Saturday, March 31, 2012

Chapter 2 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 1 of 5)

Sa kabanata namang ito’y itinatampok ng may akda ang mga usapin na may kinalaman sa mga sumusunod,

1. Na ang ipinangusap na mga salita ng mga anghel sa mga tao noong una ay hindi naging matibay sa katarungan ng Dios. Dahil dito, ang kaligtasan ay binibigyang diin na ayon lamang sa mga salitang nangagsilabas mula sa bibig ni Jesus, na pinatototohanan ng kaniyang mga saksi (labingdalawang apostol).

2. Si Jesus ay ginawang mababa ng kaunti kay sa mga anghel. (Bil 20:16)

3. Na sa pamamagitan nitong biyaya ng Dios ay ipinalasap kay Jesus ang kamatayan, upang tubusin ang kasalanan ng bawa’t tao sa sanglibutan.

Ang mga nabanggit na usapin sa itaas ay mga doktrinang pangrelihiyon na pumapaloob sa "evangelio ng di pagtutuli" ng kalipunang Gentil. Na mga katuruang di umano’y tinanggap nitong si Pablo mula sa espiritu ni Jesus na sumasa kaniyang kalooban. Sa gayong pagpapakilala sa mga nabanggit na aral ay hindi naging mahirap sa panig ng kalipunang nabanggit, na ang mga yaon ay tanggapin at paglagakan ng lubos nilang tiwala. Ito nga sa ngayo’y may tibay na pinaninindignan ng boong kasapi nitong iglesia ng mga Gentil.

Friday, March 30, 2012

Chapter 2 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 2 of 5)


Yaong kapangyarihang mangibabaw ng higit sa mga hayop, isda, at ng mga umuusad sa lupa (ahas). Na kung lilinawin pa’y nilalang ang sangkatauhan na kalakip ang ganap na kapamahalaan sa kanila, at bilang paghahari sa kanila’y inilagay sila sa ilalim ng mga paa (kapangyarihan) ng mga tao, upang mapagunawa na sila ang gawa nitong kamay ng Dios na lalong higit na mababa ang likas na kalagayan kay sa tao. Sa madaling salita’y alipin sila at panginoon nila ang mga tao.

Nguni’t nang ang teksto ay sipiin sa aklat ng “Sa mga Hebreo” ay nahayag sa maliwanag na ang katuwiran na sinasangayunang lubos ng katotohanan hinggil dito ay pinilipit ng may akda. Nang magkagayo’y inyong makikita na ito’y ipinatungkol lamang sa isang tao na nagngangalang Jesus. Na pinagkalooban umano nitong kaluwalhatian at karangalan upang tuntungan ng kaniyang mga paa ang ulo ng mga tao. Sa layuning pasukuin ang lahat ng mga bagay at kilalanin siya nilang Panginoon, na gaya ng Dios na tumutubos ng sala at nagliligtas ng kaluluwa.

Ano pa’t siyasatin nyo ngang mabuti ang sipi at ihambing sa katuwirang binibigyang diin ng teksto na kaagapay nito. Nang sa gayo’y makita ninyo kung paapaano napalitan ng salitang "anghel" ang salitang "Dios," gayon din ang lubhang malaking pagkakaiba ng dalawang (2) talata na nalalahd sa nakaraang bahagi (Part 1 of 5). Na sinasabing itong si Jesus ay inilagay ng Dios sa ibabaw ng mga tao, upang ang lahat ay ganap niyang pagharian. Samantalang sa teksto ay ginawa ang sangkatauhan upang pagharian ang lahat ng mga nilikha (hayop) na lalong mababa sa kaniya (tao) ang likas na kalagayan (Awit 8:6-8, Gen 2:26).

Thursday, March 29, 2012

Chapter 2 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 3 of 5)

HEB 2 :
10 Sapagka’t marapat sa kaniya na pinagukulan ng lahat ng mga bagay, at sa pamamagitan niya ang lahat ng mga bagay, sa pagdadala ng maraming anak sa kaluwalhatian na gawing sakdal siyang may gawa ng kaligtasan nila sa pamamagitan ng mga sakit.

