Sunday, June 3, 2012

Chapter 5 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 2 of 2)


JUAN 19 :
30  Nang matanggap nga ni Jesus ang suka, ay sinabi niya, NAGANAP NA: at iniyukayok ang kaniyang ulo, at nalagot ang kaniyang hininga.


Si Jesus nga kung gayo’y namatay sa krus at hindi gaya ng isinasaad sa talata na siya’y nakaligtas sa kamatayang iniamba sa kaniya ng mga tampalasan. Sa pagpapatuloy ay sinabing itong si Jesus ay nanalangin at dumaing sa Dios na may kapangyarihang magligtas sa kaniya sa tiyak na kamatayan. Sa gayo’y may pahiwatig naman dito na siya’y hindi Dios, kundi gaya ng karaniwang tao na umaasa lamang ng kaligtasan sa Dios.

Bagay na sumasalungat sa isinaad ng may akda sa kabanata 1, na kung iaagapay sa talata 7 ay hindi mahirap makita ang mabigat na salungatan.

HEB 5 :
7  Na siya (Jesus) sa mga araw ng kaniyang laman ay naghandog ng mga panalangin at mga daing na sumisigaw ng malakas at lumuluha doon sa may kapangya- rihang makapAgligtas sa kaniya sa kamatayan, at siya’y dininig dahil sa kaniyang banal na takot,

HEB 1 :
3  Palibhasa’y siyang sinag ng kaniyang kaluwalhatian, at tunay na LARAWAN NG KANIYANG (Cristo) PAGKA DIOS, at umaalalay ng lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng salita ng kaniyang kapangyarihan, nang ang PAGLILINIS NG MGA KASALANAN, ay LUMUKLOK SA KANAN NG KARANGALAN SA KAITAASAN.

Nang ang nasasaad sa Heb 1:3 ay bigyang diin ni Pablo sa kaniyang mga sulat ay nagtumibay sa kaisipan ng marami, na itong si Jesus ay Dios ngang totoo sa likas na kalagayan, na sinasabi,
1 TIM 6 :
15  Na sa kaniyang (Jesus) kapanahunan ay ipahahayag siya, na mapalad at tanging Makapangyarihan. Hari ng mga hari, at Panginoon ng mga panginoon;
16   Na siya lamang ang walang kamatayan, na nananahan sa liwanag na di malapitan; na di nakita ng sinomang tao, o makikita man: sumakaniya nawa ang kapurihan at paghaharing walang hanggan Siya nawa.

ROMA 9:
5  Na sa kanila ang mga magulang, at sa kanila mula ang CRISTO ayon sa laman, na siyang LALO SA LAHAT, DIOS NA MALUWAL- HATI MAGPAKAILAN MAN, Siya nawa.

Kung itong si Jesus ay lalo sa lahat ng Dios na maluwalhati ay maliwanag na binibigyang diin sa Roma 9:5 na siya ang pinakamakapangyarihang Dios sa kalipunan ng mga Dios.  Ano pa’t ang nasasaad sa Heb 5:7 ay ganap na tinututulan ni Pablo, na isang matibay na katibayan sa mga nakukubling salungatan ng aral sa evangelio ng di pagtutuli.

Datapuwa’t ang katotohanang binibigyang diin mismo ni Jesus sa likas niyang kalagayan ay hindi isang Dios, kundi siya’y isang taong banal na pinamamahayan at pinaghaharian nitong Espiritu ng Dios sa kaniyang kalooban. Na ang pahayag niyang ito’y kabilang sa mabubuting balita na nilalaman nitong evangelio ng kaharian.

Sa talata 9 (Heb 5:9) ay minamatuwid na si Jesus ay pinapaging sakdal ng Dios, at kasunod nito ay siya na mismo sa kaniyang sarili ang gumawa ng di umano’y walang hanggang kaligtasan sa lahat ng nagsisitalima sa kaniyang mga salita. 
Sa gayo’y lumabas na pinapaging banal ng Dios itong si Jesus, at saka siya’y isunugo sa sanglibutan. Sa makatuwid kung gayo’y maliwanag na ang may akda nito’y hayagang namumusong sa Dios, sapagka’t sinabi,

JUAN 10 :
36  Sinabi baga ninyo tungkol sa kaniya (Jesus), na pinabanal ng Ama at sinugo sa sanglibutan, Ikaw ay namumusong; sapagka’t sinasabi ko, Ako ang Anak ng Dios?

37  Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking Ama, ay huwag ninyo akong sampalatayanan.

Si Jesus nga’y katotohanang hindi pinapaging banal ng Ama, kundi ang kabanalan niyang natamo sa kaniyang sarili ay sa pamamagitan ng maluwalhati niyang pagtalima sa mga kautusan at mga palatuntunan, na siyang boong katungkulang nararapat ganapin ng lahat sa kalupaan. 

