusulat, na ang mga propeta ng Dios ay pinipighati, nilalapastangan, at sa katapustapusan ay pinapaslang ng mga tampalasan.

Ngayo'y inyong nakita kung papaano pinilipit nitong mga kambing ang matuwid na isinasaad ng pastor (Espiritu ng Dios) sa kaniyang mga tupa (anak ng pagsunod). Palibhasa nga’y naging gayon sila (kambing), nang dahil sa kailan ma’y hindi nila inalintana ang tinig at salita nitong pastor ng mga tupa.

Ano pa’t tungkol sa kanila’y sinabi,

MATEO 7 :
17  Gayon din naman ang BAWA’T MABUTING PUNONG KAHOY AY NAGBUBUNGA NG MABUTI; datapuwa’t ANG MASAMANG PUNONG KAHOY AY NAGBUBUNGA NG MASAMA.

18  HINDI MAAARI NA ANG MABUTING PUNONG KAHOY AY MAGBUNGA NG MASAMA, at ang MASAMANG PUNONG KAHOY AY MAGBUNGA NG MABUTI.

19  Bawa’t PUNONG KAHOY NA HINDI NAGBUBUNGA NG MABUTI AY PINUPUTOL, at INIHAHAGIS SA APOY.

Magkagayon ma’y sinabi bagang ang masama ay hindi na maaaring bumuti pa? Oo nga’t ikaw ay mula sa binhi ng masamang lahi, na gaya nila’y masama rin,

EZE 18 :
21  Nguni’t kung ang MASAMA ay humiwalay sa kaniyang lahat na kasalanan na kaniyang nagawa, at ingatan ang lahat na aking mga PALATUNTUNAN, at gumawa ng TAPAT at MATUWID, siya’y hindi mamamatay.

22  Wala sa kaniyang mga pagsalangsang na nagawa niya na aalalahanin laban sa kaniya: sa kaniyang KATUWIRAN na kaniyang ginawa ay mabubuhay siya.

ISA 43 :
25  Ako, ako nga ay siyang pumapawi ng iyong mga pagsalangsang alang-alang sa akin; at hindi ko aalalahanin ang iyong mga kasalanan.

Gayon ngang binibigyang diin ng katotohanan na ang sinoman, bagaman anak ng masama (pagsuway) ay may lubos pa ring pagasa nitong kaligtasan sa kamatayan, kung siya nga’y babalik sa katuwiran ng sarili niyang Ama na nasa langit. Dulo nito'y babaguhin ng Dios ang anyo niyang kambing at siya’y ililipat sa kalagayang lumalarawan sa kaanyuan ng isang tupa.

Sa makatuwid nga’y pagganap nga lamang sa tanging kalooban ng Dios (kautusan ng pagibig) ang ating nararapat na gagawin, at ang susunod doo’y siya na ang bahalang gumawa ng nararapat at kaukulang pagbabago sa anyo ng sinoman. Upang sa kabuoan niya’y lumarawan ang katotohanan, ilaw, pagibig, lakas, paggawa,at buhay, na siyang kabuoang anyo sa bawa’t tupa (anak ng pagsunod) na nabubuhay sa kalupaan.

Tungkol sa kamatayan ay matuwid ninyong ikinatal sa inyong kaisipan, na ito’y tanda ng isang kawakasan o katapusan ng anomang bagay na umiral sa pamamagitan ng isang simula sa dimensiyong ito ng materia. Ang anomang eksistensiya sa kalupaan ay nagkakaroon ng kaganapan dahil sa buhay na lumakip sa sinoman at sa anoman. Kaya’t maipasisiyang ang buhay ang simula na siyang iiral upang pumasok sa eksistensiya ang lahat ayon sa kanikaniyang uri at anyo.

Nguni’t kapag nilisan o tinakasan nito ang alin man sa pisikal na katawan niyang pinamamahayan ay yaon na ang katapusan ng buhay sa dimensiyong ito ng materiya. Iyo’y tanyag sa katawagang kamatayan at nangangahulugan ito ng pagkawala ng sariling entidad at pagkaparam ng pisikal na anyo sa kalupaan.

Kaugnay nito, ang buhay ay nasasaad sa mga banal na aklat bilang isa sa bahagi ng Dios, na kung saan ay nagmula ang lahat ng paganyo at paglikha. Yamang ito’y nagkakaloob ng eksistensiya sa sinoma’y maliwanag  ang nabanggit na bahagi, kung itutukoy sa tao ay Dios na sumasa tao. Dahil dito ay maliwanag ding lumalabas na umiral ang lahat sa pamamagitan ng bahagi niyang tumutukoy ng ganap sa buhay. Siya sa kaniyang sarili ang nagkaloob at siya rin ang babawi nito sa anomang sandali na kaniyang naisin.

