Monday, October 22, 2012

Kabanata 6 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 2 of 4)


Sa talata 4 hanggang 6 ay sinasabing ang mga minsang naliwanagan at nakalasap ng mga kaloob ng kalangitan (salita ng Dios), at ang nakabahagi sa Espiritu Santo, na nahiwalay sa Dios ay hindi maaaring baguhin silang muli ng kanilang pagsisisi. Sa gayo’y tila baga ipinapako nilang muli sa ganang kanilang sarili ang Anak ng Dios (Jesus), at inilalagay na muli siya sa hayag na kahihiyan.

Kaugnay nito, sa mga nakabahagi sa Espiritu ng Dios o ng Espiritu Santo ay sinasabi,




Silang nabahaginan ng Espiritu ng Dios (Espiritu Santo)

EZE 36 :
27  At AKING ILALAGAY ANG  AKING ESPIRITU SA LOOB NINYO, at palakarin kayo ng ayon sa aking mga PALATUNTUNAN (kautusan), at inyong iingatan ang aking mga KAHATULAN, at ISASAGAWA.

EZE 37 :
28  At malalaman ng mga bansa na ako ang Panginoon na nagpapabanal sa Israel, pagka ang aking SANTUARIO (sisidlang hirang) ay mapapasa gitna nila magpakailan man.
MAL 2 :
6  Ang KAUTUSAN tungkol sa KATOTOHANAN ay nasa kaniyang bibig, at ang KALIKUAN ay hindi masusumpungan sa kaniyang mga labi: siya’y lumakad na kasama ko sa KAPAYAPAAN at KATUWIRAN, at inilayo sa KASAMAAN ang marami.

2 SAM 23 :
2 Ang Espiritu ng Panginoon ay nagsalita sa pamamagitan ko, At ang kaniyang salita ay suma aking dila.

JUAN 12 :
49  Sapagka’t AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang  AMA (Espiritu) na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN.

Sa mga katuwiran na aming inilahad sa inyo’y maliwanag na ang sinomang pamahayan at pagharian sa kaniyang kalooban nitong Espiritu ng Dios (Espiritu Santo) ay hindi na maaarig mahiwalay pa sa Dios. Sapagka’t siya’y gaya na lamang ng isang alipin na sumasailalim sa ganap na kapamahalaan ng isang Panginoon (Dios), at gaya ng mga tupa na nagkakatipon sa isang kulungan na nalilibot ng mataas na kuta. 
Ang sinoman kung gayo’y hindi maaaring agawin ang isa man sa mga tupa na nangaroroon, upang siya’y ihiwalay sa nabanggit na kawan. Datapuwa’t silang nangasa labas ng kulungan ay mga hiwalay sa Dios at hindi kailan man sinabi na sila’y wala ng pagasa pa na lumakip sa Kaniya

Gayong hindi rin naman sinabi na ang masama ay hindi na maaaring bumuti pa. Sapagka’t ang kalooban ng Dios (kautusan) ay gaya ng mga pagkain na nahahain sa dulang, na ang sinoman sa lahat ng sandali ay maaaring kumain sa kabusugan ng kaniyang kaluluwa.

Gaya nga ng nasusulat ay lubhang malapit at magaan ito, upang maganap na may kaginhawahan ng sinoman na nabubuhay sa kalupaan, 


Ang utos ng Dios ay hindi mabigat at yao’y totoong malapit sa sinoman 

DEUT 30 : 
10  Kung iyong susundin ang tinig ng Panginoon mong Dios, upang tuparin mo ang kaniyang mga palatuntunan na nasusulat sa AKLAT na ito ng KAUTUSAN. Kung ikaw ay MANUNUMBALIK sa Panginoon mong Dios ng iyong boong puso, at ng iyong boong kaluluwa.

