Tuesday, May 1, 2012

Chapter 3 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 2 of 6)


Sapagka’t sa Apocalipsis ni Apostol Juan ay kaniyang binabanggit ang tungkol sa anyo ng Bayang Banal ng Dios na tumutukoy sa Bagong Jerusalem, na siyang kaluwalhatian ng langit.  Dito ay makikitang may ganap na kahalagahan ang bilang na LABINGDALAWA (12) sa ganap na kaayusang itinalaga ng kaisaisang Dios doon. 

Hinggil dito ay narito ang katotohanang kaniyang naitala sa kasulatang yaon.

APO 21:
12  Na may isang malaki at mataas na kuta; na may LABINGDALAWANG PINTUAN, at sa mga pintuan ay LABINGDALAWANG ANGHEL; ay may mga pangalang nakasulat sa mga yaon, na siyang LABINGDALAWANG ANGKAN ng mga anak ng Israel. Sa silanganan ay may tatlong pintuan, at sa hilagaan ay may tatlong pintuan, at sa timugan ay may tatlong pintuan, at sa kalunuran ay may tatlong pintuan.
Sa mga ginawa ng kaisaisang Dios sa langit ay hindi nagkaroon ng kaganapan kung hindi sa kahustuhan ng bilang na labingdalawa na hindi kailan man nagkaroon ng kapintasan.  Sapagka’t ang bilang na iyon ay sadya niyang itinalaga, upang ang Perpektong Kaayusan ay kaniyang masumpungan sa kaluwalhatiang nilalayon ng Dakila at Masiglang Proseso ng paglikha.  

Gayon din naman sa bilang ng mga tunay na Apostol ng Cordero, ay ginawa niyang sapat upang gawing alagad ang lahat ng mga bansa sa kalupaan.  Na siyang tanging bilang na makapagbibigay kaganapan sa kaayusan sa lupa na tulad ng sa langit.  Kaya’t nang ang kahustuhang ito ay magkulang sa pamamagitan ng pagkamatay ni Judas Escariote ay hinalinhan siya kaagad ni Matias, upang ang kapintasan ay di patuloy na umiral.

Gayon din namang ang labingdalawa ay mga naging PINTUAN na tulad ni Jesucristo.  Sapagka’t bago niya tuluyang lisanin ang sanglibutan ay sinabi ng Espiritu ng Dios na siya’y sasa kanila hanggang sa katapusan ng panahon.  At ang Espiritung ito’y ang tunay na pintuan ng mga tupa na siyang nagsalita mula sa bibig ni Jesus. 

Kung gayon, nang siya’y namahay sa kalooban ng lagingdalawa’y maliwanag na ang dati’y isang pintuan lamang na na kay Jesus, ay naging labingdalawa na, at maliwanag din na kung ang pintuan ng langit ay labingdalawa, ay katotohanang ang mga tunay na Apostol ang ganap na kumakatawan sa mga pintuang yaon.  Kaya’t yaong ipinangangaral nilang nalalapit na kaharian ng langit noong sila’y utusan sa mga nangaliligaw na tupa sa sangbahayan ni Israel ay katotohanang naganap na, sa pamamagitan ng mga tunay na Apostol.  
Noon pa man kung gayon sa kanilang kapanahunan ay katotohanang bumaba na ang Kaharian ng Langit at kumalat sa boong kalupaan.  Nang dahil nga sa sila ang labingdalawang pintuan, na ang sinomang pumasok sa kanila’y tunay ngang nakapasok sa kaharian ng langit.

Kaya nga ang bilang na ito’y hindi maaaring madagdagan kahi man isa o mabawasan kahi man isa, sapagka’t labingdalawa nga lamang ang itinalagang pintuan ng langit na kinakatawan ng labingdalawang (12) bilang ng mga apostol sa kalupaang ito. Na katagang kapag winika ang salitang apostol ay tumutukoy sa bilang na labingdalawa lamang, at katawagang kumakatawan sa mga pintuan ng langit.

