Maliwanag na pinalabas ng may akda sa nakaraang kabanata (3), na ang boong kalahian ng mga anak ni Israel na nangagsilabas sa Egipto ay hindi nakapasok sa kapahingahan ng Dios. Ito’y sa di umano’y kawalan nila ng pananampalataya sa Dios, na nagtulak sa lahing yaon upang maghimagsik sa kaniyang mga kautusan, mga palatuntunan, at mga kahatulang tinamo ni Moises mula sa Kaniya.
Sa gayo’y naihanda na ang kaisipan ng marami sa pananaw na yaon, upang magtumibay sa kanilang kaisipan ang mga bagay na kailan ma’y hindi sinangayunan ng katotohanan. Sapagka’t sa kabanatang ito’y naihanda na rin ang bagong katuruan (evangelio ng di pagtutuli), na kahit saang banda o angulo mo sipatin ay hindi masumpungan ang katuwiran (evangelio ng kaharian) na binigiyang diin mismo ng Dios mula sa bibig ng kaniyang mga tunay na banal.
Kaugnay nito, sa talata 1 hanggang 3 ay sinasabing may naiwan sa bagong henerasyon ng mga anak ni Israel na pangako ng pagpasok sa kapahingahan ng Dios. Sapagka’t gaya ng kanilang mga magulang ay nagsitanggap din naman sila ng mabubuting balita. Datapuwa’t ito’y naging walang kabuluhan sa kanila, dahil sa umano’y kawalan nila ng pananampalataya.
Dahil dito ay isinumpa sila ng Dios, na sila’y hindi magsisipasok sa kaniyang kapahingahan. Sa kabilang dako, palibhasa umano’y nagsitindig ang nabanggit na henerasyon sa pananampalataya ay nagsisipasok sila sa kapahingahang yaon.