Monday, April 30, 2012

Chapter 3 "SULAT SA MGA HEBREO" ((Part 3 of 6)

Mula sa maliwanag na pahayag nitong si Pablo ay binibigyan niya ng diin, na si Jesus ay isang tunay na Dios at siyang nagtayo nitong iglesia ng mga Gentil. Nguni’t kung si Jesus sa kaniyang sarili ang ating tatanungin ay sasangayunan naman kaya niya ang kalagayang Dios na inilalapat ng taong ito sa kaniyang sarili. Katotohanan din kaya na si Jesus ang nagtayo ng nabanggit na iglesia? 

Hinggil dito ay sinabi,

JUAN 8 :
40  Datapuwa’t ngayo’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na TAONG sa inyo’y nagsasaysay ng KATOTOHANAN, na AKING NARINIG SA DIOS: ito’y hindi ginawa ni Abraham.
JUAN 20 :
17  Sinabi sa kaniya ni Jesus, Huwag mo akong hipuin; sapagka’t HINDI PA AKO NAKAKA AKYAT SA AMA, nguni’t pumaroon ka sa aking mga KAPATID, at sabihin mo sa kanila, Aakyat ako sa AKING AMA, at INYONG AMA, at AKING DIOS at INYONG DIOS.

JUAN 5 :
30  HINDI AKO MAKAGAGAWA NG ANOMAN SA AKING SARILI: humahatol ako ayon sa aking narinig: at ang paghatol ko’y matuwid; sapagka’t hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin.

JUAN 12 :
49  Sapagka’t AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN.

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: kundi ang AMA na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa.

MATEO 16 :
18  At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay ITATAYO KO ANG AKING IGLESIA; at ang mga pintuan ng HADES ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya.

Kung si Jesus nga’y tunay na tao ayon sa binigyan niya ng diing patototo, at hindi maaaring gumawa, ni magsalita man ng ayon sa sarili niyang pagmamatuwid. Nang mula sa bibig niya’y lumabas na ang iglesia ay itatayo sa ibabaw ng bato, sino kung gayon sa palagay ninyo ang katotohanang nagtayo ng nabanggit na iglesia?

Sa makatuwid nga’y maliwanag pa sa sikat ng araw na itong si Jesus ay walang itinatag na anoman, kundi ang Espiritu ng Dios na sa kalooban at kabuoan niya’y naghahari sa kapanahunang yaon ang siyang gumawa ng gayon.

Datapuwa’t ipinapapansin namin sa inyo na ang itinayong iglesia o kawan ng mga tupa ng nabanggit na Espiritu sa pamamagitan ni Jesus ay iba sa iglesia ng mga Gentil na itinatanyag nitong evangelio ng di pagtutuli ni Pablo. Sapagka’t ang natatag ayon sa evangelio ng kaharian ay komunidad ng Dios o kawan ng mga tupa, at hindi iglesia ng mga karumaldumal na Gentil (iglesia ni Pablo).

Kung gayon nga’y natatag ang komunidad ng Dios (kawan ng mga tupa) sa pamamagitan nitong evangelio ng kaharian. Kasunod nito’y itinayo ni Pablo ang iglesia ng mga Gentil (iglesia ni Pablo) sa pamamagitan nitong likha niyang evangelio ng di pagtutuli. Na kinapapalooban ng mga bagong doktrinang pangrelihiyon, na malabis ang paghihimagsik sa boong nilalaman nitong evangelio ng kaharian.

Sa pagpapatuloy ay maliwanag na makikita sa mga talatang inihayag namin sa inyo na ang nagkakaisang pahayag ni Pablo at ng may akda ng sulat sa mga Hebreo ay mariing pinasisinungalingan ni Jesus. Kaya’t marami man silang nagkakaisa sa gayong palagay ay hindi naman maaaring sangayunan ng katotohanan, sapagka’t ang mismong may katawan (Jesus) ay mariing tinatanggihan ang hakahaka nilang yaon tungkol sa kaniya.