11  Sapagka’t ang UTOS na ito na aking iniutos sa iyo sa araw na ito, ay HINDI TOTOONG MABIGAT sa iyo, ni MALAYO. (1 Juan 5:3)
12  Wala sa langit, upang huwag mong sabihin, SINONG SASAMPA SA LANGIT PARA SA ATIN, at MAGDADALA niyaon sa atin, at MAGPARINIG sa atin, upang ating MAGAWA.

13  Ni wala sa dako roon ng dagat, upang huwag mong sabihin, SINO ANG DARAAN SA DAGAT PARA SA ATIN, at MAGDADALA niyaon sa atin, at MAGPAPARINIG sa atin, upang ating MAGAWA.

14  KUNDI ANG SALITA AY TOTOONG MALAPIT SA IYO, SA IYONG BIBIG, at sa iyong PUSO, upang iyong MAGAWA.

EZE 18 :
21  Nguni’t kung ang MASAMA ay humiwalay sa kaniyang lahat na kasalanan na kaniyang nagawa, at ingatan ang lahat na aking mga PALATUNTUNAN, at gumawa ng TAPAT at MATUWID, siya’y hindi mamamatay.

22  Wala sa kaniyang mga pagsalangsang na nagawa niya na aalalahanin laban sa kaniya: sa kaniyang KATUWIRAN na kaniyang ginawa ay mabubuhay siya.

ISA 43 :
25  Ako, ako nga ay siyang pumapawi ng iyong mga pagsalangsang alang-alang sa akin; at hindi ko aalalahanin ang iyong mga kasalanan.

Sa pagbibigay linaw sa talata 4 hanggang 6 ay pagsisisi lamang sa mga kasalanan ang tanging hinihintay ng Ama sa lahat ng kaniyang mga anak. Ang kasunod nito kung gayo’y yaong pagbabalik loob sa kaniya, na may pagtalima sa kaniyang mga kautusan ng pagibig at mga palatuntunan. 

Datapuwa’t silang binahaginan niya ng kaniyang Espiritu ay hindi na nga maaaring pang maagaw ng sinoman upang muli ay mahiwalay sa Dios, at ito’y alinsunod sa mga kadahilanan na amin ng nailahad sa nakaraang pahina.

Sa kabilang dako, sila namang may matibay na paninindigan sa mga karumaldumal na tradisyon ng mga Romanong pagano ay nananatili sa gayong kalagayan hanggang sa lisanin ng buhay ang kanilang katawan sa kalupaan. Sa sandali nga na tamuhin na nila ang kamatayan ng katawan ay wala na ngang pagasa pang mabago ng kanilang pagsisisi ang kanilang sarili.

Sapagka’t sila’y kaagad na haharap sa husgado ng Dios, at sa gawing kaliwa nga lamang ng Dios ang kanilang kalalaglagan. Na dakong sadyang inilaan sa mga nagsipaghimagsik sa Dios, na kung liliwanagin ay ang diyablo (Pablo) at ang masusugid niyang mga kampon (iglesia ng mga Gentil).

Sila ang sa kalupaan ay mga taong pumighati at nagsipaslang sa mga propeta ng Dios, na mga tampalasang nagpako kay Jesus sa krus at naglagay sa kaniya sa lubhang kahiyahiyang kalagayan. Gayon nga rin sa panahong ito, na ang mga Gentil ay tila baga muling ginagawa ang gayon kay Jesus, sapagka’t sila ang sa ngayo’y naghihimagsik ng lubos sa mga salitang nangagsilabas mula sa kaniyang bibig (pahina 140-143). 

Sa gayo’y inilalagay nila sa kahiyahiyang kalagayan si Jesus, sa pamamagitan ng hayagang pagpapawalang kabuluhan sa mga isinatinig niyang salita ng Dios. Sapagka’t siya’y ginawa nilang isang sinungaling at pinalabas sa kaisipan ng marami, na sila ang nagsasaysay ng katiwatiwalang mga salita sa larangan ng tunay na kabanalan.

