Monday, May 14, 2012

Chapter 4 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 1 of 4)


Maliwanag na pinalabas ng may akda sa nakaraang kabanata (3), na ang boong kalahian ng mga anak ni Israel na nangagsilabas sa Egipto ay hindi nakapasok sa kapahingahan ng Dios. Ito’y sa di umano’y kawalan nila ng pananampalataya sa Dios, na nagtulak sa lahing yaon upang maghimagsik sa kaniyang mga kautusan,  mga palatuntunan, at mga kahatulang tinamo ni Moises mula sa Kaniya.

Sa gayo’y naihanda na ang kaisipan ng marami sa pananaw na yaon, upang magtumibay sa kanilang kaisipan ang mga bagay na kailan ma’y hindi sinangayunan ng katotohanan. Sapagka’t sa kabanatang ito’y naihanda na rin ang bagong katuruan (evangelio ng di pagtutuli), na kahit saang banda o angulo mo sipatin ay hindi masumpungan ang katuwiran (evangelio ng kaharian) na binigiyang diin mismo ng Dios mula sa bibig ng kaniyang mga tunay na banal.

Kaugnay nito, sa talata 1 hanggang 3 ay sinasabing may naiwan sa bagong henerasyon ng mga anak ni Israel na pangako ng pagpasok sa kapahingahan ng Dios. Sapagka’t gaya ng kanilang mga magulang ay nagsitanggap din naman sila ng mabubuting balita. Datapuwa’t ito’y naging walang kabuluhan sa kanila, dahil sa umano’y kawalan nila ng pananampalataya. 

Dahil dito ay isinumpa sila ng Dios, na sila’y hindi magsisipasok sa kaniyang kapahingahan. Sa kabilang dako, palibhasa umano’y nagsitindig ang nabanggit na henerasyon sa pananampalataya ay nagsisipasok sila sa kapahingahang yaon.
Sa usaping ito’y ipinapapansin namin sa inyo, na ang naging sanhi ng umano’y di pagpasok ng kanilang mga magulang sa kapahingahan ng Dios ay ang kawalan nila ng  pananampalataya, na nagtulak sa kanila sa paghihimagsik sa mga kautusan, palatuntunan, at kahatulan ng Dios

Sa makatuwid, kung nais ng sinoman sa henerasyong ito na makapasok sa nabanggit na kapahingahan ay maliwanag na ang gaganapin ay yaong mabuting balita (evangelio ng kaharian) na tumutukoy sa pananampalataya sa Dios na kalakip ang mga gawa ng kautusan. Katotohanan ito na nararapat ninyong tandaan, at sa pagpalaot natin sa kabanata 4 ay siya natin itong gagawing patibayang aral. Upang supilin ang hindi kakaunting mga salita na pumipilipit sa katuwiran nitong evangelio ng kaharian, na isinatitik ng mga tunay na banal.

Sa mga talata ngang ito’y ipinahihiwatig na yaong mabubuting balita ay hindi pinakinggan ng mga anak ni Israel, at ang tanging nagsipakinig at nagsitalima sa mga yao’y ang bagong henerasyon ng kanilang lahi.  

Dahil dito’y sila nga lamang ang nagsipagtagumpay na makapasok sa kapahingahan ng Dios. Sa gayo’y iginigiit sa lathalaing ito sa mga Hebreo, na silang nangaunang lahi ay nangalipol na lahat sa kawalan nila ng pagkilala sa Dios ng Israel at ng lahat ng mga bansa sa kalupaan. 

Sa makatuwid ay napakaliwanag na kung bakit nila natamo ang gayong biyaya ng Dios ay sa pamamagitan ng pananampalataya na kalakip ang mga gawa ng kautusan. Sapagka’t sa kawalan nito nagkamit  ng sumpa ang kanilang mga magulang, na naging dahilan ng maaga nilang pagkalipol.

Sa talata 4 at 5 ay sinasabing ang Dios ay gumawa sa loob ng anim (6) na araw, at sa ikapito (7) ay inilagay niya ang kaniyang sarili sa kapahingahan. Kaugnay nito ay pinalabas ng may akda sa kabanata 3, na ang boong kalahian ni Israel na nangagsilabas mula sa pagkaalipin nitong Egipto ay hindi nagsipasok sa kapahingahan niyang yaon. 

