Sunday, April 29, 2012

Chapter 3 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 4 of 6)

Hinggil naman sa mga tupa ay sinabi,

EZE 34 :
31 At kayong mga tupa ko (anak ni Israel), na mga TUPA SA AKING PASTULAN ay mga TAO, at ako’y inyong Dios, sabi ng Panginoong Dios.

MATEO 25:
32  At ilalagay niya ang mga TUPA sa kaniyang KANAN, datapuwa’t sa KALIWA ang mga KAMBING.

33  Kung magkagayo’y sasabihin ng Hari sa nangasa kaniyang kanan, Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan.

Napakaliwanag kung gayon na ang mga anak ng pagsuway (kambing) na kabilang sa mga anak ng pagsunod (tupa) ang tanging naging sanhi ng pamamanglaw ng Dios na apat na pung taon (40) taon. Ano pa’t katotohanan na nararapat tanggapin ng lahat na tanging mga anak ng pagsuway (kambing) lamang ang hindi kailan man papasok sa Kaniyang kapahingahan. Ang lahing ito sa makatuwid ang nasumpungan ng Dios na mga walang pananampalataya sa Kaniya, na sinasabi,
BIL 14 :
11  At sinabi ng Panginoon kay Moises, Hanggang kailan hahamakin ako ng bayang ito? at hanggang kailan hindi sila mananampalataya sa akin, sa lahat ng mga tanda na aking ginawa sa kanila?

Palibhasa nga’y sumailalim sa pagkaalipin ang mga nabanggit na tupa (labingdalawang angkan ni Israel) sa loob halos ng  apat na raan at tatlongpung (430) taon,  na walang nakilalang pastor ay nangahawa sila sa sampung (10) karumaldumal ng mga Egipcio.

Kaya’t nang sila’y ilabas ng Egipto ay hindi naging madali sa kanila na tanggapin ang panibagong estilo ng buhay na pinaglagyan sa kanila ng Dios. Na may mga kautusan, palatuntunan, at kahatulan na magpapalaya sa kanila ng lubos mula sa karumaldumal na kalagayang inihawa sa kanila ng mga Egipcio sa loob ng hindi mahikling mga panahon.

Ano pa’t ang sa kanila’y nasumpungan sa kawalan ng pananampalataya sa Dios ay isinumpa Niya na hindi magsisipasok sa Kaniyang kapahingahan. Dahil dito’y tinamo nila ang kaukulang kahatulan mula sa kaniya at silang mga suwail at manghihimagsik (anak ng pagsuway) sa kapanahunang yao’y sinakmal ng kamatayan at nangalipol na lahat.

Sila nga kung gayon ang kinatuparan nitong sumpa, na hindi magsisipasok sa kaniyang kapahingahan (Awit 95:10-11). Sa gayo’y wala isa man sa kanila (anak ng pagsuway) na nakarating at nagsipasok sa “lupang pangako” na tatahanan ng mga anak ng pagsunod.

Kaugnay nito, ang hindi maikakailang katotohanan sa usaping ito’y may malaking bilang sa kabuoan ng mga anak ni Israel na nagsipasok sa kapahingahan ng Dios. Ano pa’t kung lilinawin ay yaong kapahingahan nila sa apat na pung taong (4) paglalakbay sa palibot-libot ng gitnang silangan (middle east). Yaon nga’y ang pagsapit at pagpasok sa lupang ipinangako ng Dios (pastulan ng kawan) na tatahanan ng mga anak ng pagsunod (tupa).

Sa makatuwid ay napakaliwanag na sinasabi sa Awit 95:10-11, na ang kinatuparan ng sumpa ay walang iba, kundi ang mga kambing (anak ng pagsuway) lamang. Samantalang ang mga tupa (anak ng pagsunod) ay natamo ang kaganapan ng mga pangako na sa kanila ay ipinangako ng kaisaisang Dios. Ang isa nga sa mga yaon ay ang sinasabing kapahingahan ng mga tupa sa pastulan ng Dios.