Sa talata 7 at 8 ay isinasaad ang isang talinghaga tungkol sa lupang nagtatamo ng masaganang ulan mula sa Dios, na sinaka dahil sa ito’y tinubuan ng damong napapakinabangan. Datapuwa’t kung ang mga yaon ay kinasusumpungan ng mga tinik at dawag ay itinatakuwil at isinusumpa upang sa kapanahunan ay sunugin.

Ayon sa kasaysayan ay mayroon ngang magsasaka na nagtatanim ng mabubuting binhi sa mga bukirun. Datapuwa’t ang mapanirang damo ay gayon ding tumutubo na kasama ng mabubuting pananim, at sa panahon ng pagaani ay nililikom na lahat ang mabubuting bunga at inilalagay sa kamalig na pagaari ng magsasaka. Samantalang ang mga mapanirang damo ay gayon din namang titipunin at sinusunog sa kawalan nito ng kapakinabangan.

Ang mapanirang damo ay yaong kalipunan na nasumpungan ng Dios sa kalagayan ng mga anak ng pagsuway (kambing). Datapuwa’t ang mabubuting pananim na mula sa mabubuting binhi ay inihasik sa lupain ng magsasaka (Dios), at sila ang kumakatawan sa mga anak ng pagsunod (tupa). Na sa panahon ng pagaani ay tinitipon at inilalagay niya sa kamalig (kulungan ng kawan). Na sinasabi,

MATEO 25:
31  At titipunin sa harap niya ang lahat ng mga bansa: at sila’y pagbubukdinbukdin niya na gaya ng pagbubukodbukod ng PASTOR sa mga TUPA  at sa mga KAMBING;

32  At ilalagay niya ang mga TUPA sa kaniyang KANAN, datapuwa’t sa KALIWA ang mga KAMBING.

MATEO 25 :
41  Kung magkagayo’y sasabihin naman niya sa mga nasa KALIWA, Magsilayo kayo sa akin, kayong mga sinumpa, at pasa apoy na walang hanggan na inihanda sa diablo at sa kaniyang mga anghel: 


Na sa pahina 140 hanggang 143 inihahayag sa maliwanag ang larawan na nagpapakita ng dalawang (2) kaanyuan. Sa makatuwid baga’y ang kahayagan ng mga anak ng pagsunod (tupa) at ng mga anak ng pagsuway (kambing). Sapagka’t sa mga pahinang nabanggit ay masusumpungan ang evangelio ng kaharian na mga salita nitong Espiritu ng Dios na isinatinig ni Jesus sa kaniyang kapanahunan. Ano pa’t yao’y mga banal na katuruang may galak sa pusong isinasabuhay ng mga anak ng pagsunod (tupa). 

Taliwas dito, ang evangelio ng di pagtutuli, na kung saa’y pumapaloob ang mga doktrinang pangrelihiyon na ganap ang paghihimagsik sa boong nilalaman ng una (evangelio ng kaharian). Na noon at hanggang sa panahon nating ito’y may tibay na tinitindigan ng mga anak ng pagsuway (kambing).

Dahil dito ay maliwanag ninyong napagunawa na ang mga mapanirang damo sa kalipunan ng mabubuting pananim ay tinitipon sa kapanahunan upang ihagis sa apoy. Sa makatuwid baga’y ang mga nagsitangkilik sa evangelio ng di pagtutuli  ang ganap na lumalapat sa mga matitinik na mapanirang damo, na lumilkha ng dawag sa bukirin, upang inisin at padanasin ng hindi kakaunting kapighatian ang mabubuting pananim.

Gayon ngang napakaliwanag na makikita sa pinagagapay na mga talata sa  pahina 140 hanggang 143, na ang aral ng pagsunod (evangelio ng kaharian) ay niwawalang kabuluhan nitong mga aral ng pagsuway (evangelio ng di pagtutuli). Yao’y sa layuning sirain ang mga pananim ng Dios (tupa) sa kalakhan ng buong lupain na tinatahanan nating lahat.