Sa gayo’y hindi kaya masasabing kapahingahan ang pagpasok ng mga labi ng Israel sa lupain ng mga Palestino (lupang pangako), mula sa walang tigil nilang paglaboy sa mga ilang ng Gitnang Silangan sa loob ng apat na pung (40) tao? Hindi baga yaon lamang na mga nangabuwal at nangalipol sa panahon ng kanilang paglalakbay ang tinutukoy sa sumpang iyon ng Dios?

Sa lahi ngang yao’y nalipol ang isang bahagi, at pinarating ng Dios sa lupang pangako ang isang bahagi ng mga anak ni Israel sa pamamagitan ni Josue. Sa gayo’y may hindi nakapasok at may nakapasok sa kapahingahan sa mahabang panahon ng kanilang paglalakbay.

Sa makatuwid baga’y yaong pagtahan sa lupaing ipinamana sa kanila ng Dios, na siyang naging bunga ng kanilang pagsunod sa mga kautusan, palatuntunan, at kahatulan na isinabuhay nila habang sila’y paparoon sa nabanggit na lupain (Jos 1:17).

Samantalang ang mga suwail at mapanghimagsik ay nangalipol sa daan pa lamang, sapagka’t nalalaman ng Dios na sila’y walang puwang sa napipintong kapahingahan ng lahing yaon at hindi karapatdapat sa anomang mana mula sa kaniya.

Sa gayo’y maliwanag pa sa sikat ng araw na ang sumisimbulo sa anim (6) na araw na paggawa ay ang apat na pung (40) taong paglipana ng nabanggit na lahi sa palibotlibot ng Gitnang Silangan, at ang kapahingahan na tinutukoy ay ang pagsapit nila sa lupain ng mga Palestino. Na ipinamana sa kanila ng Dios at kanilang tinahanan hanggang sa kasalukuyang panahon,

Na sinasabi,


Ang kapahingahan ng Dios na pinasok nitong mga labi ng Israel
(Mula Egipto hanggang sa lupain ng mga Palestino)


JOS 1 :
10  Nang magkagayo’y nagutos si Josue sa mga pinunong bayan, na sinasabi,

11  Kayo’y magdaan sa gitna ng kampamento, at magutos sa bayan, na sabihin, Maghanda kayo ng baon; sapagka’t sa loob ng tatlong araw ay tatawid kayo sa Jordang ito, upang yumaong ariin ang lupain, na ibinigay sa inyo ng Panginoong dios upang ariin.

12  At sa mga Rebenita, at sa mga Gadita, at sa kalahating lipi ni Manases, ay nagsalita si Josue, na sinasabi,

13  Alalahanin ninyo ang salita na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon, na sinasabi, BINIBIGYAN KAYO NG KAPAHINGAHAN NG PANGINOON NINYONG DIOS, AT IBIBIGAY SA INYO ANG LUPAING ITO.

14  Ang inyong mga asawa, ang inyong mga bata, at ang inyong mga hayop ay tatahan sa lupain na ibinigay sa inyo ni Moises sa dako roon ng Jordan; nguni’t kayo’y tatawid na may sandata sa harap ng inyong mga kapatid, kayong lahat na makapangyarihang lalaking matapang, at tutulong sa kanila;


15  Hanggang sa mabigyan ng kapahingahan ng Panginoon ang inyong mga kapatid, na gaya ninyo, at kanila namang maari ang lupaing ibinibigay sa kanila ng Panginoon ninyong Dios: kung magkagayo’y babalik kayo sa lupain na inyong ari, at inyong aariin, yaong ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon sa dako roon ng Jordan sa dakong sinisikatan ng araw.

16  At sila’y sumagot kay Josue, na sinasabi, Lahat ng iyong iniutos sa amin ay aming gagawin, at saan mo man kami suguin ay paroroonb kami.

17  Kung paanong aming dininig si Moises sa lahat ng mga bagay, ay gayon ka namin didinggin: sumaiyo lamang ang Panginoon mong Dios, na gaya kay Moises.