Sa kabuoan ng mga lahing nangagsilabas ng Egipto ay nangalabi ang karamihan na nangagsitalikod sa sampung (10) karumaldumal ng mga Egipcio, na kung iisaisahin ay ayon sa mga sumusunod,


ANG SAMPUNG (10) KARUMALDUMAL NG MGA EGIPCIO.
(Gawain ng mga anak ng pagsuway)

1. Ang pagkakaroon ng ibang mga dios.


2. Ang pagsamba sa mga likhang larawan (idulo/rebulto) ng mga diosdiosan.


3. Ang pagbanggit sa pangalan ng Dios sa walang kapararakan.


4. Ang pagpapawalang kabuluhan sa mga kapanahunan ng Sabbath.


5. Ang paglapastangan sa Ama at Ina.


6. Ang pagpaslang (pagpatay) ng kapuwa.


7. Ang pangangalunya (pakikiapid).


8. Ang pagnanakaw.


9. Ang pagsaksi ng kasinungalingan laban sa kapuwa.


10. Ang pagiimbot sa anomang pagaari ng kapuwa.

Sapagka’t sila’y nagsitupad sa mga kautusan na sa kanila’y nagpalaya ng lubos sa gayong karumaldumal na kalagayan. Kaya’t sila ang mga anak ni Israel na kinilala at inaring ganap ng Dios bilang bayan niya at mga tupa (anak ng pagsunod) ng kaniyang pastulan.

Na sinasabi,

ISA 45 :
25  Sa panginoon ay aariing ganap ang boong lahi ng Israel, at luluwalhati.

AWIT 79 :
13 Sa gayo’y kaming iyong bayan at mga tupa sa pastulan mo, Mangagpapasalamat sa iyo magpakailan man: Aming ipakikilala ang iyong kapurihan sa lahat ng mga lahi.

Ano pa’t kung ang boong kalahian ni Israel na noong una’y inialis ng Dios sa pagkaalipin nitong Paraon ng Egipto ay katotohanang walang nagsipasok sa kapahingahan ng Dios isa man. Paano ngang ipinamana niya sa mga labi ang boong lupain ng Palestino. Na ang nasasakupang lupain nito’y hinatihati ng Dios sa labingdalawang (12) anak ni Israel. Na lupaing sadya niyang inilaan sa kaniyang mga tupa (anak ng pagsunod) bilang kaukulang pastulan, at bayan ng mga inari niyang ganap.

Hinggil dito, kung sa loob ng apat na pung (4) taon ay nagpagalagala sa mga ilang ng gitnang silangan ang nabanggit na lahi, at sa panahong yao’y nilipol ng Dios silang nagsipanatili sa nabanggit na mga karumaldumal. Sa katapustapusan ay ipinamana sa mga nangalabi ang boong lupain ng Palestino, at doo’y lubos silang kinalinga ng Dios sa pamamgitan ng pagkakaloob sa kanila ng kaniyang mga hari, mga saserdote, at mga propeta.

Ngayon nga’y sabihin nyo sa amin kung kabilang silang mga labi ng Israel na nagsipagmana ng boong lupain sa mga hindi nangakapasok sa kapahingahan ng Dios. O, sila (anak ng pagsuway) na sa daan pa lamang ay nilipol na, sapagka’t talastas niyang sila’y hindi karaptdapat na magmana ng anoman mula sa  kaniya. Sa gayo’y hindi na nga niya inibig na sila’y makarating pa sa nabanggit na lupain, kundi yaong mga labi ng Israel lamang na kinasumpungan niya ng kaniyang kaluguran.

Sa makatuwid ay napakaliwanag na sa kapanahunang yao’y nangalipol ang mga mapanghimagsik sa kautusan ng Dios. Samantalang nangaligtas, nagsipagmana ng lupain, at nagsipasok sa kaniyang kapahingahan silang may galak sa pusong nangagsilipat sa estilo ng buhay, na may anyong lumalarawan sa katotohanan, ilaw, pagibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at buhay na walang hanggan. Sa makatuwid baga’y yaong mga gawa ng kautusan na kalakip ang pananampalataya sa kaisaisang Dios na nasa langit.