Dahil dito, itong si Jesus gaya ni Moises ay naging tapat sa boong sangbahayan ni Israel, at ang isa sa katapatang yao’y ang pagsasaad niya ng katotohanan hinggil sa tunay niyang kalagayan bilang tao na totoo. Sa gayo’y mabilis na maipasisiya ng sinoman, na ang anomang pahayag na hihidwa o lilihis sa Juan 8:40 at Juan 20:17 ay maliwanag na hindi inaari ng katotohanan, kundi ng kasinungalingan.

Gayon ngang mariing kumakaila at nagpapawalang kabuluhan ang mga nabanggit na salita ni Jesus sa pangatlong (3) usapin na ibinangon ng may akda sa talata 3 hanggang 5.

Kaugnay ng mga nakaraang usapin, sa talata 6 ay sinasabing si Jesus ay Anak ng Dios, at Dios na puno sa kaniyang bahay. Na kung liliwanagin ay namamahay at naghahari ang kaniyang Espiritu sa kalooban at kabuoan ng tao.

Sa makatuwid nga’y maliwanag na binibigyang diin sa talata na siya’y Dios na totoo, at gaya nitong Espiritu Santo ay gayon ding lumalabas na pinupuspos ng kaniyang Espiritu ang sinomang masumpungan niyang may kasipagan sa larangan ng tunay na kabanalan.

Hinggil sa bagay na ito’y narito at inyong saksihan ang ilang talata na maaaring sumupil sa hidwang kalagayan na inilalapat ng mga hangal kay Jesus, na sinasabi,

EZE 36 :
27  At AKING ILALAGAY ANG  AKING ESPIRITU SA LOOB NINYO, at palakarin kayo ng ayon sa aking mga PALATUNTUNAN (kautusan), at inyong iingatan ang aking mga KAHATULAN, at ISASAGAWA.

MATEO 3 :
16  At nang mabautismuhan si Jesus, pagdaka’y umahon sa tubig: at narito, nangabuksan sa kaniya ang mga langit, at nakita niya ang Espiritu ng Dios na bumabang tulad sa isang kalapati, at lumapag sa kaniya.

JUAN 20 :
22  At nang masabi niya ito, sila’y HININGAHAN niya, at sa kanila’y sinabi, TANGGAPIN NINYO ANG ESPIRITU SANTO.

Sa ilang talata na aming inilahad sa itaas at sa paliwanag na una pa roon ay maliwanag na inilalagay ng Dios ang kaniyang Espiritu sa mga banal at ito’y naganap kay Jesus sa ilog Jordan. Kasunod nito’y gayon ding nakamit ng mga apostol ang nabanggit na Espiritu sa pamamagitan ng hininga ni Jesus. Sapagka’t katotohanang sa panahong yao’y ganap na pinaghaharian nito ang kaniyng kabuoan.

Ano pa’t ang katibayang sila’y pinaghaharian na nitong Espiritu ng Dios ay nang sabihing,

MATEO 28 :
20  Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo, at narito, AKO’Y SUMASA INYONG PALAGI, HANGGANG SA KATAPUSAN NG SANGLIBUTAN.

Kaya’t maliwanag na ang nabanggit na Espiritu ang taglay ng sinomang inaaring banal ng Dios, at kung anong Espiritu ng kabanalan ang sumanib sa mga banal noong una’y gayon din naman ang Espiritu na sumanib kay Jesus at sa mga tunay na apostol. Sa gayo’y hindi kailan man sinabi na espiritu ni Jesus ang sumanib sa mga apostol, kundi ang Espiritu Santo, na siyang gumagawa ng kaniyang mga gawa sa sinomang katawan na kaniyang pinamamahayan at pinaghaharian.

Inyo ngang talastasin na sa kabuoan ng karaniwang tao ay taglay ang tatlong (3) bahagi, na ang mga ito’y ang katawang pisikal, ang kaluluwa at ang espiritu ng buhay. Ano pa’t bago matamo ni Jesus ang Espiritu ng Dios sa ilog Jordan ay nasa karaniwang kalagayan ang kaniyang kalikasan bilang tao. Dahil dito’y iniwan niya ang pagiging karaniwan at hinarap ang kalagayang lumalapat sa tunay na kabanalan. Sapagka’t naging apat  (4) na ang mga bahagi ng kaniyang kabuoan, nang ang kaniyang kalooban ay pagharian ng nabanggit na Espiritu.

