Monday, May 14, 2012

Chapter 4 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 4 of 4)


Gayon ngang ang Cristo ay naparoon sa sangbahayan ni Israel sa katauhan ni Jesus, ayon sa layuning nabanggit sa itaas. Na gaya ng ibang banal na nabuhay sa sangbahayang yaon ay kinilala ng mga anak ni Israel sa kalagayang propeta. 

Palibhasa’y pinamamahayan at pinaghaharian nitong Espiritu ng Dios sa kanikanilang kalooban. Kung paano nga ang mga tupa (anak ng pagsunod) ay kinalinga ng Espritung yaon sa pamamagitan ng mga propeta ay gayon din naman ang kaniyang ginawa sa pamamagitan ni Jesus. 

Gaya ng nasusulat,


DEUT 18 :
18  Aking palilitawin sa kanila ang isang propeta sa gitna ng kanilang mga kapatid, na gaya mo; at AKING ILALAGAY ANG AKING MGA SALITA SA BIBIG NIYA, at KANIYANG SASALITAIN SA KANILA ANG LAHAT NG AKING IUUTOS SA KANIYA. (Amos 3:7)

EXO 29 :
45  At ako’y tatahan sa gitna ng mga anak ni Israel, at ako’y magiging kanilang Dios.

EZE 36 :
27  At AKING ILALAGAY ANG  AKING ESPIRITU SA LOOB NINYO, at palakarin kayo ng ayon sa aking mga PALATUNTUNAN, at inyong iingatan ang aking mga KAHATULAN, at ISASAGAWA.

MAL 2 :
6  Ang KAUTUSAN tungkol sa KATOTOHANAN ay nasa kaniyang bibig, at ang KALIKUAN ay hindi masusumpungan sa kaniyang mga labi: siya’y lumakad na kasama ko sa KAPAYAPAAN at KATUWIRAN, at inilayo sa KASAMAAN ang marami.

7  Sapagka’t ang mga labi ng saserdote ay dapat mangagingat ng KAALAMAN, At kanilang marapat hanapin ang KAUTUSAN sa kaniyang bibig, sapagka’t siya ang SUGO ng Panginoon ng mga Hukbo.

Ang kalagayan ngang yaon ni Jesus ay binigyan niya ng diin, nang kaniyang sabihing,
JUAN 5 :
30  HINDI AKO MAKAGAGAWA NG ANOMAN SA AKING SARILI: humahatol ako ayon sa aking narinig: at ang paghatol ko’y matuwid; sapagka’t hindi ko pinaghahanap ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban niyaong nagsugo sa akin.  

31 Kung ako’y nagpapatotoo sa aking sarili. ANG PATOTOO KO AY HINDI KATOTOHANAN.


JUAN 12 :
49  Sapagka’t AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN.

JUAN 14 :
10  Hindi ka baga nananampalataya na ako’y nasa Ama, at ang Ama ay nasa akin? ANG MGA SALITANG AKING SINASABI SA INYO’Y HINDI KO SINASALITA SA AKING SARILI: kundi ang (Espiritu ng) AMA na tumatahan sa akin ay gumagawa ng kaniyang mga gawa.

Sa gayo’y sapat na ang mga salitang yaon upang ang mga anak ni Israel ay makilala si Jesus sa kalagayan ng isang propeta, sapagka’t itong si Samuel ay gaya niya na nagsabi,


2 SAM 23 :
2 Ang Espiritu ng Panginoon ay nagsalita sa pamamagitan ko, At ang kaniyang salita ay suma aking dila.

Dahil dito ay nagtumibay sa paninidigan ng mga anak ni Israel ang tunay na kalagayan nitong si Jesus na sa harap nila’y nagpamalas ng maraming tanda. Kaya’t sila’y nagsipagusapan gaya ng nasusulat,


MATEO 21 :
11  At sinabi ng mga karamihan, Ito’y ang propeta, Jesus, na taga Nazaret ng Galilea.

MATEO 21 :
46  At nang sila’y nagsisihanap ng paraang siya’y mahuli, ay nangatakot sila sa karamihan, sapagka’t ipinalalagay nito na siya’y propeta.