Sa gayo’y katotohanan na kailan ma’y hindi naging inutil ang kautusan ng Dios sa dakilang layunin nito. Bagkus, sa kapanahunan ni Moises, ni Aaron, ng mga hari, ng mga propeta, ni Jesus, at ng mga tunay na apostol ay gayong pinagtitibay at pinaiigting ang ganap na kahalagahan nito sa kaligtasan at katubusan ng kaninoman sa kalupaan.

Dahil dito, kung sa sampung katao sa kabuoan ng sangbahayan ay nahuli at napatunayan sa sala ng pagnanakaw ang isa sa kanila. Ito nga’ y hindi nangangahulugang gayon din na mga magnanakaw ang siyam (9) pang kasama niya sa sangbahayang yaon.

Kung gayon ay kahangalang sabihin na sa mga anak ni Israel ay wala isa mang nagsipasok sa kapahingahan ng Dios, sapagka’t kung ang marami man sa kanila’y nasumpungang suwail ay gayon din namang marami ang nagsitalima sa tangi niyang kalooban. Kaya nga sa kabuoan nila’y may bahagi na siya’y nilipol at mayroon ding bahagi na nagtamo ng ganap na pagpapala mula sa kaniya.

Sa talata 12 hanggang 15 ay pinagiingat ng may akda ang mga kapatid sa iglesia ng mga Gentil, na baka may napasama sa kanilang taglay ang pusong masama na walang pananampalataya kay Jesus (Dios na buhay), na naghihiwalay sa kaniya sarili sa nabanggit na Dios.

Ayon pa’y nararapat na sila’y magpangaralan araw-araw sa isa’t isa, sapagka’t baka sakaling papagmatigasin ang kanilang puso, at sila’y mangalinlang nitong daya ng kasalanan. Sila nga aniya’y nagiging bahagi ng Cristo, kung iingatang matibay ang pasimula ng kanilang pagkakatiwala kay Jesus hanggang sa katapusan.

Dagdag pa’y ginawang patibayang aral ng pagmamatuwid na ito ang kalahati ng mga salitang nasasad sa Awit 95:7.

Tungkol sa sinasabing simulang pagkakatiwala nila kay Jesus, na sa pamamagitan nito di umano’y naging bahagi niya sila, at kung anu-ano ang pinagbatayan ng kanilang pagkakatiwala ay nararapat ngang sa inyo’y mahayag sa maliwanag. Nang sa gayo’y mapagunawa ninyo, kung ang pagkakatiwala baga nilang yao’y bagay na sinasangayunan ng katotohanan o hindi. Naging bahagi nga kaya sila ng Cristo o nangasumpungang mga anti-Cristo?

Sa gayo’y sinayasatin nyo nga ang matuwid hinggil sa usaping ito mula sa mga sumusunod talata.


KAUTUSAN
EvangElio ng kaharian
(Mula sa bibig ng Cristo)

MATEO 5 :
17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

18  Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang TULDOK o isang KUDLIT, sa anomang paraan ay HINDI MAWAWALA SA KAUTUSAN, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

MATEO 19 :
17  At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa mabuti? May isa, na siyang mabuti: datapuwa’t kung ibig mong pumasok sa buhay, INGATAN MO ANG MGA UTOS.

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.


KAUTUSAN
Evangelio ng di-pagtutuli
(Mula sa bibig ng anti-cristo)

ROMA 3 :
20  Sapagka’t sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay WALANG LAMAN na aariing-ganap sa paningin niya; sapagka’t sa pamamagitan ng KAUTUSAN AY ANG PAGKILALA NG KASALANAN.

ROMA 4 :
15  Sapagka’t ang kautusan ay gumagawa ng galit; datapuwa’t KUNG SAAN WALANG KAUTUSAN AY WALA RING PAGSALANGSANG.

ROMA 7 :
6  Datapuwa’t ngayon tayo’y nangaligtas sa kautusan, yamang tayo’y nangamatay doon sa nakatatali sa atin, ano pa’t NAGSISIPAGLINGKOD NA TAYO SA PANIBAGONG ESPIRITU, at hindi sa karatihan ng sulat.