Ano pa’t sa mga hangal na usapan ay maaari ngang sila’y madagdagan at dumami ng pagkadamidami, nguni’t sa usapang banal ay labingdalawa nga lamang ang kahustuhan ng bilang na tutugon sa layunin, gaya ng nasusulat,

JUAN  20 :
21  Sinabi ngang muli sa kanila ni Jesus, Kapayapaan ang sumainyo: KUNG PAANONG PAGKASUGO SA AKIN NG AMA, AY GAYON DIN NAMAN SINUSUGO KO KAYO.

22  At nang masabi niya ito, SILA’Y HININGAHAN NIYA, at sa kanila’y sinabi, TANGGAPIN NINYO ANG ESPIRITU SANTO.

MATEO 28 :
19  Dahil dito MAGSIYAON NGA KAYO, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y INYONG BAUTISMUHAN SA PANGALAN NG AMA NG ANAK AT NG ESPIRITU SANTO.

20  Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo; at narito, AKO’Y SUMASA INYONG PALAGI, HANGGANG SA KATAPUSAN NG SANGLIBUTAN.

Kung ito ngang si Jesus ay isa sa mga apostol ay paano nangyari na siya’y hindi nakasama sa kanila na ipinangalat sa layuning gawing alagad ang lahat ng mga bansa. Ano’t yaong Espiritu lamang ng Dios na nasa kaniya ang sa kanila’y lumakip, samantalang siya’y naiwan sa rehiyon ng Galilea sa pagalis ng labingdalawa. 

Gayon din itong si Pablo, kung siya nga’y kabilang sa mga tunay na apostol ay bakit nga hindi siya ibinilang sa layunin ng labingdalawa? Sino nga kung gayon sa mga tunay na apostol ang nagpahayag ng patotoo hinggil sa banal na kalagayang inilalapat niya sa kaniyang sarili? Nguni’t kaniyang sinabi,

GAL 2 :
6  Datapuwa’t ang mga wari’y may dangal ng kaunti (maging anoman sila, ay walang anoman sa akin: ang Dios ay hindi tumatanggap ng anyo ninoman) – silang may DANGAL (12 apostol), sinasabi ko, ay HINDI NAGBAHAGI SA AKIN NG ANOMAN.

Kung siya nga’y hindi nila (apostol) nabahaginan ng anoman (evangelio ng kaharian) ay paano nga na siya’y naging gaya nilang apostol? Gayon nga rin si Jesus, kung siya’y gaya nga nila ay bakit imbis na labingtatlo ang isugo sa sanglibutan ay labingdalawa lamang ang bilang na pinaganap sa layunin?

Sa pagiging di umano’y dakilang saserdote nitong si Jesus ay siyasatin nga natin ang mga nilalaman ng kasulatan ng mga tunay na banal, at nang sa gayo’y maalaman ninyo kung siya baga’y lalapat sa gayong kalagayan. Hinggil sa usaping ito ay sinabi,

MAL 2 :
6  Ang KAUTUSAN tungkol sa KATOTOHANAN ay nasa kaniyang bibig, at ang KALIKUAN ay hindi masusumpungan sa kaniyang mga labi: siya’y lumakad na kasama ko sa KAPAYAPAAN at KATUWIRAN, at inilayo sa KASAMAAN ang marami.

7  Sapagka’t ang mga labi ng saserdote ay dapat mangagingat ng KAALAMAN, At kanilang marapat hanapin ang KAUTUSAN sa kaniyang bibig, sapagka’t siya ang SUGO ng Panginoon ng mga Hukbo.

DEUT 33 :
10  Sila’y magtuturo sa Jacob (Israel) ng iyong mga kahatulan. At ng iyong mga kautusan, sa Israel: Sila’y maglalagay ng kamangyan sa harap mo, At ng boong handog na susunugin sa ibabaw  ng iyong dambana.

LEV 10 :
11  At upang inyong maituro sa mga anak ni Israel ang lahat ng palatuntunang sa kanila’y sinalita ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises. 

Ang kalagayang saserdote na sugo ng kaisaisang Dios ay ganap na lumalapat kay Jesus, at tungkol sa katunayan sa gayon niyang kalagayan ay kaniyang sinabi,

MATEO 5 :
17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

18  Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang TULDOK o isang KUDLIT, sa anomang paraan ay HINDI MAWAWALA SA KAUTUSAN, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

MATEO 19 :
17  At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa mabuti? May isa, na siyang mabuti: datapuwa’t kung ibig mong pumasok sa buhay, INGATAN MO ANG MGA UTOS.