Ang binabanggit na kapahingahan ng Dios sa Awit 95:11 ay maliwanag na napasok ng mga labi ng Israel, na kung lilinawin ay yaong pagsapit sa lupang pangako upang ito’y kanilang ariin ayon sa sinalita ng Dios sa kanila noong una.

Dahil dito ay hindi maikakaila, na ang tinutukoy na kapahingahan ng Dios sa Heb 3:11 ay hindi iniayon ng may akda nito sa kaukulang isinasaad ng Awit 95:11. Bagkus ito’y itinuon sa pananaw ng sabbath, na may paggawa sa anim (6) na araw at kapahingahan sa ikapitong (7) araw, na sinasabi,

Sa talata 6 hanggang 10 ay ayon sa mga sumusunod ang mababasa,


HEB 4 :
6  Kaya’t yamang may natitira pang isang dapat magsipasok doon, at ang mga pinangaralan nang una (lahi ni Israel) ng mabubuting balita ay hindi nangakapasok dahil sa pagsuway,

7  Ay muling nagtangi siya ng isang araw, Ngayon pagkatapos ng ilang panahon na sinasabi sa mga awit ni David (ayon sa sinabi na ng una),
Ngayon kung marinig ninyo ang kaniyang tinig.
Huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso.

8  Sapagka’t kung ibinigay sa kanila ni Josue ang kapahingahan. ay hindi na sana niya sasalitain pagkatapos ang ibang araw.

9  May natitira pa ngang isang pamamahingang sabbath, ukol sa bayan ng Dios.

10  Sapagka’t ang pumasok sa kaniyang kapahingahan ay nagpahinga naman sa kaniyang mga gawa, gaya ng Dios sa kaniyang mga gawa.


Sa talata 6 ay maliwanag na ang tinutukoy na hindi nagsipasok sa kapahinghan ng Dios ay yaong lahi ni Israel na nagsilabas sa Egipto, kaya’t sinabi na mayroong natitirang lahi na dapat magsipasok sa nabanggit na kapahingahan.

Sa gayo’y pinasisinungalingan baga ng may akda ang mga sumusunod na talata?


Ang kapahingahan ayon kay Josue

JOS 1 :
13  Alalahanin ninyo ang salita na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon, na sinasabi, BINIBIGYAN KAYO NG KAPAHINGAHAN NG PANGINOON NINYONG DIOS, AT IBIBIGAY SA INYO ANG LUPAING ITO.

14  Ang inyong mga asawa, ang inyong mga bata, at ang inyong mga hayop ay tatahan sa lupain na ibinigay sa inyo ni Moises sa dako roon ng Jordan; nguni’t kayo’y tatawid na may sandata sa harap ng inyong mga kapatid, kayong lahat na makapangyarihang lalaking matapang, at tutulong sa kanila;

15  Hanggang sa mabigyan ng kapahingahan ng Panginoon ang inyong mga kapatid, na gaya ninyo, at kanila namang maari ang lupaing ibinibigay sa kanila ng Panginoon ninyong Dios: kung magkagayo’y babalik kayo sa lupain na inyong ari, at inyong aariin, yaong ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon sa dako roon ng Jordan sa dakong sinisikatan ng araw.

Sa gayo’y maliwanag pa sa sikat ng araw, na yaong mga pinangaralan noong una, bagaman nangabuwal sa ilang ang marami sa kanila’y nakapasok pa rin ang hindi kakaunting labi nila sa kapahingahan na kaloob ng Dios. Maliwanag nga kung gayon na ang isinasaad nitong talata 6 hinggil dito ay isang daya ng kasinungalingan, sapagka’t ang katotohanan ay nangakapasok sa nabanggit na kapahingahan ang lahi ni Israel.

