Monday, October 22, 2012

Kabanata 6 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 3 of 4)

Sa pagpapatuloy ng may akda ay ibinigay niyang halimbawa itong si Abraham sa talata 13 hanggang 15, na sa pamamagitan ng kaniyang pananampalataya ay inaring ganap at tinamo ang mga pangako (talata 14)  na ipinangako sa kaniya ng Dios. Ang pinagbatayang teksto bilang pagbibigay diin sa bagay na ito ay ang mga sumusunod,

GEN 15 :
6  AT SUMAMPALATAYA SIYA SA PANGINOON; at ito’y ibinilang na KATUWIRAN sa kaniya.

Sa kasulatan ay katotohanang nasasaad na itinuring ng Dios na katuwiran kay Abraham ang kaniyang pananampalataya. Subali’t hindi nangangahulugang gayon na nga ang katuwiran ng Dios na nararapat niyang masumpungan sa mga tao. Bago natin bigyan ng karampatang tanglaw ang usaping ito’y pag-agapayanin muna natin ang mabuting sumpa ng Dios kay Abraham, at ang pinagtibay na sumpa sa anak nitong si Isaac. Sa gayo’y makikita natin ang tunay nating hinahanap.
GEN 15 :
5  At siya’y (Abram) inilabas at sinabi, Tumingala ka ngayon sa langit, at iyong bilangin ang mga bituin, kung mabibilang mo: at sa kaniya’y sinabi, MAGIGING GANIYAN ANG IYONG BINHI.

GEN 26 :
4  At aking pararamihin ang iyong (Isaac) binhi na gaya ng mga bituin sa langit, at ibibigay ko sa iyong binhi ang lahat ng lupaing ito; at pagpapalain sa iyong binhi ang lahat ng bansa sa lupa;

Ang sumpang yaon ng Dios kay Abraham na kaniya namang pinagtibay sa anak nitong si Isaac ay masasabi kayang ibinunga ng anong bagay? Ito ba’y sa pamamagitan ng pananampalataya na walang mga gawa, o sa pananampalatayang alinsunod sa mga gawa? Kaya’t pagsunurin naman natin ang dalawang talata na maaaring sumagot ng matuwid sa dalawang katanungan sa istansang ito.

GEN 15 :
6  AT SUMAMPALATAYA SIYA SA PANGINOON; at ito’y ibinilang na KATUWIRAN sa kaniya.

GEN 26 :
5 Sapagka’t SINUNOD NI ABRAHAM ang aking TINIG, at GINANAP NIYA ang aking BILIN, ang aking mga UTOS, ang aking mga PALATUNTUNAN, at ang aking mga KAUTUSAN.

Narito, at napakaliwanag na ang pananampalataya ay kaakibat ng pagsunod (gawa). Sa anong bagay nga kung gayon? O hindi baga sa TINIG, sa BILIN, sa mga PALATUNTUNAN, at sa mga KAUTUSAN NG DIOS? Sa makatuwid kung gayon ay lapat na lapat sa dalawang talatang ito ang mga salita ng Espiritu ng Dios na nangagsilabas sa bibig ni Jesus hinggil sa usaping ito, na sinasabi,

MATEO 23 :
23  At inyong pinababayaang DI GINAGAWA ang LALONG MAHAHALAGANG BAGAY NG KAUTUSAN, Na dili iba’t  ang Katarungan, at ang Pagkahabag, at ang PANANAMPALATAYA: datapuwa’t dapat sana ninyong gawin ang mga ito, at huwag pinababayaang di ginagawa yaong iba.

Kung gayon ay maliwanag na ang lahat, sapagka’t katotohanang ang pananampalataya ay isa nga lamang sa mahahalagang bagay ng kautusan. Na kung liliwanagin ay wala siyang anomang kasarinlan upang gumawa ng anomang bagay sa kaniyang sarili, palibhasa’y bahagi lamang ng isang kabuoan. 

Ang kapakinabangan niya ay alinsunod lamang sa itinadhana ng kautusan bilang isang mahalagang bahagi nito. Tulad ng kamay na isang mahalagang bahagi ng katawang pisikal, at hindi maaaring ihiwalay sa kabuoan na ang kamay ay patuloy na mabubuhay. Sapagka’t siya’y walang anomang kasarinlan na maaaring bumuhay sa kaniya kung sakaling siya’y putulin at ihiwalay sa katawan. 

Ano pa’t kung siya ay mananatili sa katawan ay masusumpungan ang kabuoan na walang kapintasan, at gagalaw alinsunod sa kahustuhan ng mga bahagi.  Gayon din ang pananampalataya bilang isang mahalagang bahagi ng kautusan na siyang kabuoan niyang ganap na kinabibilangan. 

Sa pananatili nito sa kaniyang orihinal na kalagayan ay nakamit ni Abraham ang mabuting sumpa ng Dios at ito’y tinamasa ni Isaac at ng mga binhi niya na aabot sa singkapal ng mga bituin sa langit.