Na sinasabi,

MATEO 5 :
17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

ECL 12 :
13  Ito ang wakas ng bagay; lahat ay NARINIG: IKAW AY MATAKOT SA DIOS, at SUNDIN MO ANG KANIYANG MGA UTOS; sapagka’t ITO ANG BOONG KATUNGKULAN NG TAO.

Kung nais nyo ngang huwag makapamusong sa gayong kaparaanan ay tindigan ninyo na ang tao ay nagiging banal sa pamamagitan ng sariling pagtalima sa mga kautusan ng pagibig (Dios at kapuwa). Ano pa’t sa kaisaisang Dios ay ang nagkakaloob ng walang hanggang kaligtasan sa lahat ng masusumpungan niyang maluwalhating nagsasabuhay ng kaniyang mga kautusan (Juan 12:50).

Datapuwa’t kung sasabihin ninyong itong si Jesus, matapos na mapaging banal ng Dios ay gumawa ng walang hanggang pagliligtas sa lahat ng tumatalima sa kaniya, ay isa pang sala ng pamumusong ang idadagdag sa inyo ng Dios. Gayon din ang nagkaloob ng kautusan ay ang Dios, kaya’t sa mga utos na yaon matuwid na tumalima ang lahat. Dahil dito ay walang anomang maaaring sunding bagay mula kay Jesus, sapagka’t wala siyang ginawang kautusan sa kaniyang sarili na nararapat sundin ng mga tao. 

Sapagka’t kaniyang sinabi,

JUAN 12 :
49  Sapagka’t AKO’Y HINDI NAGSASALITA NA MULA SA AKING SARILI; Kundi ang AMA na sa akin ay nagsugo, ay siyang nagbigay sa akin ng UTOS, kung ANO ANG DAPAT KONG SABIHIN, at kung ANO ANG DAPAT KONG SALITAIN.

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ang kaniyang utos ay buhay na walang hanggan; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.

Ang matatamis at kahikahikayat na pananalita ng boong nilalaman ng talata 9 ay tila baga pagpapahayag ng mga bagay na may kinalaman sa tunay na kabanalan. Nguni’t nang mahayag sa liwanag ay lumitaw ang tunay na anyo nito, na may larawan ng pamumusong sa kaisaisang Dios na nasa langit.

Sa pagpapatuloy ay binigyan ng mariing pahayag sa talata 10, na si Jesus di umano ay pinangalanan ng Dios na dakilang saserdote ayon sa pagkasaserdote ni Melquisedec. Nguni’t katotohanang sinasabi namin sa inyo, na walang kasulatan ng mga tunay na banal na maaaring magbigay na awtentisidad sa mga bagay na minatuwid ng may akda sa nabanggit na talata (10). 

Katunayan lamang ito na yao’y kabilang sa kalipunan ng mga tradisyon (sali’t saling sabi) na hindi kailan man sinangayunan ng katotohanan. Sa makatuwid baga’y mga kasinungalingan na nilalaman nitong karumaldumal na evangelio ng di pagtutuli ng taong si Pablo.

Sa pagtatapos ng kabanatang ito’y sinasabi sa talata 11 hanggang 14, na ang may akda ay marami pa sanang sasabihin, dangan nga lamang ay nasumpungan niya na nagsipurol sa pakikinig ang mga Hebreo. Sa pagka’t sa katagalan umano ng kanilang pakikinig ay nararapat na silang mga maging guro, nguni’t muli ay kinakailangan silang turuan nitong unang simulaing aral ng Dios (Jesus). Na gaya ng mga sanggol na nangangailangan ng gatas, at hindi ng pagkaing matigas.

Sapagka’t ang sinomang tumatanggap ng gatas ay walang karanasan sa salita ng katuwiran, sa kadahilanang siya’y isang bata (sanggol). Nguni’t ang pagkaing matitigas ay sa may gulang na, sa makatuwid ay silang nangasanay na makarinig ng sinasabing katuwiran ng Dios.

Hinggil dito ay maliwanag na ipinahihiwatig nitong may akda, na ang mga aral na tumutukoy sa kautusan, palatuntunan, at kahatulan ay gaya lamang ng pagkaing gatas ng mga sanggol. Na mga simulaing katuruan na nararapat iwanan ng sinomang di umano’y umantas na sa larangan ng kabanalan. 

Sa gayo’y nagsigulang na nga sila at  kakain na ng pagkaing matitigas imbis na gatas. Na kung lilinawin ay yaong mga nilalamang aral nitong evangelio ng di pagtutuli (Gentil) ang matitigas na pagakaing kakanin nila, na isinusulong ng may akda nitong sulat sa mga Hebreo, at ng mga liham ni Pablo sa iba’t ibang bayan.

Kaya’t hindi katakataka na sa mga liham ng taong ito sa hindi kakaunting bayan ay minatuwid ang mga sumusunod,



Ang pagpapawalang kabuluhan ni Pablo sa mga kautusan ng kaisaisang Dios

GAL 3 :
23 Nguni’t bago dumating ang pananampalataya, ay nabibilanggo tayo sa ilalim ng kautusan, na nakukulong tayo hanggang sa ang pananampalataya ay ipahahayag pagkatapos.