Ang damo kung gayo’y lubhang kaiba sa mabubuting binhi na inihasik ng Dios sa kaniyang bukirin. Kaya’t maliwanag na ang tanim lamang ng Dios na mabuting binhi ang aanihin at ilalabay niya sa kaniyang kaban. Datapuwa’t ang mga damo (Heb 6:7) sa anomang kaurian na mapasama sa mabuting pananim ng Dios ay titipunin sa kapanahunan at ihahagis na lahat sa apoy upang sunugin.

Hinggil sa talata 9 at 10 ay katotohanan nga na ang Dios ay hindi liko upang limutin sila na nagpamalas sa kaniya ng maluwalhating pagtalima sa mga kautusan niya ng pagibig. Datapuwa’t ang isang hindi maaaring sangayunan ng katotohanan sa talata 9 ay ang sinasabing paglilingkod sa mga banal. Sapagka’t ang mga nangasa gayong kalagayan ay maliwanag na alipin ng Dios. 

Gaya rin naman tayo na nararapat magpaalipin sa kalooban ng Ama (Dios) nating nasa langit. Dahil dito’y iisa nga lamang ang ating Panginoon na marapat pagukulan ng ganap na paglilingkod, at siya’y walang iba kundi ang ating Ama.

Kaya’t ayon sa kaniyang katuwiran ay isang kahangalan na ang alipin ay magpaalipin pa sa kapuwa niya alipin. Ano pa’t sa kaisaisang Panginoon nating lahat ay ikintal ninyo sa inyong mga kaisipan, na sa kaniya lamang nauukol ang anomang paglilingkod ng sinoman. Samantalang sa mga banal ay ang pakikinig at pagtalima lamang sa mga salita ng Dios na isinasating ng kanilang bibig.

Kung sa kalagayan nilang yao’y lalabis pa ang gagawin ninyong pakikitungo ay matitisod na nga kayo, at dahil dito’y nagiging mga hangal at hibang sa paningin ng Dios kayong nangagsisigawa ng gayon. Gaya ng marami ay naging gayon sa paningin ng Dios, nang sa kabila nitong kalagayan ni Jesus bilang isang tunay na tao ay lapatan nila ng kalagayang Dios. Yaon nga ay sukat upang siya’y kilalaning Dios na totoo at sinamba alinsunod sa hidwang kalagayan na inilapat nila sa kaniya.

Kaya nga noon at hanggang sa ngayon ay mahihirapang bilangin ang sa tingin ng ating Ama ay mga naging hangal at hibang, sapagka’t nagsipaglingkod sila sa kapuwa nila alipin (Jesus), sa pagaakalang siya na ang bagong Dios na tagapagligtas ng kaluluwa at manunubos ng sala nitong sanglibutan. Na siyang tanging ibinubunga nitong pagpapasalilalim sa mga aral ng pagsuway na nilalaman nitong evangelio ng di pagtutuli.

Datapuwa’t tungkol sa mga nagsisiibig sa ating Ama, sa pamamagitan ng pagtupad sa kaniyang mga kautusan ay sinabi,

EXO 20 :
6  At pinagpapakitaan ko ng KAAWAAN ang libolibong UMIIBIG SA AKIN at TUMUTUPAD NG AKING MGA UTOS.

EZE 18 :
22  Wala sa kaniyang mga pagsalangsang na nagawa niya na aalalahanin laban sa kaniya: sa kaniyang KATUWIRAN na kaniyang ginawa ay mabubuhay siya.

O, hindi baga napakaliwanag na yaon ang kapatawaran at katubusan ng mga kasalananan? Na mga gawa sa ikabubuhay at hindi sa ikamamatay ng kanino mang kaluluwa. Sa makatuwid nga kung gayo’y katuwiran ang umibig sa kaisaisang Dios at sumunod sa lahat niyang mga utos.