JUAN 6 :
14  Kaya nang makita ng mga tao ang tandang ginawa niya, ay kanilang sinabi, Totoong ito nga ang propeta na paririto sa sanglibutan.


JUAN 7 :
40  Ang ilan nga sa karamihan, nang marinig ang mga salitang ito, ay nangagsabi, Tunay na ito ang propeta.


Si Jesus sa kalagayan ng isang propeta o sa dakilang saserdote man ay isa lamang ang katotohanang nagtutumibay. Na siya’y kinasangkapan nitong Espiritu ng Dios sa dalisay at banal niyang layunin, na tumutukoy sa mga ligaw na tupa nitong sangbahayan ni Israel.

Maliban doon ay wala ng anomang kalagayan pang maaaring ilapat sa kaniyang pagkatao. Sapagka’t ito’y ikatitisod na ng sinomang lalabis at maglalapat ng ibang kalagayan na kailan ma’y hindi maaaring sangayunan ng katotohanan.

Kaya maipasisiyang isang kahangalan na nagpapahayag ng ganap na kamangmangan, na ituring si Jesus na isang bagong Dios na tagapagligtas ng kaluluwa at manunubos ng sala. Sapagka’t ang kaisaisang Dios lamang ang may ganap na kapamahalaan at kapangyarihang gawin ang gayong mga bagay, at maliban sa kaniya’y wala ng iba, palibhasa nga’y kaniyang sinabi,


ISA 49 :
25  At aking pakakanin silang nagsisipighati sa iyo ng kanilang sariling laman: at sila’y mangalalango ng kanilang sariling dugo, na gaya ng matamis na alak: at MAKIKILALA NG LAHAT NG TAO, na akong Panginoon ay iyong TAGAPAGLIGTAS, at iyong MANUNUBOS, na MAKAPANGYARIHAN NG JACOB.

ISA 44 :
6  Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Hari ng Israel, at ng kaniyang MANUNUBOS, na Panginoon ng mga Hukbo, AKO ANG UNA, AT AKO ANG HULI; at LIBAN SA AKIN AY WALANG DIOS.

ISA 45 :
21 .... WALANG DIOS LIBAN SA AKIN, isang GANAP NA DIOS at TAGAPAGLIGTAS; WALANG IBA LIBAN SA AKIN.

22  Kayo’y magsitingin sa akin at kayo’y mangaligtas, lahat na taga wakas ng lupa: sapagka’t AKO’Y DIOS, at WALANG IBA LIBAN SA AKIN.


Sa pagtatapos ng kabanata ay sinabi sa talata 16 na magsilapit ng may lubos na tiwala sa kaniya (Jesus) na luklukan ng biyaya sa ikapagtatamo ng awa, at makasumpong ng biyaya na makatutulong sa kanila sa oras ng pangangailangan.

Katotohanan nga na nang si Jesus ay nasa sangbahayan pa ni Israel ay pinamamahayan at pinaghaharian siya nitong Espiritu ng Dios. Na siyang nagkakaloob ng kaawaan at biyaya sa mga ligaw na tupa na kaniyang tanging pakay sa sangbahayang nabanggit. Sa makatuwid nga’y luklukan ng Dios o luklukan ng biyaya itong si Jesus sa kapanahunang yaon.

Ano pa’t sa kaganapan ng layunin sa Israel ay lumakip naman ang nabanggit na Espiritu sa kalooban at kabuoan ng labingdalawang (12) apostol, na sinasabi,


MATEO 15 :
24  Datapuwa’t siya’y sumagot at sinabi, HINDI AKO SINUGO KUNDI SA MGA TUPANG NANGALIGAW SA BAHAY NI ISRAEL.

JUAN 17 :
6  Ipinahayag ko ang iyong pangalan sa mga TAO (tupa) na ibinigay mo sa akin mula sa sanglibutan: (Mat 18:20) sila’y iyo, at sila’y ibinigay mo sa akin; at TINUPAD NILA ANG IYONG SALITA. (Mat 15:24)

JUAN 17 :
26  At ipinakilala ko sa kanila ang iyong pangalan, at ipinakilala ko; upang ang pagibig na sa akin ay iniibig mo ay mapasa kanila, at ako’y sa kanila. (Mat 15:24)

JUAN 19 :
30  Nang matanggap nga ni Jesus ang suka, ay sinabi niya, NAGANAP NA: at iniyukayok ang kaniyang ulo, at nalagot ang kaniyang hininga.