Kung ito nga’y kaniyang bawiin sa sinoma’y nangangahulugan bagang ayaw na niyang ang taong yao’y umiral pa sa kalupaan? O baka naman kaya nagkagayo’y napagtagumpayan na niyang ganapin ang layunin ng kaniyang eksistensiya. Na kung liliwanagin ay ang pakikipagisa ng sinomang nabubuhay sa perpektong kaayusan at dakilang balanse, na siyang likas na kalagayan sa pagiging Espiritu ng kaisaisang Dios.

Sa ibang dako, ang katawang pisikal ay nalalaman natin na nilikha mula sa lupa, at dahil dito’y isinumpa ng Dios na kung saan siya kinuha ay doon din siya uuwi. 


Sa makatuwid ay walang maaaaring kumawala sa tanikala ng sumpang ito. Bagay na nagpapahayag sa lahat, na magampanan mo man o hindi ang iyong tanging layunin sa kalupaan ay babawiin sa iyo ang buhay sa tanging kapanahunan.

Gayon ngang napakaliwanag na ang katawang pisikal ay hindi nilikha mula sa mga bagay ng langit, kaya’t hindi siya doon uuwi, kundi sa lupa na inaaring ganap nitong dimensiyon ng materiya. Datapuwa’t ang kaluluwa ay mula sa mga bahagi na nakasugpong sa kabuoan ng kaisaisang Dios na lumikha. Kaya’t siya’y hindi ukol sa lupa, kundi sa langit na kung saan siya ay nagmula.

Ano pa’t sa pagsasauli ng mga bagay (kamatayan) sa kanikaniyang kalalagyan ay unang lumilisan ang buhay at umuuwi sa kaniyang kabuoang nasa langit. Gayon din naman ang kaluluwa, ganap man o hindi ay uuwi sa langit na kaniyang pinagmulan. Nguni’t doo’y huhusgahan kung ang eksistensiya baga niya’y paiiralin pa o hindi na. Ang natitira pang isa (katawang pisikal) sa kabuoan ng tao ay babawiin ng lupa na siyang ganap na nagmamayari sa kaniya.

Ang taong si Jesus, palibhasa’y likas na tao sa kalagayan ay gayon ding sa kaukulang panahon na umuwi sa langit ang buhay at ang kaluluwa sa kaniyang pinagmulan, upang doo’y kamtin ang buhay na walang hanggan. Sapagka’t maliwanag na dito ay napagtagumpayan niyang gawin ang tanging kalooban ng kaisaisa nating Ama. Samantalang ang katawan niyang pisikal ay walang inuwiang iba, maliban sa lupa na nagmamayari nito.
Sa kamatayan niya kung gayo’y isang kaluluwa lamang ang naligtas sa pamamagitan ng pagsanib sa perpektong kaayusan at dakilang balanse ng Dios, sa makatuwid baga’y tumutukoy ang layuning ito sa kaniyang mga kautusan ng pagibig. Kaya’t maliwanag pa sa dilang maliwanag na ang nagliligtas ng kaluluwa at tumutubos ng sala nito ay ang pagganap sa mga kautusan ng sarili niyang Ama na nasa langit.

Sa pagtatapos ng usaping ito’y kahangalan at kahibangan na sabihing si Jesus ay namatay, pinatay, o nagpakamatay sa ikapagtatamo ng kaligtasan nitong sanglibutan. Sapagka’t katotohanang isang kaluluwa lamang ang madadala ng sinoman sa langit, at ito’y ang kaisaisang kaluluwa na taglay niya sa kaniyang kabuoan, at doo’y matatalastas niya kung ang eksistensiya baga niya’y paiiralin ng walang hanggan sa kaluwalhatiang yaon, o ang kaniyang buhay ay aalisin ng Dios sa kabuoan ng kaniyang kaluluwa.

Dahilan upang  maparam ang taglay na entidad nito at siya’y mauwi sa wala. Gaya ng pagaalis ng buhay sa katawang pisikal na siyang unang kamatayan, ay pumapasok sa pangalawang kamatayan ang sinoman sa pagaalis ng buhay sa kaniyang kaluluwa. Kung lilinawin ay disolusyon, na ang ibig sa bihin ay ang pagkalusaw ng entidad bilang kaluluwa at pagkawala na parang bula ng eksistensiya nito.

SUNDAN SA PART 3 OF 5 (Click here)

No comments:

Post a Comment