Sa isang bahagi ng talata ay sinasabing may natitira pang isa (lahi) na dapat pumasok sa kapahingahan, na kung hihimayin ang evangelio ng di pagtutuli ay napakaliwanag na lahi ng mga Gentil ang ganap na tinutukoy ng may akda sa talata, bagaman sa sulat niya’y mga Hebreo ang kaniyang pinapahatiran, na sinasabi,


EFE 3 :
6  Na ang mga Gentil ay mga tagapagmana, at mga kasangkap ng katawan, at mga may bahagi sa pangako (kapahingahan ng Dios) na kay Cristo Jesus sa pamamagitan ng evangelio. (ng di pagtutuli)

Ngayon nga’y nahayag sa maliwanag kung papaano pinipilipit sa sulat na ating hinihimay ang katotohanan hinggil sa usaping tumutukoy sa kapahingahang kaloob ng Dios na nasasaad sa Awit 95:11. Ano pa’t sa mga nagsipaniwala sa hidwang pahayag na yaon sa talata 6 ay nangalaglag sa kapahapahamak na bitag nitong evangelio ng di pagtutuli.


Narito, at sa talata 7 hanggang 10 ay nagtanging muli umano ang Dios ng isa pang araw ng sabbath pagkatapos ng ilang panahon. Sapagka’t kung ito ayon sa may akda ay naibigay sa pamamagitan ni Josue ay hindi na sana aniya sasalitain pa ng Dios pagkatapos ang ibang araw.

Dahil dito’y may natitira pa aniyang isang pamamahingang sabbath na ukol sa bayan ng Dios. Sapagka’t ang pumapasok sa kaniyang kapahingahan ay nagpahinga sa kaniyang gawa, gaya naman ng Dios sa kaniyang mga gawa.

Hinggil dito, kung may isa pang pamamahingang sabbath na ukol sa bayan ng Dios ay saang kasulatan mababasa ang mga gawa na kumakatawan o sumisimbulo sa anim (6) na araw? Ano pa’t sa kapanahunan ni Moises ay sumimbulo ang anim (6) na araw ng paggawa sa apat na pung (40) taong paglalakbay at sa katapustapusan ay nakamit ang kapahingahan, nang ang hindi kakaunting labi ng Israel ay pasapitin sa lupang pangako (lupain ng Palestino) at ipaari sa kanila ang kabuoan nito.

Ngayon nga’y sinasabing lipas na ang unang (1) pamamahingang sabbath, at ito’y hinalinhan na ng pangalawa. Sa gayo’y nasaan ang kasulatan na maghahayag ng nakalipas na mga araw ng paggawa, upang masabing ngayon ang araw ng pangalawang (2) pamamahingang sabbath?

Datapuwa’t yaong matuwid sa nakaraan ay gayon din namang matuwid sa kasalukuyan, sa gayon baga’y ang pagtalima sa mga kautusan ng Dios.

Kung yaon ngang nangauna ay nangatisod at nangalipol, nang dahil sa pagsalangsang sa mga nabanggit na kautusan. Gayon nga rin, kung sinasabing mayroon ng humaliling kapahingahan na dapat pasukin sa panahong ito, ay nararapat na maging masunurin na sa mga kautusan ang lahat. Nang sa gayo’y hindi na maulit pa ang mga gawang ikinapahamak ng marami noong una.

Nguni’t nasaan nga ang sinasabing anim (6) na araw na paggawa, gayong sa isinusulong na doktrinang pangrelihiyon (evangelio ng di pagtutuli) ng lapiang Gentil (iglesia ni Pablo) ay sinasabing walang kabuluhan ang kautusan, at ito’y inutil sa kaniyang layunin, na sinasabi,


HEB 7 :
18  Sapagka’t NAPAPAWI ANG UNANG UTOS dahil sa kaniyang KAHINAAN at KAWALAN NG KAPAKINABANGAN.

19  (Sapagka’t ang KAUTUSAN AY WALANG ANOMANG PINASASAKDAL), at may pagpapasok ng isang pagasang lalong magaling, na sa pamamagitan nito’y nagsisilapit tayo sa Dios.