MATEO 22 :
37  At sinabi sa kaniya, IIBIGIN MO ANG PANGINOON MONG DIOS NG BOONG PUSO MO, AT NG BOONG KALULUWA MO, AT NG BOONG PAGIISIP MO. (Deut 6:5)
38  Ito ang DAKILA AT PANGUNANG UTOS.

39  At ang PANGALAWANG KATULAD ay ito, IIBIGIN MO ANG IYONG KAPUWA NA GAYA NG IYONG SARILI. (Lev 19:18, Mat19:19)

40  SA DALAWANG UTOS NA ITO’Y NAUUWI ANG BOONG KAUTUSAN, AT ANG MGA PROPETA.

MATEO 23 :
23  At inyong pinababayaang di ginagawa ang LALONG MAHAHALAGANG BAGAY NG KAUTUSAN, Na dili iba’t ang Katarungan, at ang Pagkahabag, at ang PANANAMPALATAYA: datapuwa’t dapat sana ninyong gawin ang mga ito, at huwag pinababayaang di ginagawa yaong iba.

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

Marahil ay sukat na ang mga inilahad naming katunayan sa itaas, upang itong si Jesus ay ganap na lumapat sa kalagayan ng isang saserdote ng Dios, gaya ng iginigiit na katuwiran ng may akda nitong sulat, “Sa mga Hebreo.” Nguni’t ipinapapansin lamang namin sa inyo na ang kalagayang ito ni Jesus ay maliwanag na tumutukoy sa pagiging isang saserdote, na  tagapagtanggol ng mga kautusan ng pagibig sa Dios at ng mga kautusan ng pagibig sa kapuwa. Na sa biglang salita’y masasabing serdote ng kautusan.

Bagay na siya nating gagawing patibayang aral pagdating sa usapin na may kinalaman sa pagiging isang dakilang saserdote ng kautusan, alinsunod sa ipinahahayag na katotohanan nitong evangelio ng kaharian. Nang sa gayo’y masupil ang alin mang pagtatangka sa paglalapat ng iba at hidwang kalagayan kay Jesus. Sapagka’t hindi lingid sa inyong kaalaman na ang pangulo ng mga Gentil (Pablo) ay hindi kakaunting ulit na nilapatan si Jesus ng iba’t ibang kalagayan na kailan may hindi sinangayunan ng katotohanan.

Sa pangalawang (2) usapin ay sinasabing higit na nagtamo itong si Jesus ng karangalan kay sa kay Moises. Hinggil dito ay pakaunawain nga lamang ninyo ang ilang bagay na aming tatanglawan ng ilaw, at pagkatapos ay kayo ang magpasiya kung sino sa dalawa ang nagkamit na higit na karangalan mula sa kaisa-isang Dios.

Ang gawaing Moises ay tumutukoy sa pagpapalaya sa pagkaalipin nitong boong sangbahayan ni Israel sa Paraon ng Egipto. Ang unang pagpapalaya nga’y nang ilabas sila sa nabanggit na bansa, upang manahan sa lupaing ipinamana sa kanila ng Dios.  

Sa kapanahunang yaon bagaman sila’y nailabas sa bansang yaon ay taglay pa ng marami sa kanila ang sampung (10) karumaldumal ng mga Egipcio, at dahil dito’y ninais ng ating Ama na sila’y palayain sa pagkaalipin ng sampung karumaldumal. Kaya’t sa pangalawang pagkakataon ay pinalaya sila mula sa mga yaon sa pamamagitan ng pagkakaloob ng sampung (10) kautusan, mga palatuntunan, at mga kahatulan. 

Dahil dito, itong si Moises ay kinasangkapan ng Ama sa pagpapalaya sa mga anak ni Israel ng dalawang (2) ulit. Sa gayo’y nakisama siya sa kanila ng lubhang mahabang panahon at sa huli ay hinalinhan siya ng kapatid niyang si Aaron.