GAL 5 :
18  Datapuwa’t kung kayo’y pinapatnubayan ng Espiritu, ay WALA KAYO SA ILALIM NG KAUTUSAN.

Sa mga pinaghambing na mga talata sa itaas ay maliwanag na makikitang ganap na sinasalungat nitong evangelio ng di-pagtutuli ang katuwiran ng kautusan na nasasaad sa evangelio ng kaharian. Bagay na nagpapahayag ng paghihimagsik sa tinig at salita ng Espiritu nitong ating Ama na nangagsilabas mula sa bibig nitong si Jesus.

Sa gayon nga’y maliwanag na walang anomang kabuluhan kay Pablo ang mga salita ng Dios na nagpapaigting at nagpapatibay sa mga kautusan, bilang sandigan ng kaligtasan at katubusan ng sinoman.


PANANAMPALATAYA
EvangElio ng kaharian
(Mula sa bibig ng Cristo)

MATEO 23 :
23  At inyong pinababayaang di ginagawa ang LALONG MAHAHALAGANG BAGAY NG KAUTUSAN, Na dili iba’t  ang Katarungan, at ang Pagkahabag, at ang PANANAMPALATAYA: datapuwa’t dapat sana ninyong gawin ang mga ito, at huwag pinababayaang di gina- gawa yaong iba.

SANT 2 :
14  Anong pakikinabangin, mga kapatid ko, kung sinasabi ng sinoman na siya’y may PANANAMPALATAYA, nguni’t WALANG MGA GAWA? makapagliligtas baga sa kaniya ang pananampalatayang iyan?

17  Gayon din naman ang PANANAMPALATAYA NA WALANG MGA GAWA, ay patay sa kaniyang sarili.

18  Oo, sasabihin ng isang tao, Ikaw ay mayroong PANANAMPALATAYA, at ako’y mayroong mga GAWA: ipakita mo sa akin ang iyong PANANAMPALATAYANG HIWALAY SA MGA GAWA (Kauutusan), at ako sa pamamagitan ng aking mga GAWA ay ipakita sa iyo ang aking PANANAMPALATAYA.


PANANAMPALATAYA 

Evangelio ng di-pagtutuli
(Mula sa bibig ng anti-cristo)

GAL 2 :
16 Bagama’t naaalaman na ang tao ay hindi inaaring ganap sa mga gawang AYON SA KAUTUSAN, maliban na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, tayo rin ay nagsisampalataya kay Cristo Jesus, upang tayo’y ariing ganap sa pamamagitan ng pananampa- lataya kay Cristo, at HINDI DAHIL SA MGA GAWANG AYON SA KAUTUSAN: sapagka’t sa mga gawang ayon sa kautusan ay HINDI AARIING GANAP ANG SINOMAN.

GAWA 13 :
39  At sa pamamagitan niya ang bawa’t nananampalataya ay inaaring ganap sa lahat ng mga bagay, na sa mga ito’y HINDI KAYO AARIING GANAP sa pamamagitan ng KAUTUSAN NI MOISES.

GAL 3 :
11  Maliwanag nga na sinoman ay hindi inaaring-ganap sa KAUTUSAN sa harapan ng Dios; sapagka’t ang GANAP AY MABUBUHAY SA PANANAMPALATAYA.


Sa evangelio ng kaharian ay ang mga gawa ng kautusan na kalakip ang pananampalataya. Datapuwa’t ang unang anyo ng pananampalataya sa evangelio ng di-pagtutuli ay ang “pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan.”

Bagay na maging ang katuwiran ng mga salitang isinatinig ni Jesus ay niwalang kabuluhan nitong si Pablo sa usaping ito. Sa gayon nga’y mapapagunawa kung papaano pinipilipit ng taong ito ang matuwid na sinasangayunang lubos nitong katotohanan ng Espiritu ng Dios na nasa kalooban ni Jesus.
















No comments:

Post a Comment