Sa talata 10 ay muling minamatuwid ng may akda ang ilang mga bagay na kailan may hindi nangyaring sinangayunan nitong katotohanan ng Dios. Palibhasa’y wala sa anyo na lumalarawan sa mga bagay na binigyan niya ng eksistensiya sa kalupaang ito. Na kung pagsusunodsunurin ay gaya ng mababasa sa ibaba.

1. Na iniukol ng Dios kay Jesus ang kapamahalaan at paghahari sa lahat ng mga bagay.

2. Na sa pamamagitan niya’y nilikha ang lahat ng mga bagay.

3. Na siya’y nagligtas ng kaluluwa at tumubos ng sala nitong sanglibutan.

4. Na si Jesus na naghatid ng kaligtasan sa sanglibutan ay ginawang sakdal sa pamamagitan
          ng kamatayan niya sa krus.

Ugatin nga natin kung papaano itong si Pablo at ang may akda nitong sulat sa “Sa mga Hebreo” ay umabot sa gayong kapangahas na pagpapahayag hinggil sa likas na kalagayan ni Jesus. Dahil dito ay sinabi,

MATEO 28 :
18 At lumapit si Jesus sa kanila at sila’y kaniyang kinausap, na sinasabi, ANG LAHAT NG KAPAMAHALAAN SA LANGIT AT SA IBABAW NG LUPA AY NAIBIGAY NA SA AKIN.

Wednesday, March 28, 2012

Chapter 2 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 4 of 5)

ANG LAYUNIN NG EKSISTENSIYA NI JESUS

MATEO 1 :
1  Ang aklat ng lahi ni Jesucristo, na anak ni David, na anak ni Abraham.

GEN 26 :
5 Sapagka’t SINUNOD NI ABRAHAM ang aking TINIG, at GINANAP NIYA ang aking BILIN, ang aking mga UTOS, ang aking mga PALATUNTUNAN, at ang aking mga KAUTUSAN. (Juan 5:19)

1 HARI 3 :
14  At kung ikaw (Solomon) ay lalakad sa aking (YHVH) mga daan, upang ingatan ang aking mga PALATUNTUNAN, at ang aking mga UTOS, gaya ng INILAKAD NG IYONG AMANG SI DAVID, ay akin ngang palalaunin ang iyong mga kaarawan.

JUAN 5 :
19  Sumagot nga si Jesus at sinabi sa kanila, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, HINDI MAKAGAGAWA ANG ANAK NG ANOMAN SA KANIYANG SARILI KUNDI ANG MAKITA NIYANG GAWIN NG AMA (Abraham); sapagka’t ang lahat ng mga bagay na kaniyang ginagawa (Gen 26:5), ay ang mga ito rin naman ang GINAGAWA NG ANAK (Jesus) sa GAYON DING PARAAN. (pisikal na ama)

Tuesday, March 27, 2012

Chapter 2 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 5 of 5)

Paano nga kung gayon ang sinoman ay makababahagi sa dugo at laman, kung ang isasabuhay na aral sa kalupaan ay ang mga sumusunod na aral nitong evangelio ng di pagtutuli,

HEB 6 :
1  Kaya nga TAYO’Y TUMIGIL NA NG MGA UNANG SIMULAIN NG ARAL NI CRISTO, at tayo’y mangagpatuloy sa kasakdalan; na huwag nating ilagay na muli ang kinasasaligan ng pagsisisi sa mga PATAY NA GAWA (kautusan), at ng pananampalataya sa Dios.

ROMA 4 :
15  Sapagka’t ang kautusan ay gumagawa ng galit; datapuwa’t KUNG SAAN WALANG KAUTUSAN AY WALA RING PAGSALANGSANG.