Samantalang ang gawaing Cristo ay ukol lamang sa paglikom nitong ilang nangawaglit na tupa sa sangbahayan ni Israel. Kabilang dito ang pagbabangon sa labingdalawang (12) apostol sa layuning isugo sa boong kalupaan. Itinataya na ang panahong ipinakisama ni Jesus sa sangbahayan ni Israel ay mga tatlong (3) taon lamang, at sa huli nga’y ipinako sa krus ng mga tampalasan ang taong ito at namatay sa gayong kaawaawang kalagayan.

Ngayo’y iniiwan namin sa inyo ang pagpapasiya alinsunod sa gawa ng bawa’t isa, at kayo ang magsabi kung sino sa kanila ang higit na karapatdapat sa karangalan ng lalong kaluwalhatian.

Sa pangatlong (3) usapin ay minamatuwid na higit na may karangalan kay sa bahay ang nagtayo ng bahay. Na kung bibigyan ng kaukulang kahulugan ay sinasabing higit na may karangalan kay sa iglesia, siyang nagtayo ng iglesia. Sapagka’t ang bawa’t bahay ay may nagtayo, datapuwa’t sa talata ay binibigyang diin na ang nagtatag ng lahat ng mga bagay ay ang Dios, sa makatuwid baga’y kabilang sa mga itinatag ng Dios ang iglesia ng mga Gentil?

Hinggil sa usaping ito’y nalalaman natin na ang minamatuwid nitong si Pablo ay si Jesus ang siyang nagtayo o nagtatag nitong iglesia ng mga Gentil. Dahil dito ay lumalabas na higit na may karangalan kay sa iglesia ang nagtayo nito na di umano ay si Jesus. Ano pa’t kung ang lahat ng mga bagay ay Dios ang nagtatag, sa makatuwid baga’y pinalalabas sa talata na si Jesus ay Dios?

Sa gayo’y hingan nga nating ng pahayag ang taong si Pablo hinggil sa bagay na ipinahihiwatig ng may akda nitong sulat sa mga Hebreo.

1 TIM 6 :
14  Na tuparin mo ang utos, na walang dungis, walang kapintasan hanggan sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesucristo:

15  Na sa kaniyang kapanahunan ay ipahahayag siya, na mapalad at tanging Makapangyarihan. Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon;

16   Na siya lamang ang walang kamatayan, na nananahan sa liwanag na di malapitan; na di nakita ng sinomang tao, o makikita man: suma kaniya nawa ang kapurihan at paghaharing walang hanggan Siya nawa.

TITO 2 :
13  Na hintayin yaong mapalad na pagasa at ang pagpapakita ng kaluwalhatian ng ating dakilang Dios at Tagapagligtas na si Jesucristo;


5  Na sa kanila ang mga magulang, at sa kanila mula ang CRISTO ayon sa laman, na siyang LALO SA LAHAT, DIOS NA MALUWALHATI MAGPAKAILAN MAN, Siya nawa.

EFE 2 :
19  Kaya nga hindi na kayo mga taga ibang lupa at mga manglalakbay, kundi kayo’y mga kababayan na kasama ng mga banal, at sangbahayan (iglesia) ng Dios.
20  Na mga itinatayo sa ibabaw ng kinasasaligan ng mga apostol at ng mga propeta (iglesia), na si Cristo Jesus din ang pangulong bato sa panulok;

COL 1 :
18  At siya (Cristo) ang ULO NG KATAWAN, sa makatuwid baga’y ng IGLESIA na siya ang pasimula, ANG PANGANAY NG MGA PATAY (sa kautusan);  upang sa lahat ng mga bagay, ay magkaroon siya ng kadakilaan.

ROMA 16 :
16  Magsipagbatian kayo ng banal na halik, Binabati kayo ng lahat ng mga IGLESIA NI CRISTO.

Mula sa maliwanag na pahayag nitong si Pablo ay binibigyan niya ng diin, na si Jesus ay isang tunay na Dios at siyang nagtayo nitong iglesia ng mga Gentil. Nguni’t kung si Jesus sa kaniyang sarili ang ating tatanungin ay sasangayunan naman kaya niya ang kalagayang Dios na inilalapat ng taong ito sa kaniyang sarili. Katotohanan din kaya na si Jesus ang nagtayo ng nabanggit na iglesia?













No comments:

Post a Comment