1 COR 15 :
56  Ang tibo ng kamatayan ay ang kasalanan; at ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan.


GAL 3 :
21  ANG KAUTUSAN NGA BA AY LABAN SA MGA PANGAKO NG DIOS? Huwag nawang mangyari: sapagka’t kung ibinigay sana ang isang KAUTUSANG MAY KAPANGYARIHANG MAG- BIGAY BUHAY, tunay ngang ang katuwiran ay naging dahil sa KAUTUSAN. (Juan 12:50)

ROMA 3 :
20  Sapagka’t sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay WALANG LAMAN na aariing-ganap sa paningin niya; sapagka’t sa pamamagitan ng KAUTUSAN AY ANG PAGKILALA NG KASA- LANAN.

ROMA 4 :
15  Sapagka’t ang kautusan ay gumagawa ng galit; datapuwa’t KUNG SAAN WALANG KAUTUSAN AY WALA RING PAGSALANGSANG.

ROMA 5 :
13  Sapagka’t ang kasalanan ay nasa sanglibutan hanggang sa dumating ang KAUTUSAN, nguni’t HINDI IBIBILANG ANG KASALANAN KUNG WALANG KAUTUSAN.

GAL 5 :
18  Datapuwa’t kung kayo’y pinapatnubayan ng Espiritu, ay WALA KAYO SA ILALIM NG KAUTUSAN.

ROMA 7 :
6  Datapuwa’t ngayon tayo’y nangaligtas sa kautusan, yamang tayo’y nangamatay doon sa nakatatali sa atin, ano pa’t NAGSISIPAGLINGKOD NA TAYO SA PANIBAGONG ESPIRITU, at hindi sa karatihan ng sulat (kautusan).

Nguni’t ano baga ang mga salitang nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus hinggil sa kautusan?


MATEO 19 :
17  At sinabi niya sa kaniya, Bakit mo itinatanong sa akin ang tungkol sa mabuti? May isa, na siyang mabuti: datapuwa’t kung ibig mong pumasok sa buhay, INGATAN MO ANG MGA UTOS.

MATEO 22 :
37  At sinabi sa kaniya, IIBIGIN MO ANG PANGINOON MONG DIOS NG BOONG PUSO MO, AT NG BOONG KALULUWA MO, AT NG BOONG PAGIISIP MO. (Deut 6:5)
38  Ito ang DAKILA AT PANGUNANG UTOS.

39  At ang PANGALAWANG KATULAD ay ito, IIBIGIN MO ANG IYONG KAPUWA NA GAYA NG IYONG SARILI. (Lev 19:18, Mat19:19)

40  SA DALAWANG UTOS NA ITO’Y NAUUWI ANG BOONG KAUTUSAN, AT ANG MGA PROPETA.

MATEO 5 :
17  Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang kautusan o ang mga propeta: ako’y naparito hindi upang sirain, kundi upang GANAPIN.

18  Sapagka’t katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hanggang sa mangawala ang langit at ang lupa, ang isang TULDOK o isang KUDLIT, sa anomang paraan ay HINDI MAWAWALA SA KAUTUSAN, hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

JUAN 12 :
50  At nalalaman ko na ANG KANIYANG UTOS AY BUHAY NA WALANG HANGGAN; ang mga bagay nga na sinasalita ko, ay ayon sa sinabi sa akin ng AMA, GAYON KO SINASALITA.


Alinsunod pa nga rin sa una ang katuwirang isinatinig ni Jesus at walang ipinagbagong anoman. Na kung didinggin at maluwalhating isasabuhay ng sinoma’y gayon nga ring siya’y papasok sa orihinal na kapahingahan. Sapagka’t ang sisimbulo sa anim na araw ay ang pagtalima sa katotohanan, ilaw,  pagibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at ang sa ikapito ay papasukin niya ang buhay na walang hanggan. Na siyang kapahingahang kaloob ng Dios sa sinomang nagpunyaging ganapin ang anim na bagay na nabanggit sa itaas.

Sa gayon nga’y kumakatawan sa anim (6) na araw na paggawa itong kautusan ng Dios, na tinamo ng mga anak ni Israel na nangagsilabas mula sa pagkaalipin ng Egipto. Ngayon nga gaya ng una, sa ikapagtatamo ng buhay na walang hanggan ay matuwid pa ring ganapin ng sinoman sa kalupaan ang mga kautusan ng Ama nating nasa langit.


















No comments:

Post a Comment