Pansinin ninyo ang isinaad ng Espiritu sa unang bahagi ng talata (Mat 23:23) sa itaas. Na ang kautusan ay mayroong tatlong mahahalagang bahagi na tumutukoy sa KATARUNGAN, PAGKAHABAG, at PANANAMPALATAYA. Na ang tatlong (3) ito ay iniuutos na gawin at huwag pabayaang di ginagawa yaong iba. Sapagka’t maliwanag na kung ang isa man ang magkulang sa mga ito ay tiyak na mawalan ng kabuluhan ang anomang gawa na may kinalaman sa kautusan. Katotohanan na may higpitan ang bilin na huwag ngang pababayaang di gawin yaong iba. Kaya naman ang lahat ay tungkuling gawin ang gayon ayon sa isinasaad ng mga salita na nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus.

Sa makatuwid ay mayroon pa ring mga minor na kautusan na dapat isaalangalang ng sinoman, upang kaniyang maganap ng maluwalhati ang mayor na kautusan ng Dios. Ito nga ang kautusan sa katarungan, pagkahabag, at sa  pananampalataya na nararapat gawing lahat at isabuhay ng taong sumasailalim sa pagsunod sa mayor na kautusan ng Dios. Sapagka’t ang mga ito ang kumakatawan sa katuwiran ng kautusan, na sa pamamagitan ng tatlong (3) ito’y nagiging sakdal ang pagganap sa bagay na ito. 

Ano pa’t ang katarungan ay ang matuwid na paghatol, at ang pagkahabag ay ang pagiging mababang loob, na kung ang dalawa ay sasaliwan pa ng pananampalataya, na siyang maluwalahating pagsunod at pagpapaubaya ay nagiging sakdal nga ang mga pagganap sa kautusan ng kaisaisang nating Dios.

Sa talata 16 hanggang 18 ay sinasabing sa anomang pagtatalo ng mga tao ay siyang nagiging katapusan ang sumpa ng patotoo. Na siya ngang nagiging tuldok ng usapan, kung ang isa o ang ilan ay susumpa na ang kanilang minamatuwid ay ayon sa katotohanan, O kaya nama’y sa sumpa na gagawin ang mga bagay na ipinangako. 

Ayon pa sa may akda, sa pagkaibig ng Dios na maipakitang lalong sagana sa mga tagapagmana ng pangako ang kawalang pagababago ng kaniyang pasiya ay ipinamagitan niya ang sumpa.Upang sa sumpa at pangako na hindi maaaring ang Dios ay magbulaan ay magkaroon di umano ang lahat ng matibay na kasiglahan. 

Sila nga ay nagsitakas sa kautusan, upang mangapit sa pagasang nalalagay sa kanilang harapan. Sa makatuwid baga’y yaong pananampalataya kay Jesus na hiwalay sa mga gawa ng kautusan ng Dios.

Gayon ngang kung paano nagbitaw ng sumpang pangako ang Dios ay gayon din naman niya ito isasagawa, gaya ng nasusulat,

BILANG 23 :
19  ANG DIOS AY HINDI TAO na magsi- sinungaling, NI ANAK NG TAO na magsisisi; Sinabi ba niya, at hindi niya gagawin? O sinalita ba niya, at hindi niya isasagawa?

MAL 3 :
6  Sapagka’t AKO, ANG PANGINOON AY HINDI NABABAGO, kaya’t kayo, Oh mga anak na lalake ni Jacob, ay hindi nangauubos.

AWIT 89:
34  Ang tipan ko’y hindi ko sisirain. Ni akin mang babaguhin ang bagay na lumabas sa aking mga labi.

Sa mga tipan, mga pangako na isinumpa sa kaniyang mga banal sa iba’t ibang panahon ay maliwanag pa sa sikat ng araw, na walang pagsalang isinakatuparan ng Dios ng ayon sa kaniyang sinabi. Sa gayo’y hindi niya dadagdagan, ni babawasan man ang mga bagay na nangagsilabas mula sa kaniyang bibig.

Dahil dito ay nararapat tanggapin ng lahat, na ang kaniyang mga kautusan ng pagibig ay hindi kailan man nawalang ng anomang kabuluhan, pagdating sa kakayahan nito na maghatid ng kaluluwa sa buhay na walang hanggan. Hindi rin kailan man ito napaso o lumipas man, upang sa kapanahunan ay palitan ng lalong magaling na kautusan. 

Palibhasa’y nalalaman natin na,

AWIT 105 :
7  Siya ang Panginoon nating Dios; Ang kaniyang mga kahatulan ay nangasa boong lupa.
8  Kaniyang inalaala ang kaniyang tipan magpakailan man, Ang salita na kaniyang iniutos sa libong sali’t saling lahi.

KAW 8 :
8  Lahat ng mga salita ng aking bibig ay sa KATUWIRAN; Walang bagay na liko o suwail sa kanila.
9  Pawang MALINAW sa kaniya na nakakaunawa, At MATUWID sa kanila na nangakakasumpong ng kaalaman.