Kaya nga sa tanging kapanahunan nitong pagpanaw ng buhay (kamatayan) ay sumasauli ang mga nabanggit na bahagi ng tao sa kanikaniyang pinagmulan. Ang katawang pisikal, palibhasa’y pagaari ng lupa ay walang pagsalang uuwi sa lupa, at ang espiritu ng buhay, palibhasa’y mula Dios ay uuwi sa Dios. Gayon din ang kaluluwa, palibhasa’y mula sa Dios ay uuwi sa Dios, at doo’y huhusgahan kung siya baga’y idadako sa kanan (buhay), o sa kaliwa ng Dios (kamatayan).

Samantalang ang nabanggit na Espiritu kung sakaling kalakip sa kabuoan ng isang tao ay,

KAW 8 :
31  Na nagagalak sa kaniyang tinatahanang lupa; at ang aking kaaliwan ay sa mga anak ng tao.

32  Ngayon nga, mga anak ko, dinggin ninyo ako: Sapagka’t mapalad ang nangagiingat ng aking mga daan.

APO 5:
6  At nakita ko sa gitna ng luklukan at ng apat na nilalang na buhay, at sa gitna ng matatanda, ang isang CORDERO na nakatayo, na wari ay pinatay, na may PITONG SUNGAY, at pitong mata, NA SIYANG PITONG ESPIRITU NG DIOS, NA SINUGO SA BOONG LUPA.

Ang Espiritu nga ng Dios na nagsisilbing ikaapat na bahagi ng tao ay nananahan sa lupa, sapagka’t ikinagagalak niyang pamahayan at pagharian ang katawang lupa ng mga banal sa kalupaan. Kaya’t katotohanan niyong tanggapin, na hindi pagaari ng sinoman ang nabanggit na Espiritu, kundi pagaari nito ang kanino mang katawan na kaniyang pinaghaharian.

Dahil dito’y maliwanag pa sa sikat ng araw na ang nagmamayari at puno ng bahay ay ang Espiritung yaon. Na kung lilinawin ay bahay at tirahan niya ang katawang lupa ng sinomang tao na masumpungan niyang may kasipagan sa larangan ng tunay na kabanalan.

Gayon ngang ang Espiritu Santo (Espiritu ng Dios), pitong Espiritu ng Dios (Espiritu ng karunungan), Cordero sa iba’t ibang katawagan ay iisa lamang sa kalagayan at layunin. Na gaya ng kamay ay bahagi ng kaisaisang Dios at Ama nating nasa langit.

Ngayon nga’y binibigyan namin sa inyo ng diin, na ang nasasaad na mga salita sa talata 6 ay hindi kailan man sinangayunan ng katotohanan, at kung hindi gayon ay maliwanag nga lamang na ito’y lalang ng kasinungalingan.

Sa pagtatapos ng usapin ay bahay ka nga nitong Espiritu ng Dios, kung iingatan mong mabitay ang iyong paninidigan at pagganap sa mga kautusan ng pagibig, na kalakip ang iyong pananampalataya sa sarili mong Ama na nasa langit. Na siya ang kaisaisang pagasa sa ikapagtatamo ng buhay na walang hanggan ng iyong kaluluwa.

Ang talata 7 hanggang 12 ay pahayag na di umano’y sinalita ng Espiritu Santo, na sinipi mula sa Awit ni David. Sa layuning patotohanan na ang labingdalawang (12) angkan ni Israel, na pinalaya ng Dios sa pamamagitan ni Moises sa Egipito ay mga suwail, at sila’y walang tinamong anomang pagpapala. Bagkus ay isinumpa niyang sila’y hindi kailan man makapapasok sa kaniyang kapahingahan.

Nguni’t bago namin bigyan ng kaukulang paglilinaw ang bagay na nais palabasin sa mga talata ay ihambing muna nating ang salin sa teksto ni David. Nang sa gayo’y maalaman ninyo kung ang teksto baga’y nanatili sa orihinal niyang kalagayan, na walang anomang nabago sa pagkakasalin.


