Sa kabanata (5) namang ito’y tampok ang pagbibigay diin sa pagiging umano’y dakilang saserdote ni Jesus, na siyang gumawa ng walang hanggang kaligtasan sa lahat ng nagsisitalima sa kaniyang mga aral. Sa gayo’y pinangalanan siya ng Dios na dakilang saserdote ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec.
Gayon ding binibigyang diin ng may akda, na ang mga Hebreo ay hindi na nga mga bata (sanggol) pa na nangangailangan ng pagkaing gatas, upang manatili sa mga simulaing aral ng Dios (Jesuscristo). Sapagka’t sila’y husto na sa gulang upang kumain ng matitigas na pagkain.
Sa makatuwid baga’y yaong mga katuruan (evangelio ng di pagtutuli) na umano’y may kinalaman sa katuwiran, na higit ang pakinabang kay sa nabanggit na panimulang aral ng sanglibutan patungkol sa Dios.
Hinggil dito, sa talata 1 hanggang 4 ay binibigyang diin ng gawa nitong mga dakilang saserdote ng mga Hebreo (anak ni Israel). Na sa kanilang panunungkulan ay ginagawa ang mga bagay na nauukol sa Dios at mga tao, sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mga handog at mga hain patungkol sa mga kasalanan ng bayan at ng kaniyang sarili.
Na makapagtitiis na may kaamuan sa mga di nakakaalam at sa mga nangagkakamali. Sinoman nga sa kanila ayon sa may akda ay hindi nagtatamo ng anomang karangalan, malibang siya’y tinawag ng Dios gaya ni Aaron.