AWIT 111:
7    Ang mga gawa ng kaniyang mga kamay ay KATOTOHANAN  at KAHATULAN. Lahat niyang mga tuntunin (kautusan) ay tunay.

8    NANGATATATAG MAGPAKAILAN KAILAN MAN. Mga yari sa KATOTOHANAN  at KATUWIRAN.

Sa pamamagitan ng mga nasasaad na talata sa itaas ay nahayag sa maliwanag na ang mga kautusan ng Dios ay mananatili na magpasa walang hanggan, na higit sa sapat ang lakas at ganap na kapakinabangan sa sinomang nagnanais na makipagisa sa sarili niyang Ama na nasa langit. 

Gayon din sa pagganap ng mga nabanggit na kautusan ay natatamo ng sinoman ang mabubuting pangako na ipinangako ng Dios sa mga anak ng pagsunod (tupa). Na mga inaring ganap ng Dios upang maging tagapagmana ng pangako at malagay sa dako niyang kanan, na pinagkakatipunan nilang nagsipagtamo ng buhay na walang hanggan.

Datapuwa’t sa kabila ng katotohanang yao’y may diin pa rin sa evangelio ng di pagtutuli ang mga pilipit na doktrinang pangrelihiyon, na sinasabi,

ROMA 6 :
14  Sapagka’t ang KASALANAN ay hindi makapaghahari sa inyo: sapagka’t WALA KAYO SA ILALIM NG KAUTUSAN, kundi sa ilalim ng biyaya. (pananampalataya)

1 COR 15 :
56  Ang tibo ng kamatayan ay ang kasalanan; at ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan.

ROMA 4 :
15  Sapagka’t ang kautusan ay gumagawa ng galit; datapuwa’t KUNG SAAN WALANG KAUTUSAN AY WALA RING PAGSALANGSANG.

ROMA 5 :
13  Sapagka’t ang kasalanan ay nasa sanglibutan hanggang sa dumating ang KAUTUSAN, nguni’t HINDI IBIBILANG ANG KASALANAN KUNG WALANG KAUTUSAN.

ROMA 3 :
20  Sapagka’t sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay WALANG LAMAN na aariing-ganap sa paningin niya; sapagka’t sa pamamagitan ng KAUTUSAN AY ANG PAGKILALA NG KASALANAN.

ROMA 7 :
6  Datapuwa’t ngayon tayo’y nangaligtas sa kautusan, yamang tayo’y nangamatay doon sa nakatatali sa atin, ano pa’t NAGSISIPAGLINGKOD NA TAYO SA PANIBAGONG ESPIRITU, at hindi sa karatihan ng sulat.

Nguni’t kung ang sinoma’y tatakas o kakalas sa bigkis na tanikala nitong mga kautusan ng ating Ama, gaya nitong mga inilahad naming mga aral ng pagsuway sa nakaraang pahina at sa itaas ay maliwanag ngang wala silang tatamuhing anomang katuparan sa mabubuti niyang pangako. Bagkus ay yaong ayon sa nasusulat,

ISA 24 :
5  Ang lupa naman ay nadumhan sa ilalim ng mga nananahan doon; sapagka’t kanilang SINA- LANGSANG ANG KAUTUSAN, BINAGO ANG ALITUNTUNIN, SINIRA ANG WALANG HANGGANG TIPAN.

DUET 27 :
26  SUMPAIN YAONG HINDI UMAAYON SA MGA SALITA NG KAUTUSANG ITO UPANG GAWIN.

DUET 8 :
20  Kung paano ang bansang nilipol ng Panginoon sa harap ninyo, ay gayon ko kayo malilipol; sapagka’t hindi ninyo dininig ang tinig (kautusan) ng Panginoon ninyong Dios.

Sapagka’t ang nalalaman nilang gawin ay pawang mga aral ng pagsuway (evangelio ng di pagtutuli), na sa pamamagitan ng patay na pananampalataya ay nagsisilapit sila sa diosdiosang Jesus. Kung magkagayo’y gaano kaya kabigat ang husga sa kanila na lumapastangan sa Espiritu ng Dios na namahay at naghari sa kalooban ni Jesus. Sapagka’t imbis na siya ang kilalanin bilang Dios ay ito ngang si Jesus ang sinamba ng mga hangal bilang bagong dios na tagapagligtas ng kaluluwa at manunubos ng sala.

Dahil dito’y nagtumibay sa mga Gentil ang aral ng politeyismo, imbis na pagtibayin sa kanilang paninindigan ang aral ng monoteyismo. Sa gayo’y nangagkalasa sila sa kaisaisang Dios, nang dahil sa sila’y sumamba at nagsiluhod sa ibang dios (Jesus) na diosdiosan sa likas na kalagayan. Sapagka’t ito’y hayagang pagsalangsang at pagyurak sa unang dalawang utos sa sampung (10) tinamo ni Moises sa bundok ng Sinai.
















No comments:

Post a Comment