HEB 3 :
7  Gaya nga ng sinabi ng Espiritu Santo,
Ngayon kung MARINIG ninyo 
        ang kaniyang tinig,

8   Huwag ninyong papagmatigasin 
           ang inyong mga puso, na gaya 
           ng sa PAMUMUNGKAHI,
Gaya ng araw ng PAGTUKSO sa ilang,

9 Na doon ako tinukso ng inyong 
           mga magulang SA PAGSUBOK 
           SA AKIN,
        At apat na pung taon na 
           nangakita ang aking 
  mga gawa,

10   DAHIL DITO'Y NAGALIT AKO 
           SA LAHING ITO,
At aking sinabi,
LAGING SILA'Y nangagkakamali 
           sa kanilang puso:
Nguni’t hindi nila nangakilala 
           ang aking mga daan;

11   Ano pa’t aking isinumpa sa aking 
            kagalitan,
Sila’y hindi magsisipasok sa 
            aking kapahingahan.


AWIT 95 :
7  Sapagka’t siya’y ating Dios, 
  At TAYO'Y BAYAN NG KANIYANG
     PASTULAN, at mga TUPA
     NG KANIYANG KAMAY.
  Ngayon, kung inyong DIDINGGIN 
       ang kaniyang tinig.

8  Huwag ninyong papagmatigasin
       ang inyong puso, gaya ng MERIBA,

    Gaya ng KAARAWAN NG MASA sa ilang:

9  Nang tuksuhin ako ng inyong mga
       magulang.
    TINIKMAN AKO, at nakita ang gawa ko.  
10  Apat na pung taong NAMANGLAW AKO 
        SA LAHING YAON,
     At aking sinabi, Bayan na nagkakamali 
        sa kaniyang puso.
     At hindi nakakalam ng aking mga
        daan:

11  Kaya’t ako’y sumumpa sa aking
        poot,
    Na sila’y hindi magsisipasok sa
       aking kapahingahan.

Sa Awit 95:7 ay maliwanag na ang pinatutungkulan ng Awit ni David ay ang mga tupa (anak ng pagsunod), na isang payo at paalaala sa kanila. Sila ang lahi ni Abraham, Isaac, at Jacob (Israel) na siyang dumain sa Ama nating nasa langit. Gaya ng nasusulat,

EXO 2 :
23  ... sila’y dumaing at ang kanilang daing ay umabot sa Dios dahil sa pagkaalipin.

24  At dininig ng Dios ang kanilang hibik, at naalaala ng Dios ang tipan kay Abraham, kay Isaac, at kay Jacob (Israel).

25  At nilingap ng Dios ang mga anak ni Israel, at sila’y kinilala ng Dios.

BIL 20 :
16  At nang kami ay dumaing sa Panginoon ay dininig niya ang aming tinig, at nagsugo siya ng isang anghel, at inilabas kami sa Egipto: ...

Tungkol sa kanila’y gayon ding sinabi,

Isa 45 :
25  Sa panginoon ay aariing ga-  nap ang boong lahi ng Israel, at luluwalhati.

AWIT 79 :
13 Sa gayo’y kaming iyong bayan at mga tupa sa pastulan mo, Mangagpapasalamat sa iyo magpakailan man: Aming ipakikilala ang iyong kapurihan sa lahat ng mga lahi.

Hinggil naman sa mga tupa ay sinabi,

EZE 34 :
31 At kayong mga tupa ko (anak ni Israel), na mga TUPA SA AKING PASTULAN ay mga TAO, at ako’y inyong Dios, sabi ng Panginoong Dios.

MATEO 25:
32  At ilalagay niya ang mga TUPA sa kaniyang KANAN, datapuwa’t sa KALIWA ang mga KAMBING.

33  Kung magkagayo’y sasabihin ng Hari sa nangasa kaniyang kanan, Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan.

Napakaliwanag kung gayon na ang mga anak ng pagsuway (kambing) na kabilang sa mga anak ng pagsunod (tupa) ang tanging naging sanhi ng pamamanglaw ng Dios na apat na pung taon (40) taon. Ano pa’t katotohanan na nararapat tanggapin ng lahat na tanging mga anak ng pagsuway (kambing) lamang ang sinalita ng Dios na hindi kailan man papasok sa kaniyang kapahingahan.  












No comments:

Post a Comment