Monday, March 12, 2012

Chapter 1 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 2 of 4)

Ang pangapat (4) na usapin sa talata 2 ay binibigyang diin na sa pamamagitan nitong si Jesus ay ginawa ng Ama ang sanglibutan. Na kung lilinawin ay naging kasangkapan sa paggawa ng sanglibutan at paglikha sa lahat ng mga bagay si Jesus.


Sa gayo’y sinira na ng idolohiyang ito ang padron ng katotohanan na tumutukoy sa pagiging kaisaisa ng Dios sa kaluwalhatian ng langit. Ano pa’t sa hindi maikakailang katotohanan ay inilapat ng mga hangal ang kalagayang verbo sa katauhan nitong si Jesus, at dahil dito’y nagsimulang siya’y kilalanin sa kalagayan ng isang Dios na totoo.


Ang taong si Jesus gaya ng iba pang banal na nabuhay sa kanikaniyang kapanahunan, palibhasa’y pinamahayan at pinagharian ng Espiritu ng Dios sa kanilang kalooban at kabuoan ay lumarawan sa kaniyang mga salita at gawa ang wangis at anyo ng ating Ama. Ang katotohanan, ilaw, pagibig, kapangyarihan, paglikha, karunugang may unawa, at buhay na walang hanggan, na siyang kawangisan at kaanyuan ng Dios sa bawa’t banal na nabuhay sa kalupaan.


Nang pasimula nga ay ang verbo (salita), at ang verbo ay sumasa Dios at ang verbo ay Dios. Gayon nga na nang pasimula ay salita na siyang katotohanan, ilaw, pagibig, kapangyarihan (lakas), paglikha (paggawa), karunungan, at buhay. Ang salita ngang lumalapat sa mga ito’y sumasa Dios, at Dios sa kaniyang anyo at likas na kalagayan. Sa gayo’y nagkatawang tao ang verbo (salita) at tumahan sa gitna ng mga tao. Sa makatuwid baga ay ang Cristo?
Hindi nga ang gayon, kundi ito’y nagkatawang tao o namahay at naghari sa kalooban at kabuoan ng sinomang kinilala ng ating Ama sa larangan ng tunay na kabanalan. Isa nga lamang si Jesus sa hindi kakaunting pinamahayan at pinagharian ng verbo. 
At kung inyong sisiyasating mabuti ay may ganap na kahustuhan ang anyo ng Dios sa kaniya (Jesus), kaya nga sa kaniya’y ganap na lumarawan ang katotohan, ilaw, pagibig, lakas, paggawa, karunungan, at yaong buhay na walang hanggan. Na siyang kahustuhan ng verbo (salita ng Dios) sa sinomang totoong banal na nabuhay sa kalupaang ito.


Noong una’y hindi nga nagkamaling tukuyin ng ilan kung nasaang katawan ang verbo (salita), subali’t ang naging pagkakamali ng marami ay itinuring nilang yaong katawang nagmamayari ng pangalang Jesus ang siyang verbo. Bunga nito’y sinamba ng mga hangal ang taong si Jesus bilang bagong dios na tagapagligtas ng kaluluwa at manunubos ng sala. 


Gayon nga ring siya ay sinamba ng mga higit sa kahangalan bilang isang tao na pinagkalooban umano ng kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa, na may kapamahalaan ding magligtas ng kaluluwa at tumubos ng mga sala nitong sanglibutan. 


Dahil dito ay nalabag na naman ang padron ng katotohanan, hinggil sa kaisaisang Dios na tagapagligtas ng kaluluwa at manunubos ng sala. Sa gayo’y pinalabas ng mga hangal, na dalawa na nga silang gayon sa kalagayan.


Sa pagkakamali nga nilang ito’y nagbunga ng pagkilala sa ibang dios at nagtulak sa marami, upang magpahayag ng kanikanilang opinyon, na naglunsad sa kanila upang tulad sa bomba ay sumambulat sa lahat ng dako. Ano pa’t nagbunga ng halos hindi mabilang na sekta ng Cristianismo, na gaya ng mga mababangis na hayop ay nagsasakmalan araw at gabi. Ito nga’y hindi katakataka, sapagka’t ang isang sangbahayan o kaharian na nagkakabahabi ng paninidigan ay nagigiba at sumasambulat.

Tulad nga nitong Cristianismo nitong si Pablo ay giba, sapagka’t wala ang kautusan ng pagibig na isa sa mahahalagang sangkap ng tunay na kabanalan Tanging layunin nito na pagbuklurin ang lahat sa iisa. Bagkus ay kanikaniya at laban sa isa’t isa ang mga denominasyong Cristiano ng taong ito, na nagpapahayag ng lubhang mababang kamalayan pagdating sa larangan ng tunay na kabanalan.


HEB 1 :
3  Palibhasa’y siyang sinag ng kaniyang kaluwalhatian, at tunay na larawan ng kaniyang pagka-Dios, at umaalalay ng lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng salita ng kaniyang kapangyarihan, nang kaniyang magawa na ang paglilinis ng mga kasalanan, ay lumuklok sa kanan ng Karangalan sa kaitaasan.
4  Na naging lalong mabuti kay sa mga anghel, palibhasa’y nagmana ng lalong marilag na pangalan kay sa kanila.



Narito, at sa talata 3 ay sinasabing itong si Jesus ay ilaw na may sinag ng kaluwalhatian, at taglay ang anyong lumalarawan sa pagging Dios niya na totoo. Na siya’y gumagabay sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng umano’y mga salita niya ng kapangyarihan. Ano pa’t nang malinis niya ang kasalanan ng sanglibutan ay lumuklok sa kanan ng Karangalan sa kalangitan.