24  Ano pa’t ang KAUTUSAN ay siyang naging TAGAPAGTURO natin upang ihatid tayo kay CRISTO, upang tayo’y ARIING-GANAP SA PAMAMAGITAN NG PANANAMPALATAYA.

25  Datapuwa’t ngayong dumating na ang pananampalataya ay, WALA NA TAYO SA ILALIM NG TAGAPAGTURO.

ROMA 6 :
14  Sapagka’t ang KASALANAN ay hindi makapaghahari sa inyo: sapagka’t WALA KAYO SA ILALIM NG KAUTUSAN, kundi sa ilalim ng biyaya. (pananampalataya) 

ROMA 3 :
20  Sapagka’t sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay WALANG LAMAN na aariing-ganap sa paningin niya; sapagka’t sa pamamagitan ng KAUTUSAN AY ANG PAGKILALA NG KASALANAN.

GAL 3 :
21  ANG KAUTUSAN NGA BA AY LABAN SA MGA PANGAKO NG DIOS? Huwag nawang mangyari: sapagka’t kung ibinigay sana ang isang KAUTUSANG MAY KAPANGYARIHANG MAGBIGAY BUHAY, tunay ngang ang katuwiran ay naging dahil sa KAUTUSAN. (Juan 12:50)

TITO 3 :
9  Nguni’t ilagan mo ang mga hangal na usapan, at ang mga pagsasalaysay ng lahi, at ang mga pagtatalo, at pagtataltalan tungkol sa KAUTUSAN, sapagka’t ang mga ito ay DI PINAKIKINABANGAN at WALANG KABULUHAN.

ROMA 7 :
6  Datapuwa’t ngayon tayo’y nangaligtas sa kautusan, yamang tayo’y nangamatay doon sa nakatatali sa atin, ano pa’t NAGSISIPAGLINGKOD NA TAYO SA PANIBAGONG ESPIRITU, at hindi sa karatihan ng sulat.

ROMA 3 :
28  Kaya nga MAIPASISIYA NATIN na ang tao ay inaaring-ganap sa PANANAMPALATAYA na HIWALAY SA MGA GAWA NG KAUTUSAN.

Sa makatuwid nga’y mga gatas na aral lamang itong mga katuruang tumutukoy sa mga kautusan,at sa  mga palatuntunan. Kaya naman sa matitigas na aral ng di umano’y kabanalan ay tinuturuan nila ang mga wari ay may gulang na, na huwag ng gumanap sa mga bagay na yaon. Sapagka’t sa minamatuwid ng matigas na aral na yao’y sinasabi,


Ang pagpatay ni Pablo sa mga kautusan ng kaisaisang Dios

ROMA 3 :
20  Sapagka’t sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay WALANG LAMAN na aariing-ganap sa paningin niya; sapagka’t sa pamamagitan ng KAUTUSAN AY ANG PAGKILALA NG KASALANAN.

HEB 7 :
18  Sapagka’t NAPAPAWI ANG UNANG UTOS dahil sa kaniyang KAHINAAN at KAWALAN NG KAPAKINABANGAN.

19  (Sapagka’t ang KAUTUSAN AY WALANG ANOMANG PINASASAKDAL), at may pagpapasok ng isang pagasang lalong magaling, na sa pamamagitan nito’y nagsisilapit tayo sa Dios.

ROMA 4 :
15  Sapagka’t ang kautusan ay gumagawa ng galit; datapuwa’t KUNG SAAN WALANG KAUTUSAN AY WALA RING PAGSALANGSANG.

ROMA 5 :
13  Sapagka’t ang kasalanan ay nasa sanglibutan hanggang sa dumating ang KAUTUSAN, nguni’t HINDI IBIBILANG ANG KASALANAN KUNG WALANG KAUTUSAN.

Sa gayo’y pinababanal baga ng sinasabing matitigas na aral ang sinomang tumatalima sa mga yaon, o sa pamamagitan nito’y pinapaging hangal lamang siya, at kinakaladkad ang kaniyang kaluluwa sa hidwang daan tungo sa tiyak na kapahamakan?

Ito’y tanong nga lamang namin na sa inyo’y aming iiwan, at sa tanglaw na naghayag sa maliwanag ng tamang daan ay mangyaring marating ninyo sa pamamagitan ng ilaw ang dulo nito. Dahil dito’y itinataas namin ang aming mga kamay at sa inyo’y itinuturo ng aming mga daliri ang dako ng kaluwalhatian nitong ating Ama. Sa makatuwid baga’y ang pagtalima sa kaniyang mga kautusan na kalakip ang masigla ninyong pananampalataya sa kaniya, na kaisaisang Dios na nasa langit.

Suma inyo kung gayon ang pagpapala ng ating Ama (kabuoan), ngayon, ngayon, at magpakailan man.


Amin. Amin, Amin














No comments:

Post a Comment