Nang siya’y magbalik mula sa mga patay ay kaniyang sinabi,


JUAN 20 :
21  Sinabi ngang muli sa kanila ni Jesus, Kapayapaan ang sumainyo: KUNG PAANONG PAGKASUGO SA AKIN NG AMA, AY GAYON DIN NAMAN SINUSUGO KO KAYO.

22  At nang masabi niya ito, sila’y HININGAHAN niya, at sa kanila’y sinabi, TANGGAPIN NINYO ANG ESPIRITU SANTO.


MATEO 28 :
19  Dahil dito’y magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong alagad ang lahat ng mga bansa, na sila’y inyong BAUTISMUHAN sa PANGALAN NG AMA AT NG ANAK AT NG ESPIRITU SANTO. (Mat 3:11),(Isa 11:12), (Isa 56:8).

20  Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo, at narito, AKO’Y (Espiritu ng Dios) SUMASA INYONG PALAGI, HANGGANG SA KATAPUSAN NG SANGLIBUTAN.


Napakaliwanag kung gayon na nang tanggapin ng labingdalawang (12) apostol ang Espiritu ng Dios sa kanikanilang kalooban ay sila sa makatuwid ang mga naging luklukan ng biyaya sa kapanahunang yaon. Datapuwa’t sa kaganapan nitong layunin ng nabanggit na Espiritu sa sangbahayan ni Israel ay natapos na nga rin ang kaniyang gawain sa pamamagitan ni Jesus.

Ano pa’t ang naging buhay ni Jesus matapos ang gawaing yao’y hindi na nabanggit pa sa kasulatan ng mga tunay na banal. Sa gayo’y hindi na nga mahalaga na malaman pa, kung ano ang tinahak na buhay sa kalupaan nitong si Jesus pagkatapos noon.

Nguni’t ang may katiyakan ay umuwi sa lupa ang katawan niyang pisikal, at umiwi sa kaluwalhatian ng langit ang kaniyang kaluluwa at espiritu ng buhay, upang tamuhin ang walang hanggang buhay kasama ng mga tunay na banal sa dakong kanan ng ating Ama.

Tayo na ngang magsilapit sa kaisaisang Dios na ating Ama, sa pamamagitan ng patalima sa kaniyang mga kautusan na kalakip ang lubos nating pananampalataya sa kaniya. Siya na lumuluklok sa kalooban at kabuoan ng mga nasusumpungan niyang may kasipagan sa larangan ng tunay na kabanalan. Siya na nagkakaloob ng kaawaan sa libolibong umiibig sa kaniya at tumutupad ng kaniyang mga utos ay nagsabi,


EXO 20 :
6  At pinagpapakitaan ko ng KAAWAAN ang libolibong UMIIBIG SA AKIN at TUMUTUPAD NG AKING MGA UTOS.

EXO 32 :
33  At sinabi ng Panginoon (Ama) kay Moises, ANG MAGKAKASALA LABAN SA AKIN AY SIYA KONG AALISIN SA AKING AKLAT.

Sa pagtatapos ng kabanatang ito’y naguumapaw ang galak sa aming puso, nang dahil sa inyo’y nahayag sa maliwanag ang mga bagay na may ganap na kinalaman sa kaligtasan ng kaluluwa at katubusan ng sala. Sa gayo’y pananampalataya sa kaisaisang dios at gawa na lamang ng kautusan ang kailangan sa ikapagtatamo ng mga bagay na yaon.







Manatili nawa kayo sa katuwiran ng ating Ama na sa ngayo’y natatanim sa inyong kalooban, gaya ng mabuting puno na sa kapanahunan ay nagluluwal ng mabubuting bunga, at kasusumpungan ng binhi nitong katotohanan, ilaw, pagibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at buhay na walang hanggang.

Tamasahin ninyo kung gayon ang mga biyayang yaon, ngayon, ngayon, at magpakailang man.










No comments:

Post a Comment