Sa talata ngang ito’y binibigyang diin ang mga sumusunod,

1. Na itong si Jesus ay Dios na totoo.
2. Na siya’y may ganap na kapamahalaan sa lahat ng mga bagay.
3. Na luminis sa kasalanan ng sanglibutan.
4. Na siya’y Dios Anak na lumuklok sa kanan ng Ama niyang Dios. (Politeyismo).


Hinggil sa unang (1) usapin sa talata 3 ay balikan na lamang ninyo ang tanglaw na mababasa sa pahina 6, nang sa gayo’y mapagtibay ninyo sa inyong sarili ang tunay na likas na kalagayan ni Jesus bilang isang totoong tao, at hindi isang Dios na gaya ng iginigiit na pagmamatuwid ng mga hangal.


Sa pangalawang (2) usapin sa talata 3 ay sinasabing itong si Jesus ay umaalalay sa lahat ng mga bagay, sa pamamagitan ng mga salita niya ng kapangharihan. Na kung lilinawin ay lumalabas na nailipat na sa kaniya ng Ama ang ganap na kapamahalaan sa lahat ng mga ito (ibabaw ng lupa at sa langit).

Nguni’t laban sa minamatuwid na ito sa talata ay mariin niyang sinabi,

Ngayon, nang ang mga sumusunod na salita ay mangagsilabas mula sa kaniyang bibig ay sabihin nyo nga sa amin, kung ito baga’y salita nitong Espiritu ng Dios na naghahari sa kalooban ng taong si Jesus, o yao’y mula sa minatuwid ng kaniyang sariling pagkatao.

MATEO 28 :
18  At lumapit si Jesus sa kanila at sila’y kaniyang kinausap, na sinasabi, Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa ay naibigay na sa akin.


Kung itong si Jesus ay hindi nga makagagawa, ni makapagsasalita ng anoman sa kaniyang sarili ay maliwanag pa sa dilang maliwanag, na ang nagsalita sa mga apostol sa pagkakataong yao’y ang Espiritu ng Dios na naghahari sa kaniyang kalooban at kabuoan. Palibhasa nga’y isa lamang siya sa hindi kakaunting ginawang sisidlang hirang o tahanan ng nabanggit na Espiritu sa kalupaan.


Kaya’t sa hindi maikakailang katotohanan ay ang Espiritu pa rin ng Dios na na kay Jesus ang karapatdapat sa kaukulang pakilala bilang Dios. Samantalang si Jesus ay nananatili sa kalagayan ng isang totoong propeta at lingkod ng Dios, sa layuning likumin ang mga nangaligaw na tupa sa sangbahayan ni Israel. Sapagka’t maliwanag na sa kalagayang yaon siya ganap na kinilala ng kaniyang mga kapatid kay Israel. Na sinasabi,


MATEO 21 :
11  At sinabi ng mga karamihan, Ito’y ang propeta, Jesus, na taga Nazaret ng Galilea.


MATEO 21 :
46  At nang sila’y nagsisihanap ng paraang siya’y mahuli, ay nangatakot sila sa karamihan, sapagka’t ipinalalagay nito na siya’y propeta.


JUAN 6 :
14  Kaya nang makita ng mga tao ang tandang ginawa niya, ay kanilang sinabi, Totoong ito nga ang propeta na paririto sa sanglibutan.


JUAN 7 :
40  Ang ilan nga sa karamihan, nang marinig ang mga salitang ito, ay nangagsabi, Tunay na ito ang propeta.


Na ang layunin ay hindi sa inaakala ng mga hangal na nauukol sa lahat ng mga tao, kundi,


MATEO 15 :
24  Datapuwa’t siya’y sumagot at sinabi, HINDI AKO SINUGO KUNDI SA MGA TUPANG NANGALIGAW SA BAHAY NI ISRAEL.


JUAN 10 :
15  Gaya ng pagkakilala sa akin ng Ama, at ng sa Ama ay pagkakilala ko; at ibinibigay ko ang aking buhay dahil sa mga TUPA. (Mat 15:24, Juan 15:13-15)


JUAN 18 :
37  Sinabi nga sa kaniya ni Pilato, Ikaw nga baga’y hari? Sumagot si Jesus, Ikaw ang nagsasabing ako’y hari. Ako’y ipinanganak dahil dito, dahil dito ako naparito sa sanglibutan, UPANG BIGYANG PATOTO ANG KATO- TOHANAN. (Mat 15:24) Ang bawa’t isang ayon sa katotohanan ay nakikinig ng aking tinig.


JUAN 17 :
6  Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga TAO (tupa) na ibinigay mo sa akin mula sa sanglibutan: (Mat 18:20) sila’y iyo, at sila’y ibinigay mo sa akin; at TINUPAD NILA ANG IYONG SALITA. (Mat 15:24)


Narito, at napakaliwanag ayon sa mga binitiwang salita nitong si Jesus na nagpapatotoong siya’y tao sa likas na kalagayan, at lumalapat sa layunin ng isang tunay na propeta ng Dios. Sa gayo’y isinugo nitong Espiritu ng dios na nasa kaniya sa mga nangaligaw na tupa sa sangbahayan ni Israel, upang sila’y likumin at isauli sa kawan na kanilang kinabibilangan. 


Ano pa’t ang mga Gentil at Samaritano ay hindi kailan man naging kabilang sa kaniyang layunin sa nabanggit na sangbahayan. Sapagka’t sila’y hindi mga tupa (anak ng pagsunod), kundi mga kambing na kumakatawan sa kalipunan ng mga anak ng pagsuway sa kapanahunang yaon.


SUNDAN SA PART 3 OF 4 (Click here)











No comments:

Post a Comment