Kaugnay ng iniwanan nating usapin sa nakaraang kabanata ay minamatuwid sa talata 1 at 2, na mayroon di umanong dakilang saserdote ang mga Hebreo at mga Gentil, na nakaupo sa kanan ng luklukan ng karangalan sa langit. Siya’y ministro sa santuario, at sa tunay na tabernakulo na itinayo ng Panginoong Dios hindi sa mga tao.
Sa mga ito’y ibinangon ng may akda ang ilang usapin na tumutukoy sa mga sumusunod,
1. Dakilang saserdote magpakailan man ng sanglibutan.
2. Literal na pagkaunawa sa simbulo ng kanan ng Dios.
3. Ang santuario at ministro nito.
4. Ang tabernakulo ng Dios.
Hinggil sa unang usapin na tumutukoy sa di umano’y dakilang saserdote magpakailan man na nagngangalang Jesus. Gaya ng aming itinanglaw na liwanag sa kabanata 5 ay ganito ang babasa.
Sa Heb 5: 5-6 ay binanggit itong si Jesus sa kalagayan ng dakilang saserdote rin naman, na hindi nagmapuri sa kaniyang sarili, kundi yaong sa kaniya di umano ay nagsabi, “Ikaw ay aking Anak. Ikaw ay aking naging anak ngayon:” at “Ikaw ay saserdote magpakailan man, Ayon sa pagkasaserdote ni Mequisedec.”
Sa gayo’y pinalalabas ng may akda, na itong si Jesus sa kalagayang dakilang saserdote ay higit sa mga karaniwang dakilang saserdote ng Israel, sapagka’t siya’y tinawag di umano at itinalaga ng Dios na maging saserdote magpakailan man na gaya ni Melquisedec. Samantalang sila’y hindi tinamo ang gayong pagtatangi, palibhasa’y mga inihalal lamang ng pamunuan nitong relihiyon ng mga Israelita.
Hinggil sa minamatuwid nitong may akda sa kalagayan ni Jesus ay mariin naming tinututulan, ayon sa mga sumusunod na kadahilanan,
Walang anomang kasulatan na makapagpapatotoo na sinabi ng Dios kay Jesus ang mga sumusunod na salita.
A. Ikaw ay aking Anak. Ikaw ay aking naging anak ngayon: (Awit 1:7)
B. Ikaw ay saserdote magpakailan man, Ayon sa pagkasaserdote ni Mequisedec.
Ang mga salitang inihayag namin sa letrang “A” (Awit 1:7) ay napakaliwanag na sinalita ng Dios kay David na isa sa pinahiran ng Panginoon, at sa gayo’y walang anomang mababasa sa lahat ng kasulatan na ang mga salitang yao’y sinambitla ng Dios kay Jesus sa kaniyang kapanahunan.
Tungkol naman sa pahayag na nasa letrang “B” (Awit 110:1-4) ay pakaunawai nyo nga kung ano ang katuwiran ng Dios na ipinahahayag ng Awit.
Na sinasabi,
Awit 110 :
1 Sabi ng Panginoon sa aking panginoon, Umupo ka sa aking kanan, Hanggang sa aking gawing tungtungan mo ang iyong mga kaaway.
2 Pararatingin ng Panginoon ang setro ng iyong kalakasan mula sa Sion; Magpuno ka sa gitna ng iyong mga kaaway.
3 Ang bayan mo’y naghahandog na kusa, Sa kaarawan ng iyong kapangyarihan, sa kagandahan ng kabanalan: Mula sa bukang liwayway ng umaga, Ikaw ay may hamog ng iyong kabinataan,
4 Sumumpa ang Panginoon, at hindi magsisisi, Ikaw ay saserdote magpakailan man, Ayon sa pagkasaserdote ni Melchisedech.