ROMA 5 :
13  Sapagka’t ang kasalanan ay nasa sanglibutan hanggang sa dumating ang KAUTUSAN, nguni’t HINDI IBIBILANG ANG KASALANAN KUNG WALANG KAUTUSAN.

Sila baga kung gayo’y kumain ng dugo at laman ni Jesus, gayong ayon sa mga talata na inihayag namin sa itaas ay tila baga kasukasuka ang mga bagay na yaon sa kanila. Na hindi karapatdapat kanin nilang lunod sa naguumapaw na kahangalan at kaululan.

Tuesday, March 13, 2012

Chapter 1 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 1 of 4)

Ikinagagalak namin na ipaglingkod sa inyo ang pagbibigay ng tanglaw sa hindi kakaunting usapin na ibinangon ng sumulat nitong liham sa mga Hebreo. Ang mga yaon ay tumutukoy sa mga katuruang malabis na nagpapawalang saysay sa mga sinalita ng mga propeta na inaring ganap ng Dios sa sangbahayan ni Israel. 

Bagay na kung uunawaing mabuti ay nagpapahayag ng paghihimagsik sa mga salita ng Dios, sa layuning bigyang daan ang bagong simulaing di umano’y kasusumpungan ng bagong pagasa tungo sa totoong kahulugan ng buhay na puspos ng kabanalan sa kalupaan.

Kaugnay nito’y nalalaman natin na ang mga anak ni Israel ay hinirang ng Dios na pamahayan at pagharian ng kaniyang Espiritu. Sila'y nagsaad sa iba’t ibang panahon (henerasyon) ng mga bagay na tumutukoy sa katotohanan, ilaw, pagibig, lakas, paggawa, karunungang may unawa, at buhay. Dahil dito ay hindi nga nararapat  pagalinlanganan ng sinoman sa atin ang kadalisayan at kabanalan ng mga salitang nangagsilabas mula sa kani-kanilalang bibig. 

Palibhasa nga’y mga kasangkapan lamang sila ng nabanggit na Espiritu sa dakila niyang layuning ginaganap sa kalupaan, na ang kaukulan ay sa lahat ng kaluluwang sumasa katawan. Ano pa’t kung liliwanaging mabuti, tayong lahat ay bahagi ng kaniyang kabuoan na mula sa kaniyang pag-anyo at paglikha.

Monday, March 12, 2012

Chapter 1 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 2 of 4)

Ang pangapat (4) na usapin sa talata 2 ay binibigyang diin na sa pamamagitan nitong si Jesus ay ginawa ng Ama ang sanglibutan. Na kung lilinawin ay naging kasangkapan sa paggawa ng sanglibutan at paglikha sa lahat ng mga bagay si Jesus.


Sa gayo’y sinira na ng idolohiyang ito ang padron ng katotohanan na tumutukoy sa pagiging kaisaisa ng Dios sa kaluwalhatian ng langit. Ano pa’t sa hindi maikakailang katotohanan ay inilapat ng mga hangal ang kalagayang verbo sa katauhan nitong si Jesus, at dahil dito’y nagsimulang siya’y kilalanin sa kalagayan ng isang Dios na totoo.


Ang taong si Jesus gaya ng iba pang banal na nabuhay sa kanikaniyang kapanahunan, palibhasa’y pinamahayan at pinagharian ng Espiritu ng Dios sa kanilang kalooban at kabuoan ay lumarawan sa kaniyang mga salita at gawa ang wangis at anyo ng ating Ama. Ang katotohanan, ilaw, pagibig, kapangyarihan, paglikha, karunugang may unawa, at buhay na walang hanggan, na siyang kawangisan at kaanyuan ng Dios sa bawa’t banal na nabuhay sa kalupaan.