Narito, at sa talata 11 at 12 ay ikinakamada na ng may akda ang tungkol sa pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan. Na ang lahat aniya’y ninanasa nila na magpakita ng paglilingkod sa mga banal, sa ikalulubos nitong pagasa ng pananampalataya hanggang sa katapusan. Na silang mga Hebreo aniya ay huwag maging mga tamad, kundi maging taga tupad na gaya ng mga nasa pananampalataya, at sa pamamagitan ng pagtitiis ay magsisipagmana nitong mga pangako.

Sa gayo’y silipin nga muna natin ang uri ng pananampalataya na isinusulong nitong si Pablo, ni Lucas, at ng may akda ng sulat sa mga Hebreo. Nang sa gayo’y mapagunawa ninyo kung ito baga’y sinasangayunan ng totohanan, na siyang tanging katuwiran ng kaisaisang Dios. Hinggil nga dito ay sinabi,

GAL 2 :
16 Bagama’t naaalaman na ang tao ay hindi inaaring ganap sa mga gawang AYON SA KAUTUSAN, maliban na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, tayo rin ay nagsisampalataya kay Cristo Jesus, upang tayo’y ariing ganap sa pamamagitan ng pananam- palataya kay Cristo, at HINDI DAHIL SA MGA GAWANG AYON SA KAUTUSAN: sapagka’t sa mga gawang ayon sa kautusan ay HINDI AARIING GANAP ANG SINOMANG LAMAN.

GAWA 13 :
39  At sa pamamagitan niya ang bawa’t nananampalataya ay inaaring ganap sa lahat ng mga bagay, na sa mga ito’y HINDI KAYO AARIING GANAP SA PAMAMAGITAN NG KAUTUSAN NI MOISES. (1 Hari 2:3-4)

HEB 7 :
18  Sapagka’t NAPAPAWI ANG UNANG UTOS dahil sa kaniyang KAHINAAN at KAWALAN NG KAPAKINABANGAN.

19  (Sapagka’t ang KAUTUSAN AY WALANG ANOMANG PINASASAKDAL), at may pagpa- pasok ng isang pagasang lalong magaling (pananampalataya), na sa pamamagitan nito’y nagsisilapit tayo sa Dios.

Maliwanag alinsunod sa mga salitang inihayag namin sa itaas ang uri ng pananampalataya na ipinahihiwatig sa talata. Na kung lilinawin ay ang pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan ng Dios. 

Kung gayo’y napakaliwanag na kabaligtaran ito sa uri ng pananampalataya na itinuturo nitong Espiritu ng Dios na nasa kay Jesus, na sinasabi,

MATEO 23 :
23  ... At inyong pinababayaang di ginagawa ang LALONG MAHAHALAGANG BAGAY NG KAUTUSAN, Na dili iba’t ang Katarungan, at ang Pagkahabag, at ang PANANAMPALATAYA: datapuwa’t dapat sana ninyong gawin ang mga ito, at huwag pinababayaang di ginagawa yaong iba.

Dito’y sapat ang tanglaw upang mapagunawa na ang kautusan ay taglay ang tatlong (3) mahahalagang bagay, na ang mga ito’y yaong pagkahabag, katarungan, at ang pananampalataya. Sa makatuwid nga’y hindi kailan man nawala ang mga yaon sa kautusan. 

Gaya ng mga bahagi ng katawang lupa na hindi maaaring papaghiwalayin na mabubuhay sa kaniyang sarili ang bahagi na inalis sa katawan. Sa gayo’y patay ito, kung ihihiwalay o hindi ilalakip sa mga gawa ng kautusan. Sa makatuwid kung gayo’y napakaliwanag na patay ang pamamanpalataya na isinusulong nitong si Pablo, ni Lucas, at ang may akda nitong sulat sa mga Hebreo. 

Sa gayo’y hindi nga magmamana ng mga mabubuting pangako nitong ating Ama ang sinomang gaganap sa gayong uri ng karumaldumal na pananampalataya, palibhasa’y may pagtatakuwil sa mga nabanggit na kautusan ng Dios.


No comments:

Post a Comment