Nang pasimula nga ay ang verbo (salita), at ang verbo ay sumasa Dios at ang verbo ay Dios. Gayon nga na nang pasimula ay salita na siyang katotohanan, ilaw, pagibig, kapangyarihan (lakas), paglikha (paggawa), karunungan, at buhay. Ang salita ngang lumalapat sa mga ito’y sumasa Dios, at Dios sa kaniyang anyo at likas na kalagayan. Sa gayo’y nagkatawang tao ang verbo (salita) at tumahan sa gitna ng mga tao. Sa makatuwid baga ay ang Cristo?

Sunday, March 11, 2012

Chapter 1 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 3 of 4)


Gayon ngang ang nabanggit na layunin ng taong si Jesus sa sangbahayan ni Israel ay maging sapat na sa inyo upang mapagunawa na siya’y hindi naglinis sa sala ng buong mundo, kundi ito’y ginawa nitong Espiritu ng Dios na sumasa kaniya sa mga ligaw na tupa lamang sa nabanggit na sangbahayan (kawan). Bagay na magkapagkakaloob ng lubos na kaunawaan sa pangatlong (3) usapin ng talata 3.

Ang tao ngang si Jesus kung gayo’y ekskulusibo lamang sa kanila (tupa), at sila din lang ang nangaligtas at nangatubos ang sala sa kaniyang kapanahunan. Datapuwa’t ang mga Gentil, maging ang mga Samaritano, palibhasa’y kalipunan ng mga kambing (anak ng pagsuway) ay hindi ibinilang sa gawain nitong Espiritu ng Dios gamit ang katawan ni Jesus.

Na sinasabi,

MATEO 10 :
5  Ang labingdalawang ito’y sinugo ni Jesus, at sila’y pinagbilinan, na sinasabi, HUWAG KAYONG MAGSITUNGO SA ALIN MANG DAAN NG MGA GENTIL (Efe 4:18), at HUWAG KAYONG MAGSIPASOK SA ALIN MANG BAYAN NG MGA TAGA SAMARIA (Ose 13:16).

6  Kundi bagkus magsiparoon kayo sa mga TUPANG NANGAWAGLIT SA BAHAY NI ISRAEL (Mat 15:24).

Maliwanag nga kung gayon na kung sila’y kabilang sa kalipunan ng mga tupa, ay hindi sana mariing iniutos ng nabanggit na Espiritu sa kalooban ni Jesus ang gayon. Bagkus ay binanggit sila sa labingdalawang (12) apostol, na huwag kalilimutang paroonan, at sa kanila’y ipangaral ang nalalapit na kaharian ng Dios.

Saturday, March 10, 2012

Chapter 1 "SULAT SA MGA HEBREO" (Part 4 of 4)


Gayon ngang inilalagay ng ating Ama ang kaniyang pitong (7) Espiritu sa sinomang kinakikitaan niya ng ganap na kahandaan sa pakikipagisa sa kaniya ng layunin. Dahil dito, ang taong si Jesus sa kaniyang kapanahunan ay kinasumpungan ng gayong kalagayan, at matapos na siya'y gawaran ng bautismo nitong si Juan sa ilog Jordan ay natamo niya sa kaniyang kalooban at kabuoan ang mga nabanggit na Espiritu, na sa kalupaan ay nakasanayang tawaging "Espiritu Santo" ng mga tao. 

Mula nga noo’y namahay at naghari na sa kaniya ang Espiritu ng Dios, at doon pa lamang siya kinasumpungan ng hindi matatawarang karunungan at mga kagilagilalas na himalang tanging Espiritu lamang ng Dios ang maaaring magsagawa.

Nang dahil sa banal na kalagayan niyang iyon ay hindi nga magiging imposible sa sinoman na kasumpungan ng gayong mga gawa, palibhasa’y yaong kabuoan ng pitong (7) Espiritu ng Dios (Espiritu Santo) ang sa kalooban  niya ay naghahari. Datapuwa’t sa kawalan ng pangunawa nitong boong kalahian ng mga Gentil (anak ng pagsuway) sa kapanahunang yao’y wala silang anomang natalastas na katotohanan hinggil sa hiwagang bumabalot sa buong pagkatao nitong si Jesus.